"Mapapalad ang mga dukha sa espiritu,
sapagkat kanila ang kaharian ng langit." (Mateo 5:3) 1
Una sa listahan ng Panginoong Hesus ng mga taong mapapalad ang mga dukha sa espiritu (poor in spirit). Mapalad sila sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit (theirs is the kingdom of heaven), ibig sabihin sila ang mga magtatamasa sa mga biyaya ng paghahari ng Mesias sa ngayon at sa hinaharap. Ngunit ano nga ba ang kahulugan ng pagiging dukha sa espiritu.
Ang interpretasyon ng ilan dito ay ganito: "sa langit ang mga mahihirap; sa impyerno ang mayayaman". Mabilis silang tatalon sa kahilerang talata sa Lucas 6:20 kung saan walang nakasulat na "sa Espiritu". Ang angkop na interpretasyon nito ay intindihin ang pagiging dukha sa espiritu bilang kasalatan sa espiritu o spiritual bankruptcy. Sila ang mga taong walang anumang hawak na maipagmamalaki sa Diyos. Wala silang anumang taglay na maihahandog sa Diyos kaya't wala silang magawa kundi dumaing na lamang at mamalimos ng habag. Maaaring hindi naman sila salat sa yaman tulad ni Haring David ngunit kinikilala ang kanilang pangangailangan sa Diyos (Awit 40:17). Magiging kapaki-pakinabang lamang ang pinansyal at materyal na karukhaan kung ang dulot nito ay kapakumbabaan sa harap ng Diyos 2
Ang kabaligtaran nito ay ang mga taong panatag sa sarili nilang katayuang espirituwal na nag-iisip na may sapat silang mga katangiang taglay upang maging katanggap-tangap sa Diyos. Sa wari nila ay may sapat silang espirituwal na yaman kaya't karapat dapat silang papasukin sa kaharian ng Diyos. Halimbawa nito ay ang Fariseo sa kuwento ni Hesus na ganito manalangin:
'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita. (Lucas 18:11-12)
Ang taong dukha sa espiritu ay ang maniningil ng buwis na kasabay ng Fariseo na pumasok sa templo. Nakatayo siya sa malayo at 'di makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at ang kanyang kahilingan ay ang habag ng Diyos sa tulad niyang makasalanan (Lucas 18:13)
Kung tutuusin ay pareho lang na walang maipagmamalaki ang Fariseo at ang maninigil ng buwis. Pare-pareho lang naman ang lahat ng tao na nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Roma 3:23). Yun nga lang hindi alam ng Fariseo at ng iba sa atin na mga dukha sila sa espiritu. Patuloy silang nagmamalaki sa kanilang pagkarelihiyoso at naniniwala silang sapat ang kanilang kabutihan upang mapunta sa langit. Subalit ang mga nakakaunawa na sila ay mga dukha sa espiritu ay aasa lamang sa yaman ng sakripisyo ni Kristo na nagpakadukha sa ikayayaman ng mga sasampalataya sa kanya (2 Corinto 8:9)
Talababa:
2. D. A. Carson: "though poverty is neither a blessing nor a guarantee of spiritual rewards, it can be turned to advantage if it fosters humility before God." (Matthew, Expositor's Bible Commentary, 1st edition)
No comments:
Post a Comment