"Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin."
(Mateo 5:4)
Sa nakaraang paskil ay nakita ang una sa mga Beatitudes at ito ay ang mga dukha sa espiritu. Ang sumunod na Beatitude ay nababagay na karugtong nauna: mapalad ang mga nagdadalamhati. Nagdadalamhati sila sa pagkaunawa na sa kanilang karukhaan sa espiritu, sila ay mga makasalanan.
Hindi lahat ng aminado na sila ay mga dukha sa espiritu ay ikinalulungkot ito. Ang iba ay ay nagmamalaki pa at ipinagdiriwang ang kanilang kasalanan. May mga taong sadyang proud na proud pa habang ikinukuwento kung paano sila mangupit sa magulang, mambabae, manlamang sa kapwa, atbp. Maraming ganun sa Israel noong mga panahon na yun. 'Yan ay kung ibabatay sa mensahe ng pangangaral ni Juan Bautista na nabuhay rin sa panahong iyon. Sa Lukas 3 makikita natin na ang mga kasalanang binanatan ni Juan Bautista ay ang korapsyon, ang pang-aabuso sa kapangyarihan, ang pagsasawalang bahala sa mga nangangailangan, at pagsasamantala sa kapwa. Parang katulad rin ng ating kapaanahunan; magmula sa pinakamataas at pinakamababang posisyon may nananamantala upang kumita. Mula sa Senado hanggang sa palengke, may nandadaya. Ito ay araw-araw na nagaganap tila isang normal na bagay lamang. At ito ay hindi nila ikinalulungkot o ikinahihiya.
Ang mga taong nagdiriwang sa kanilang mga kasalanan ay hindi kinalulugdan ng Diyos. Ang mga taong mapapalad ay yung mga tulad na salmista na nagsabing:
Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,
dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira. (psalm 119:136)
Gayon din ang pagdadalamhati ni Ezra:
Pinalipas niya roon ang magdamag na nagdadalamhati dahil sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Hindi siya kumain ni uminom ng anuman (Ezra 10:6b)
Sa isang iglesyang napasukan ng seksuwal na imoralidad, sila ay pinagsabihan ni Pablo ng ganito:
"At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana'y mahiya kayo at malungkot, at ang taong gumagawa ng ganoon ay dapat ninyong itiwalag! " (1 Cor. 5:2)
Sa halip na tanggapin nila ang nararapat na kaparusahan ng kasalanan, tatanggap pa ng pagpapala ang mga nagluluksa sa kasalanan. Sila ay aaliwin ng Diyos kasabay kalakip ang pagpapatawad (Isa. 40:1-2). Balang araw, ang lahat ng luhang pumatak dulot ng daigdig na ito ay papahirin ng Diyos (Pahayag 7:17)
No comments:
Post a Comment