Tuesday, September 1, 2020

Igalang ang Iyong Ama at Ina (Part 05: Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao)

from the free stock images of Pixabay

Sa kasalukuyan ay iba't ibang institusyon ang makikita sa kabihasnan. Nariyan ang mga institusyon ng pamahalaan, militar, pulis, edukasyon, kalusugan, sining, negosyo, iglesya, at marami pang iba. Mayroong isang institusyon na nauna sa lahat ng ito— ang pamilya. Sa Hardin ng Eden, ang Diyos mismo ang nagsilbing officiating minister sa kauna-unahang kasalan. Matapos basbasan ng Diyos ang unang mag-asawa, sila ay sinabihang magpakarami at punuin ang daigdig (Gen. 1:28). Hindi man direktang sabihin ay ipinapahiwatig sa utos na ito ang pagbuo ng mga sibilisasyon sapagkat ito ay likas na magaganap habang pinupuno ng tao ang daigdig.

Samakatuwid, ang pundasyon ng lahat ng ibang mga institusyon at ng maging mga bansa ay ang pamilya. Ika nga ng kayayao pa lamang na si J. I. Packer, "the family is the basic social unit; no nation is stable or virile where family life is weak.1". Bukod sa pagiging isang social unit, ito rin ay isang spiritual unit. Sa plano ng Diyos, ang mga magulang ay spiritual leaders ng mga bata at sa tahanan unang matututunan kung sino ang Diyos at ano ang kanyang kalooban (Deut. 6:7).

Hindi nakapagtataka na ang pamilya, pag-aasawa, pagiging magulang, at pagkakapatiran ay sagrado sa pananaw-Kristiyano. Kapag titanggihan ng tao ang paliwanag ng Bibliya tungkol sa mga bagay na ito, hindi pagsulong ang mangyayari kundi pagkasira. Mula pagiging sagrado, ito ay nayuyurakan. Kaya kung ikaw ay Kristiyano, huwag ng bibigyang-puwang ang mga ibang teoryang nagkalat diyan na nag-aalok ng ibang paliwanag tungkol sa pamilya. Nariyan ang pananaw na ang pamilya ay produkto lamang ng ebolusyon ng lipunan. Nariyan ang mga modernong teorya na ang pagiging mag-asawa, pagiging magulang, at kasarian ay mga social constructs o gawa-gawa at napagkasunduan lang ng mga tao. Sa halip na kaayusan, ang idudulot lamang ng mga ito ay kaguluhan at pagkalito.

Ayon kay Apostol Pablo
Sa unang kabanata ng liham ni Pablo sa mga taga-Roma mababasa kung bakit ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng poot ng Diyos (Rom. 1:18). Nabanggit niya doon ang sari-saring mga kasamaan na nararapat patawan ng parusang kamatayan (Rom. 1:32); ang mga ito ay karumal-dumal sa paningin ng banal na Diyos. Surprise! Kasama sa listahan ang mga suwail sa mga magulang (Rom. 1:30).

Sa huling liham na isinulat ni Pablo at ipinadala kay Timoteo, mayroon ulit listahan ng sari-saring kasamaan na inaasahang lalaganap nitong mga huling araw (2 Tim. 3:1-5). Surprise ulit! Nasa listahan ulit ang mga suwail sa mga magulang (2 Tim. 3:2).

Bukod sa mga listahan na iyan, ang ikalimang utos ay tuwirang ginamit na batayan ni Pablo sa kanyang habilin sa mga bata sa iglesya na sumunod sa mga magulang (Eph. 6:1-3).

Ang mga ito mula sa panulat ni Apostol Pablo ay sapat na katibayan na ang paggalang sa magulang ay isang moral absolute, isang bagay na ipinagagawa ng ating Manlilikha sa lahat ng tao, sa lahat ng dako, at sa lahat ng panahon.

Ang Tungkulin ng mga Wala pa sa Wastong Gulang
Ang mga anak bata sa loob ng iglesya ay inutusan ni Pablo na sumunod sa mga magulang (Eph. 6:1). Sa sumunod na dalawang talata ay sinipi niya ang ikalimang utos mula sa Decalogue (Eph. 6:2-3). Ito ay dapat magmula sa isang pusong nagagalak sumunod, hindi mula sa isang pusong naghihimagsik sapagkat may isang salawikain, "Ang mata na tumutuya sa kanyang ama, at humahamak ng pagsunod sa kanyang ina, ay tutukain ng mga uwak sa libis, at kakainin ng mga buwitre." (Pro. 30:17). Si Hesus na ang layunin ay "gampanan ang buong katuwiran" (Mat. 3:15 FSV2) ay naging masunurin kina Tatay Jose at Nanay Maria (Luke 2:51). Kung si Hesus na Diyos buhat sa pasimula ay nagpasakop sa kanyang mga magulang, tayo pa kaya na mga taga-lupa lamang?

Tulad ng lahat ng awtoridad dito sa lupa, ang pagsunod sa magulang ay mayroong limitasyon. Ang utos na sundin ang mga magulang sa Efeso 6:1 ay dinugtungan ni Pablo ng "sa Panginoon" (AB 2001) o "sang-ayon sa Panginoon" (FSV). Ibig sabihin, kung ang ipinapagawa ng mga magulang ay salungat sa kalooban ng Diyos, ang dapat sundin ng mga anak ay ang mas mataas na awtoridad na nasa langit. Halimbawa ay isang masamang pulitiko ang ama at hindi makatarungan sa madla ang ipinapagawa sa anak, obligasyon ng anak na manindigan para sa katarungan at katuwiran. Isa pang halimbawa ay mga anak na nasa ilalim ng awtoridad ng mga Muslim na mga magulang. Sila man ay pagbawalang magbasa ng bibliya, dapat humanap pa rin ng paraan ang mga anak na ito upang makapagbasa sila ng tunay na Salita ng Diyos. "Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin" (Matt. 10:37a)

Ang Tungkulin ng mga Anak na nasa Wastong Gulang na
Mabuti kung ikaw na nagbabasa ng paskil na ito ay maglalaan ng panahon para basahin ang buong kabanata 18 ng Ezekiel. Malinaw na mababasa dito na ang ama, anak, at apo (Eze. 18:4, 10, 14) ay may kanya-kanya ng pananagutan sa harap ng Diyos (Eze. 18:20). Paliwanag ni Wayne Grudem:
"As children grow from childhood to adulthood, they should experience a gradual transition from a relationship of a small child to a parent, a relationship in which the parent continually gives directions that the child continually obeys, to an adult-adult relationship, in which the parent is more often giving counsel and advice (if asked) and less often giving demands, even though the child may still be living at home while approaching mature and independent adulthood.3"

Kung nakatira pa rin siya sa tahanan ng mga magulang niya, siyempre kailangang kilalanin ang awtoridad ng may-ari ng bahay tulad ng inaasahan nating irespeto ang mga panauhin ang may-ari ng bahay. Ngunit ang mga ito'y kadalasan ay pagsunod sa house rules at hindi na saklaw ng awtoridad ng magulang ang lahat ng bahagi ng buhay ng anak. Halimbawa ay sa pagpili ng kasintahan, may kalayaan na ang anak na pumili ng kanyang ibig. Ngunit may kalayaan din ang mga magulang na magpahayag ng pagtutol sa relasyon, ngunit hindi na nila maaaring pilitin ang anak na iwanan ang kasintahan. Sa pagsasabi ko nito ay ayaw ko rin namang isantabi ng anak ang karunungan ng magulang. Ang karunungan ng mga magulang na babad sa Salita ng Diyos, hinubog ng mga karanasan, at pinanday ng panahon ay dapat pakinggan at pahalagahan. At kung sa pagsusuri ng anak ay mali talaga ang kuro-kuro ng mga magulang, maaari niya itong tanggihan. Ngunit dapat niyang alalahanin na anuman ang kanyang pasya ay pananagutan niya sa Diyos.

Ang personal na pananagutan ng anak sa Panginoon ay nabibigyang-linaw pa sa itinuturo ng bibliya tungkol sa pag-aasawa: “Kaya't iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at pumipisan sa kanyang asawa; at sila'y nagiging isang laman” (Gen. 2:24 AB 2001). Nabanggit ko na kanina na ang pamilya ay isang social at spiritual unit. Kapag nag-asawa ang anak, hindi lumalaki ang dati ng umiiral na social at spiritual unit na pinamumunuan ng mga magulang. Sa halip, nagkakaroon ng isang bago at malayang social at spiritual unit. Ang prayoridad na ngayon ng anak ay hindi ang kanyang mga magulang at mga kapatid, kundi ang kanyang kabiyak at ang kanilang magiging mga supling. Paliwanag nina Robertson McQuilkin at Paul Copan:
"Parental honor should continue throughout life, but scriptural priority is given to one’s own marriage over that of one’s parents.Much grief and marriage failure come from the sinful interference of in-laws and the sinful acceptance of that interference on the part of the married son or daughter. Loyalties must shift, even though honor continues, albeit in new manifestations.4"
Lumilipas man ang obligasyon ng anak na sumunod lagi sa kalooban ng mga magulang, ang tungkuling magbigay-galang sa kanila ay hindi nawawala. Kung tututol man sa payo ng magulang ay magalang na pagtutol. Kung pupunahin man ang maling gawa ng magulang, ito ay magalang na pagpuna at may taos-pusong pagnanais sa ikabubuti ng magulang. Kung mayroon man silang mga pagkukulang, hindi pa rin ito dahilan upang sila ay limutin sa ating mga dalangin. Sa Efeso 6:1, mga bata ang direktang kinakausap ni Pablo at sinabihang sumunod sa mga magulang. Ngunit ang pinagbatayan niya ay ang ikalimang utos “Igalang mo ang iyong ama at ina” (Eph. 6:2; cf. Exo. 20:12) at ito ay ibinigay sa mga Israelita bata, matanda; may ngipin o wala. Bukod diyan ay hindi mababago na si Hesus na siyang ultimate source of life (Acts 3:15) ay gumamit ng proximate source of life5: “Listen to your father who gave you life . . .” (Pro. 23:12a, ESV)

Kapag Sila ay Matanda Na
Hindi panghabang-buhay ang lakas, liksi, at sigla nina Tatay at Nanay. Ang mga bisig ay nanghihina, ang mga tuhod ay nanlalambot, at ang mga mata ay nanlalabo. Kahit ayaw pa nila, kailangan na rin talagang magretiro mula sa pagbabanat ng buto.

Sa 1 Tim. 5:3-9, may mga balo na babae (biyuda) edad 60 pataas sa loob ng iglesya na nangangailangan ng suporta. Ang bilin ni Pablo kay Timoteo, tulungan sila ng iglesya kung talagang walang ibang tutulong. Ngunit kung siya ay may mga anak o apong mananampalataya, pagkakataon nila ito na patunayan ang kanilang pagiging maka-Diyos sa pamamagitan ng pagkalinga sa kanilang ina o lola. Sapagkat ang hindi kumakalinga sa kamag-anak lalo na sa kanyang sariling sambahayan ay mas masahol pa sa mga hindi mananampalataya (1 Tim. 5:8). Sa kabilang banda, obligasyon naman ng matanda na gamitin ang tulong na ibinibigay sa kanya sa mga tunay na pangangailangan at hindi sa layaw lamang (1 Tim. 5:6)

Sa kasamaan ng tao, maging ang mga relihiyosong Hudyo ay ginamit ang relihiyon upang pagkaitan ng pag-aaruga ang mga magulang. Sa Marcos 7:9-13 ay nakarinig ng mabagsik na pagkondena ang mga Fariseo mula kay Hesus dahil sa isang tradisyong binuo upang mapaikutan ang malinaw na batas tungkol sa paggalang sa mga magulang (Mark 7:10). Sa halip na magbigay-tulong sa mga magulang ay kanilang sinasabi, "Magandang umaga po Itay! Magandang umaga po Inay! Ang anumang tulong na ibibigay ko sana sa inyo ay Corban. Nakalaan na po sa Diyos; kaya wala na po akong maiaabot sa inyo" (Mark 7:11-12). Ang sabi ni Hesus, ang ganitong mga pangangatuwiran ay nagpapawalang-saysay sa salita ng Diyos (Mark 7:13). Ganyan kasama ang puso ng tao, magtatago pa sa ilalim ng saya ng pagka-relihiyoso mapaikutan lamang ang malinaw na utos ng Diyos.

Kahit pa may naitabi si Tatay o Nanay na magagastos sa kanilang pagtanda at kahit pa may pensyon mula sa GSIS o SSS, nangangailangan pa rin sila ng pagkalinga. Bakit? Hindi lang naman pera ang kailangan nila. Kailangan nila ng pag-aaruga.
  • Baka matagal na niyang hindi nararamdaman ang pagdampi ng iyong palad sa kanyang pisngi.
  • Baka kailangan niya ng kausap.
  • Baka nais niyang masilayan muli ang iyong mga ngiti.
  • Baka hirap na silang maligong mag-isa.
  • Baka nais niyang itulak mo ang wheel chair papuntang hardin.
  • Baka hindi na siya makakain kung hindi susubuan.
  • Baka basang-basa na ang adult diaper.
". . . do not despise your mother when she is old." (Pro. 23:22 ESV). Hindi naman magtatagal 'yun, kaibigan. Paglisan niya, mangungulila ka ng labis.

Maging Katulad ni Hesus
Malamang ay pamilyar ka sa pitong huling wika ni Hesus sa Krus dahil isa sa mga tradisyong Pinoy ang pangangaral ng Siete Palabras o Seven Last Words tuwing Biyernes-Santo. Sinabi niya kay Maria na kanyang ina: “Babae, narito ang iyong anak!” (John 19:26). Sa orihinal na wikang ginamit ay walang bahid ng kawalang galang ang pagtawag niya sa kanyang ina na "Babae". Ito ay isinalin sa MBB at FSV bilang "Ginang". Sinabi naman niya sa kanyang alagad, “Narito ang iyong ina!” (John 19:27a)

Huling mabanggit ang ngalan  ni Jose (asawa ni Maria) ay sa infancy at childhood narratives pa. Opinyon ng maraming mga iskolar ay pumanaw na si Jose noong mga sandaling iyon at si Maria ay isang tumatandang balo. Kilalang-kilala ni Hesus ang alagad niyang si Juan at natitiyak niyang hindi siya magkukulang sa pagbibigay-kalinga sa kanyang ina. At tunay nga, mula noon ay sa tahanan na ni Juan tumira ang tumatandang si Maria (John 10:27b). Naroon siya na nakapako sa krus, pasan-pasan ang dambuhalang hirap dulot ng kasalanan ng sanlibutan, at ang kanyang inisip ay hindi ang kanyang sarili kundi ang kapakanan ng kanyang nagdadalamhating ina. Ang mga kawangis ni Hesus ay may pagmamahal sa mga magulang.

The First Commandment with a Promise
Matapos sipiin ang ikalimang utos sa Efeso 6:2, ipinunto ng dalubhasa sa Batas ni Moises na si Pablo na ito ang unang utos na may kalakip na pangako. Ang pangako ay nasa ikatlong talata: upang maging “maganda at mahaba ang iyong buhay sa lupa.” (MBB). Kailangang maging maingat sa paghawak ng talata. Sa isang banda, hindi maaaring isantabi ang malinaw na isinasaad nito (plain sense) na nangako nga ng maganda at mahabang buhay ang Diyos sa mga nagbibigay-galang sa mga magulang. Sa kabilang banda, meron namang mga masunurin sa utos na dukha at maikli ang buhay. Hindi natin maaaring isipin na, "Nabalitaan ba ninyo? Patay na si Boyet eh wala pa siyang bente anyos. Siguro ay may ginawang masama sa magulang ang batas 'yun." Samantalang meron rin mga masasama na maginhawa at mahaba ang buhay tulad ng puna ng salmista (Psalm 73:3-5). Hindi rin natin maaaring tularan ang landas na tinahak ng prosperity "gospel" preachers o health-and-wealth "gospel" teachers. Ang puwede kong sabihin ay in general ito nga ang pangako, ngunit ang buhay ay sakop pa rin ng sovereignty of God. May mga ginagawa ang Diyos na siya lang ang nakakaalam kung bakit ganun. Ito ay lingid sa atin at hindi maipaliwanag ng limitadong isip ng tao.

 Isa pang dapat bigyan ng konsiderasyon ay ang pagbabago sa karakter ng pangako pagdating sa panahon ng Bagong Tipan. Ito ay dahil ang tinutukoy na "lupa" sa pinagsipiang orihinal na utos sa Exodus 20:12 ay ang lupang ipinangako sa mga Israelita— ang lupain ng Canaan. Ngunit dahil ang pinadalhan ng liham ay hindi naman sa Canaan nakatira kundi sa ngayon ay nasa modernong Turkey, tiyak may pagbabago sa karakter ng pangako. Sa sinaunang iglesya na inuusig at ilan sa kanila ay pinapatay (Acts 7:58-60; 12:2), tiyak hindi talaga mahaba at maginhawang buhay ang konsepto nila ng pagpapala. Tama si Grudem: "the emphasis on rewards in the Old Testament was more earthly and material, while the emphasis on rewards in the New Testament is more heavenly.6". Ano man ang eksaktong katangian ng mga pagpapalang laan sa para sa mga gugagalang sa mga magulang, sapat ng pag-udyok ang ang katotohang ito ay nagbibigay-lugod sa Diyos: "Children, obey your parents in everything, for this pleases the Lord." (Col. 3:20 ESV). Ito ay sapat na dahil alam nating hindi kailanman lugi ang taong kinalulugdan ng Diyos.

_______
Mga Talababa:
1. J. I. Packer; Keeping the Ten Commandments (Crossway, 2007)
2. Ang mga salin na ginamit sa paskil na ito ay ang Filipino Standard Version (FSV), Ang Biblia, Edisyong 2001 (AB 2001), Magandang Balita Bibliya (MBB), at English Standard Version (ESV)— lahat ay sinipi mula sa Bible Gateway
3. Wayne Grudem; Christian Ethics: An Introduction to Biblical Moral Reasoning (Crossway, 2018)
4. Robertson McQuilkin & Paul Copan; An Introduction to Biblical Ethics: Walking in the Way of Wisdom (InterVarsity Press, 2014)
5. Colin J. Smothers: "God is the ultimate source and author of human life. In his divine economy, God has authored a secondary, proximate source" (The Foundation of Human Society: A Christian Case for Parental Authorityinilathala sa The Public Discourse: The Journal of the Witherspoon Institute; August 12, 2020)
6. Grudem, ibid

No comments:

Post a Comment