“na sa kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman.”
Colosas 2:3 (AB 2001)
Ayon sa mga ulat ng Matandang Tipan, si Haring Solomon ay may taglay na pambihirang kaalaman at karunungan. Siya ay naging bantog dahil dito kaya naman may mga taong naglalakbay mula sa malalayong lupain upang mapakinggan lamang ang lalim at lawak ng kaalaman at karunungan ni Haring Solomon. Ang mga hari mula sa malalayong mga bansa ay nagpapadala ng kanilang mga kinatawan upan dumalaw sa tanyag na hari ng Israel.
Ang mga nagsisidalaw ay mga pagano. Napakaliit ng kanilang kaalaman tungkol sa Tunay at Nag-iisang Diyos ngunit sa kabila nito ay mayroon silang mataas na pagpapahalaga sa kaalaman at karunungan. Ito ay patunay na sa kaibuturan ng bawat puso, alam ng lahat na ang pagtataglay ng kaalaman at karunungan ay kaibig-ibig.
Ang nasusulat sa Colosas 2:3, kay Cristo “nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman.” Si Cristo ang imbakan. Siya ang kamalig. Ang problema ng makasalanang sangkatauhan ay kung saan-saan sila lumalapit upang magtamo ng kaalaman at karunungan ngunit lumalayo naman sa imbakan. Lumalayo sila sa kamalig. Ang Reyna ng Timog ay naglakbay mula dulo ng daigdig upang mapakinggan lamang si Haring Solomon samantalang ayaw lumapit ng mga tao kay Jesus na higit kay Solomon. (Luke 11:31)
Mga kapatid, maaaring hindi tayo matalino at marunong ayon sa pamantayan ng sanlibutan. Maaaring hindi ganun kataas ang ating pinag-aralan. Ngunit kung ikaw ay nakay Cristo, ang imbakan ay bukas. Ang kamalig ay bukas. Sa pagtuturo at paggabay ng Banal na Espiritu, tayo ay nakikibahagi sa kaalaman at karunungan ng Diyos.
No comments:
Post a Comment