Rev. 6:16
They called to the mountains and the rocks,
"Fall on us and hide us from the face of him who sits on the throne and from the wrath of the Lamb!"
Mata ng Diyos
Wolfgang
Pagdilat ng kanyang mga mata, ang buong paligid ay makulay. Siya ay gumising sa umagang ubod ng ganda. Subalit ang kaligayahang kanyang nadarama ay biglang napalitan ng takot na walang kapantay. Ang sumira sa kanyang payapang araw: siya ay tinitigan ng Diyos na hukom.
Ipinakita sa kanya ang lahat ng kanyang pagkakasala at sa kauna-unahang pagkakataon ay kanyang napansin ang bahid ng dugo sa kanyang mga kuko. Kumaripas siya ng takbo papalayo mula sa mga nanlilisik na mata ng Diyos, ngunit sino nga ba ang makakaiwas sa presensya ng Diyos? Wala.
Ang Pahayag 6:12-16 ay pangunang-silip sa kung ano ang mangyayari sa oras na mabatid ng mga tao na ibubuhos na ng Diyos ang kanyang poot sa daigdig. Sa kaganapan ng dakilang lindol, pangingitim ng araw, pamumula ng buwan at pagkahulog ng mga tala, magigimbal sa takot ang mga 'di mananampalataya. Iiwanan nila ang kabihasnan at ikukubli ang kanilang mga sarili sa mga yungib at mga kabundukan . Ngunit higit sa lahat ng kanilang mga kinatatakutan ay ang pagharap nila sa Diyos Ama at sa kanyang Kordero. Mas nanaisin pa nila na sila ay bagsakan ng mga bato at bundok kaysa sila ay titigan ng napopoot na Diyos.
Iyan nga ang sasapitin ng lahat ng hindi nanampalataya sa Korderong Tagapagligtas. Subalit sa atin na pinagkalooban ng pananampalataya, walang tayong dapat ikatakot o ikabahala.
1. Sa mga mata ng Diyos, tayo ay napatawad na. Tayo ay katanggap-tanggap sa kanyang harapan. May kapayapaan na sa pagitan natin at ng Diyos (Roma 5:1)
2. Sa mga mata ng Diyos, tayo ay malinis na. Wala na ang bahid ng dugo sa ating mga kuko. Ang kanyang dugo ang siyang naglinis sa atin (Heb. 9:14)
3. Sa mga mata ng Diyos, tayo na mga makasalanan ay ibinilang bilang matuwid. Sa ating pakikipag-isa kay Kristo, ang kanyang katuwiran ay ibinilang na atin. (1 Cor.1:30; 2 Cor. 5:21)
4. Sa mga mata ng Diyos, tayo ay mga sinisintang anak. Hindi mga rebelde o mga kriminal na dapat puksain ang tingin niya sa atin. Malaya tayong tawagin siyang "Ama" (Juan 1:12; Gal. 4:6); tayo ay mga anak na kanyang inaalagaan, iniingatan at pamamanahan ng 'di mabilang at 'di masukat na mga pagpapala. Hindi panlilisik ng mata ang sasalubong sa atin kundi mga sulyap ng pag-ibig.
No comments:
Post a Comment