Hindi ko alam ang konteksto ng talumpati ni Patrick Henry na pinagkunan ng pangungusap na ito: "Give me liberty or give me death"-- subalit noon pa man ay inagaw na nito ang pansin ng musmos kong isipan. "Bigyan mo ako ng kalayaan o kung hindi naman ay bigyan mo na lang ako ng kamatayan."
Ang kalayaan ay lubhang pinapahalagahan ng tao. Iyan man ay pambansang kalayaan tulad ng ipinaglaban sa pelikulang Braveheart o personal na kalayaan tulad ng ipinaglaban sa pelikulang Amistad, ang mensaheng hatid: mahalaga ang kalayaan at dapat na maging handa tayo, magtaya man ng buhay makamit lamang ito.
Sa sistema ng pang-aalipin sa panahon ni Moises, hindi kailangang dumanak ang dugo upang maging malaya. Sapagkat kapag ikaw ay binili bilang alipin, hindi ibig sabihin na magiging alipin ka habang-buhay. Ang nakasaad sa batas, maglilingkod ka ng anim na taon at sa ikapito, malaya ka na.
Nakasaad rin sa batas na kung sa pagpasok mo bilang alipin ay may asawa ka, lalabas ka kasama pamilya mo. Kung ikaw ay pumasok bilang binata at sa kagandahang-loob ng iyong amo ay pinagkalooban ka ng asawa, sa iyong paglabas ay maiiwan ang iyong pamilya.
May mga pagkakataon na matapos ang anim na taon, sa halip na sunggaban ng alipin ang pagkakataong lumaya, tatanggihan niya ito alang-alang sa pagmamahal niya sa kanyang amo at pag-ibig niya sa kanyang pamilya. Kung 'yan ang nais ng alipin, siya ay dadaan sa isang seremonya kung saan bubutasan ang kanyang tainga, at siya ay magiging alipin habang-buhay. Ang pagkakaiba, noon ay alipin siya dahil siya ay binili; ngayon ay alipin siya dahil mahal niya ang kanyang amo at ang kanyang pamilya. (Exo. 21:5-6)
Sa panahon ng Bagong Tipan, inangkat ni Apostol Pablo ang konseptong ito. Sa kanyang mga liham ay madalas niyang tawagin ang kanyang sarili bilang alipin ng Diyos: kusang-loob siyang nagpapakaalipin dahil nakita niya na kaibig-ibig ang kanyang Panginoon. (Rom.1:1; Gal. 1:10; Titus 1:1)
Ano nga ba ang mga dahilan kung bakit kaibig-ibig ang Panginoon na ating pinaglilingkuran? Siyempre marami 'yan at hindi natin kayang banggitin lahat. Subalit tatangkain kong maglista ng ilan.
Una, siya ay perpekto sa lahat ng kanyang katangian. Kung ang mga alipin ay may mga nasusumpungang kanais-nais na mga katangian sa kanilang mga amo dito sa ibabaw ng lupa, eh 'di higit pang kahanga-hanga ang mga katangian ng ating amo na nasa langit. Perpekto siya sa kanyang pag-ibg; perpekto sa kabaitan, perpekto sa kabutihan, perpekto sa katarungan, perpekto sa kanyang pag-uugali. 'Yan ang among masarap paglingkuran.
Pangalawa, isipin natin kung gaano kahalaga ang kanyang ginamit upang mabili tayo. Hindi pilak o ginto ang ipinambili niya sa atin kundi sa pamamagitan ng buhay ng kanyang anak na si Kristo. Walang kapantay sa halaga ang kanyang dugo na itinigis sa krus upang mapasakanya lamang tayo. (1 Cor. 6:20; 1 Ped.1:18-19)
Kaya naman ang wika ng Apostol Pablo sa 2 Cor. 5:15:
"Siya'y namatay para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang mga sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay."
Pangatlo, isipin natin ang dati nating kalagayan bago tayo maging alipin ng Diyos. Noon pa man ay mga alipin na tayo-- yun nga lamang ang pinaglilingkuran natin ay hindi ang Diyos kundi ang kasalanan (Roma 6:6). Lahat ng tao, anuman ang kalagayan sa buhay-- siya man ay nakatira sa palasyo o nananahan bilang iskuwater; siya man ay nakaupo sa trono o nagwawalis sa kalye, lahat sila ay mga alipin. Ang tanong lamang ay kung kanino ka naglilingkod, sa Diyos ba o sa kasalanan?
Purihin natin ang Diyos sapagkat nang tayo ay maging mga alipin niya, naging malaya tayo sa ating naunang amo na si Kasalanan. Hindi na tayo mananatili sa walang kabuluhang pamumuhay. Nagkaroon ng kulay at saysay ang mga buhay natin.(1 Ped. 1:18)
Pang-apat, nang binili tayo ng Panginoon upang kanyang maging mga alipin, tayo man ay binigyan niya ng pamilya: mga kapatid sa pananampalataya na kaagapay natin sa lakad-ispirituwal at sila nga ay napamahal na sa atin. (Efe.2:19)
Bukod diyan, sa pamilyang ito, yung ating Amo mismo ang tumatayo bilang Ama. Bagamat siya ay mataas bilang Panginoon at tayo ay mababa bilang mga alipin, inangkin at itinuring na niya tayo bilang mga anak. Ang lahat ng mga karapatan ng mga anak ay ipinagkaloob na niya sa atin dahil sa ating pananalig kay Hesus (John 1:12).
May mga pagkakataon na nahihirapan tayo na tupdin ang ipinagagawa ng ating Amo. Parang mahirap sabihin na "Opo, Panginoon". Subalit tandaan natin na sa mga oras na 'yan ay maaari rin tayong lumapit sa kanya at ibulong, "Aking Ama, tulungan mo akong upang aking magampanan ang mga bagay na pinagagawa mo sa akin."
No comments:
Post a Comment