Tuesday, October 18, 2011

Malayo pa ang Umaga (Rey Valera)

Psalm 130:6
My soul waits for the Lord
more than watchmen wait for the morning,
more than watchmen wait for the morning.






          Marahil ay nakikita ng karamihan ang kanilang mga sarili sa mga letra ng kanta kung kaya't ito ay sumikat. Ang mga tao ay dumadaan sa sari-saring mga suliranin. Mapait ang buhay; may mga pagkakataon na walang patid ang pagpatak ng ating mga luha. Ang buhay natin ay isang madilim at mahabang gabi. Panay ang lingon natin sa silangan sapagkat doon natin inaasahang sisikat ang araw. Subalit sa ating bawat paglingon, wala man lang ni isang guhit ng sinag tayong nasisilayan. Malayo pa ang pagsilip ng araw.
          Ang salmistang nasa likod ng Awit 130 ay dumadaan sa matinding suliranin; inilarawan niya ang kanyang kalagayan bilang isang taong dumadaing buhat sa kalaliman (talata 1). Subalit sa kabila ng lahat ng ito, ang salmista ay buong tiwalang naghihintay sa kung ano ang gagawin ng Panginoon. Paano nga kaya kung malayo pa ang umaga?
          Sa talata anim ay kanyang isinulat na ang kanyang pananabik sa pagdating ng umaga ay higit pa sa pananabik ng mga bantay. Sa kanilang kapanahunan, ang tungkulin ng mga bantay na ito ay magmatyag sa gabi. Habang nakahimlay ang karamihan, at habang maging ang mga mandirigma ay mahimbing na natutulog, nasa taas ng tore ang bantay. Siya'y nakatanaw sa malayo upang kung sakaling may papalapit na mga kaaway at nagbabanta ng pagsalakay, gigisingin ng bantay ang taong-bayan upang sila'y maging handa sa pakikidigma.
          Gabi-gabi, iyan ang gawain ng bantay. Siyempre, ang pinananabikan ng bantay ay ang pagdating ng umaga upang sa paggising ng mga tao, siya naman ang may pagkakataong magpahinga. Ang sabi ng salmista, higit ang kanyang pag-aabang sa umaga kung ihahambing sa pag-aabang ng mga bantay.
          Sa mga pagkakataong madilim at mahaba ang gabi ng ating buhay, ano ba ang mga maaari nating asahan?


1. Maaasahan natin na ang mga dalangin natin ay hindi nasasayang (talata 1,2).
       Iyan ang ginawa ng salmista; dumaing siya sa Panginoon upang humingi ng saklolo.
       Eh paano kung sa pakiramdam natin ay tila hindi nakikinig ang Diyos sa ating mga dalangin? Ang lunas ay panalangin pa rin! Huwag titigil sa paghiling na tayo ay pakinggan ng ating Diyos.


2. Kung sakali man na karapat-dapat tayong maghirap dahil sa ating mga pagkakasala, maaasahan natin na ang Diyos ay mapagpatawad (talata 3,4, at 8)
       Sa talata 3 ay kanyang ipinahayag ang katotohanan na wala ni isa, maging ang mga pinakabanal sa piling natin ang karapat-dapat sa harap ng Diyos. Maaaring sa tingin ng madla ay banal siya, subalit kanyang inaamin na kung siya ay sisingilin ng Diyos sa kanyang mga kasalanan, ni hindi siya makakatayo sa harap ng Diyos.
       Subalit panatag siyang lumalapit sa Diyos sapagkat alam niya na ang kanyang nilalapitan ay isang Diyos na mapagpatawad. Nakakamangha rin na ang pagkakilala ng katangian na ito ng Diyos ang nag-uudyok sa atin na mamuhay ng may takot sa kanya (talata 4)


3. Maaasahan natin na ang salita ng Diyos ay totoo at maaari nating panghawakan (talata 5)
       Dumampot tayo ng isang pangako mula sa Salita ng Diyos. Hebreo 13:5- "Hindi kita iiwan; ni pababayaan man". Dahil hindi niya tayo iiwan, hindi kailangang hintayin ang umaga upang masabing kasama natin siya. Sa hinaba-haba ng gabi, Siya'y kapiling pa rin natin.


Ang mga halaman ay matutuyo;
Ang mga gusali ay maglalaho
Subalit ang kanyang mga pangako
Ay hindi mapapako


4. Maasahan natin na ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nagmamaliw (talata 7)
       Ano ang dapat alalahanin kung alam mong iniibig ka ng Diyos? Wala. Dahil mahal niya tayo, hinding-hindi siya gagawa ng anuman na ikakapahamak natin; at ang pag-ibig rin na ito ang dahilan kung bakit siya gagawa ng mga hakbang para sa ating kapakanan. Ang pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig na ito ay ginawa na niya halos dalawang libong taon na ang nakakaraan nang kanyang ibigay ang buhay ng kanyang anak para sa ating ikakatubos. Kung 'yan ay kanyang nagawa noon, ano pa kaya ang hindi niya kayang ibigay? (Roma 8:32)
       
       Dumadaan ka ba sa isang napakahabang gabi? Mabagal ba ang takbo ng orasan na tila ang isang segundo ay tumatagal ng isang oras? Pagbulayan ang Awit 130 at hintayin ang pagdating ng umaga ng may pagtitiwala.
------------------


No comments:

Post a Comment