Tuesday, April 14, 2015

Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba (The Beatitudes, part 4)



"Mapapalad ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat mamanahin nila ang lupa."
(Mateo 5:5)


Sa mga patimpalak sa telebisyon ng mga batang lalaki tulad ng That's My Boy, ganito ang karaniwang itinuturo sa mga kalahok:
  • entrance pa lang ay kailangang punong-puno na ng self-confidence ang bata.
  • maglalakad-lakad siyang parang isang siga
  • paminsan-minsan ay haharap sa camera ang bata at ilalagay ang daliri na naka-Laban sign sa ilalim ng baba upang bigyang-diin ang pogi niyang mukha
  • lalapit sa mikropono at sasabin: "Oops, oops, oops! Relax lang kayo mga girls. Akala nyo si Dingdong Dantes ito. Nagkakamali kayo. Mas pogi ako 'dun"

Ito ay sintomas ng malalang kalagayan ng ating lipunan.Ang pagiging mababang-loob ay isang katangian na hindi natin pinapahalagahan. Tayo ay mga taong mapagmataas at ito ang itinuturo natin sa ating mga anak. Salungat diyan ang ikatlong Beatitude na winika ni Hesus: "Mapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang daigdig." (Mateo 5:3)

Ang orihinal na salitang Griyego na "praus" na isinalin sa Ingles bilang "meek" at "mapagpakumbaba" sa Filipino ay hindi nalalayo sa kahulugan ng pagiging dukha sa espiritu (poor in spirit) na natalakay sa ikatlong talata. Ang pagkakaiba lang nito ay ang "poor in spirit" ay ang kalagayan ng tao samantalang ang "meek" ay kung paano siya makitungo sa Diyos at sa kapwa-tao1. Ito ay kawalan ng pagmamagaling na nagdudulot ng pagpapakumbaba at hinahon kung kaharap natin ang iba.

Para naman kay John Macarthur, ang pinakamainan na paraan upang maipaliwanag ang katangiang ito ay hindi sa mga depinisyon kundi sa pagbibigay ng mga halimbawa2 tulad nina:

a. si Joseph, na ibinenta ng kanyang mga kapatid bilang isang alipin. Ngunit noong nagkaroon na siya ng kapangyarihan, pinili niyang gawan ng mabuti ang kanyang mga kapatid sa halip na maghiganti (Gen. 50:19-20)

b. si Pablo, na sa kabila ng kanyang katayuan bilang apostol at tagumpay sa pagtatayo ng mga iglesya sa mga lugar na hindi pa naaabot ninuman ay nagsabi na siya ay ni hindi karapat-dapat tawaging apostol (1 Cor. 15:9-10)

c. si Hesus, na bagamat siya ay Diyos at Haring nakaluklok sa kaitaas-taasan ay nagpakababa bilang tao, namuhay na tila isang alipin at naging masunurin hanggang sa kamatayan sa krus (Fil. 2:6-8)

Maaari rin maging halimbawa ng pagpapakumbaba ang sinuman sa atin kung sa kabila ng ating mga kakayahan at talento, ating kinikilala na ang may hawak ng ating kinabukasan ay hindi ang ating angking galing kundi ang Diyos pa rin na siyang bukal ng lahat ng habag at pagpapala. Ipagpalagay natin na sina Ginoo at Ginang Vergara ay mag-asawang mahuhusay na negosyante. Matitinik sila pagdating sa pagkilatis ng mga business opportunities at sa pagpapalago ng puhunan. Kung sila ay tatanungin, "How do you see yourselves 10 years from now?" maaari silang sumagot ng ganito: "Well, 10 years from now we will have a mansion much bigger than this house. Each of our sons and daughters will drive their own cars. Our business will have branches in Laoag in the north and Davao in the south and other major cities in-between." Ang ganitong pagtitiwala sa sarili ay papalakpakan ng sanlibutan tulad ng pagpalakpak nila sa mga kalahok  sa patimpalak na That's My Boy. Subalit kung Bibliya ang pagbabatayan, ang nararapat na sagot ng mag-asawa ay "If it is the Lord's will, we will live and do this or that." (Santiago 4:13-16)

Talababa:

1. William Hendriksen, Exposition of the Gospel According to Matthew (NTC, Baker Book House 1973)
2. John Macarthur, The Only Way to Happiness: The Beatitudes (Moody Press, 1998; unang inilathala noong 1980 sa pamagat na Kingdom Living, Here and Now)

Mapapalad ang mga Nahahapis (The Beatitudes, part 3)

 "Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin."
(Mateo 5:4)

Sa nakaraang paskil ay nakita ang una sa mga Beatitudes at ito ay ang mga dukha sa espiritu. Ang sumunod na Beatitude ay nababagay na karugtong nauna: mapalad ang mga nagdadalamhati. Nagdadalamhati sila sa pagkaunawa na sa kanilang karukhaan sa espiritu, sila ay mga makasalanan.

Hindi lahat ng aminado na sila ay mga dukha sa espiritu ay ikinalulungkot ito. Ang iba ay ay nagmamalaki pa at ipinagdiriwang ang kanilang kasalanan. May mga taong sadyang proud na proud pa habang ikinukuwento kung paano sila mangupit sa magulang, mambabae, manlamang sa kapwa, atbp. Maraming ganun sa Israel noong mga panahon na yun. 'Yan ay kung ibabatay sa mensahe ng pangangaral ni Juan Bautista na nabuhay rin sa panahong iyon. Sa Lukas 3 makikita natin na ang mga kasalanang binanatan ni Juan Bautista ay ang korapsyon, ang pang-aabuso sa kapangyarihan, ang pagsasawalang bahala sa mga nangangailangan, at pagsasamantala sa kapwa. Parang katulad rin ng ating kapaanahunan; magmula sa pinakamataas at pinakamababang posisyon may nananamantala upang kumita. Mula sa Senado hanggang sa palengke, may nandadaya. Ito ay araw-araw na nagaganap tila isang normal na bagay lamang. At ito ay hindi nila ikinalulungkot o ikinahihiya.

Ang mga taong nagdiriwang sa kanilang mga kasalanan ay hindi kinalulugdan ng Diyos. Ang mga taong mapapalad ay yung mga tulad na salmista na nagsabing:
    Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,
dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira.
(psalm 119:136)

Gayon din ang pagdadalamhati ni Ezra:
Pinalipas niya roon ang magdamag na nagdadalamhati dahil sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Hindi siya kumain ni uminom ng anuman (Ezra 10:6b)

Sa isang iglesyang napasukan ng seksuwal na imoralidad, sila ay pinagsabihan ni Pablo ng ganito:
"At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana'y mahiya kayo at malungkot, at ang taong gumagawa ng ganoon ay dapat ninyong itiwalag! " (1 Cor. 5:2)

Sa halip na tanggapin nila ang nararapat na kaparusahan ng kasalanan, tatanggap pa ng pagpapala ang mga nagluluksa sa kasalanan. Sila ay aaliwin ng Diyos kasabay kalakip ang pagpapatawad (Isa. 40:1-2). Balang araw, ang lahat ng luhang pumatak dulot ng daigdig na ito ay papahirin ng Diyos (Pahayag 7:17)

Mapapalad ang mga Dukha sa Espiritu (The Beatitudes, part 2)




"Mapapalad ang mga dukha sa espiritu,
sapagkat kanila ang kaharian ng langit." (Mateo 5:3) 1

Una sa listahan ng Panginoong Hesus ng mga taong mapapalad ang mga dukha sa espiritu (poor in spirit). Mapalad sila sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit (theirs is the kingdom of heaven), ibig sabihin sila ang mga magtatamasa sa mga biyaya ng paghahari ng Mesias sa ngayon at sa hinaharap. Ngunit ano nga ba ang kahulugan ng pagiging dukha sa espiritu.

Ang interpretasyon ng ilan dito ay ganito: "sa langit ang mga mahihirap; sa impyerno ang mayayaman". Mabilis silang tatalon sa kahilerang talata sa Lucas 6:20 kung saan walang nakasulat na "sa Espiritu". Ang angkop na interpretasyon nito ay intindihin ang pagiging dukha sa espiritu bilang kasalatan sa espiritu o spiritual bankruptcy. Sila ang mga taong walang anumang hawak na maipagmamalaki sa Diyos. Wala silang anumang taglay na maihahandog sa Diyos kaya't wala silang magawa kundi dumaing na lamang at mamalimos ng habag. Maaaring hindi naman sila salat sa yaman tulad ni Haring David ngunit kinikilala ang kanilang pangangailangan sa Diyos (Awit 40:17). Magiging kapaki-pakinabang lamang ang pinansyal at materyal na karukhaan kung ang dulot nito ay kapakumbabaan sa harap ng Diyos 2  

Ang kabaligtaran nito ay ang mga taong panatag sa sarili nilang katayuang espirituwal na nag-iisip na may sapat silang mga katangiang taglay upang maging katanggap-tangap sa Diyos. Sa wari nila ay may sapat silang espirituwal na yaman kaya't karapat dapat silang papasukin sa kaharian ng Diyos. Halimbawa nito ay ang Fariseo sa kuwento ni Hesus na ganito manalangin:

'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita. (Lucas 18:11-12)

Ang taong dukha sa espiritu ay ang maniningil ng buwis na kasabay ng Fariseo na pumasok sa templo. Nakatayo siya sa malayo at 'di makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at ang kanyang kahilingan ay ang habag ng Diyos sa tulad niyang makasalanan (Lucas 18:13)

Kung tutuusin ay pareho lang na walang maipagmamalaki ang Fariseo at ang maninigil ng buwis. Pare-pareho lang naman ang lahat ng tao na nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Roma 3:23). Yun nga lang hindi alam ng Fariseo at ng iba sa atin na mga dukha sila sa espiritu. Patuloy silang nagmamalaki sa kanilang pagkarelihiyoso at naniniwala silang sapat ang kanilang kabutihan upang mapunta sa langit. Subalit ang mga nakakaunawa na sila ay mga dukha sa espiritu ay aasa lamang sa yaman ng sakripisyo ni Kristo na nagpakadukha sa ikayayaman ng mga sasampalataya sa kanya (2 Corinto 8:9)

Talababa:

1. Ang sipi ng Mateo 5:3 ay mula sa Ang Bagong ang Biblia; ang sipi ng Lucas 18:11-12 ay mula sa Magandang Balita Biblia
2. D. A. Carson: "though poverty is neither a blessing nor a guarantee of spiritual rewards, it can be turned to advantage if it fosters humility before God."  (Matthew, Expositor's Bible Commentary, 1st edition)