Wednesday, August 19, 2020

Sa panahong ito, obligasyong moral pa rin ba ang pagtupad sa Sabbath? (Part 04: Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao)



Dahil halos lahat ng nasa Sampung Utos ay mga moral absolutes, isang magandang ideya na ang Decalogue ay pag-aralan ng sinumang interesado sa Etikang Kristiyano. Hindi bihira sa mga aklat tungkol sa Etikang Kristiyano na maglaan ng mga kabanata tungkol Sampung Utos sapagkat karamihan sa mga ito ay mga isyung moral. Sa nakaraang paskil ay aking tinalakay ang kahalagahan ng pagtataguyod ng dangal ng Diyos sa mga isyung etikal gamit ng una, ikalawa, at ikaapat na utos. Likas lamang na tumuloy ako sa susunod na utos, ang ikaapat. 

Sa aking pagsabi na “halos lahat” ng nasa Sampung Utos ay moral absolutes, malamang ay naaamoy na ng mga ilang kapatid sa pananampalataya na hindi nila magugustuhan ang mga susunod kong sasabihin. Iyan ay dahil para sa kanila, lahat (hindi "halos lahat") ng Sampung Utos ay moral absolutes. Ang mga tinutukoy ko ay mga minamahal na kapatid na sabbatarians mula sa tradisyong Reformed na tumatalima sa Westminster Confession of Faith. Para sa kanila, ang ikapitong araw (Sabado) ay pinalitan ng unang araw (Linggo) bilang siyang bagong Sabbath sa Bagong Tipan. Bilang isang moral absolute, ang batas tungkol sa Sabbath ay dapat sundin ng lahat ng tao, sa lahat ng pook, sa lahat ng panahon-- 'yan ang kanilang pananaw. Nariyan pa ang ibang mga sekta at denominasyon na seventh day sabbatarians na naniniwalang ang ikapitong araw (Sabado) pa rin ang Sabbath. Pinakatanyag marahil sa mga grupong ito ang Seventh Day Adventists (SDA); nariyan pa rin ang mga splinter groups ng dating Worldwide Church of God (WCG), o maliliit na mga grupo na humiwalay sa WCG matapos magpalit ng pananaw tungkol sa Sabbath ang bagong liderato pagpanaw ng founder na si Herbert Armstrong.

Buod ng mga Argumento ng Sabbatarians at Maikling Tugon
Sa aklat niyang Christian Ethics: An Introduction to Biblical Moral Reasoning, nagbigay si Wayne Grudem ng buod ng malalakas na argumento ng mga sabbatarians, at ang kanyang tugon sa mga ito.

1. Ang pundasyon ng Sabbath-keeping ay sa paglikha (established at creation), hindi sa Mosaic covenant. Samakatuwid, ito ay isang moral requirement para sa lahat ng tao sa lahat ng panahon.

Tugon ni Grudem:
Walang utos na natanggap sina Adan at Eba sa aklat ng Genesis na nagsasabing kailangan nilang ibukod ang ikapitong araw bilang espesyal na araw ng pamamahinga at pagsamba.

2. Ang ikaapat na utos ay bahagi ng Sampung Utos, at ang lahat ng mga ito ay mga moral requirements para sa lahat ng tao sa lahat ng yugto ng kasaysayan.

Tugon ni Grudem:
Ang ikaapat na utos ay tila naiiba sa siyam na utos sapagkat ito lamang ang may kinalaman sa mga Jewish holidays at Jewish system of sacrifices. Ibig sabihin, sa kategorya ng mga batas ay maituturing ito sa ceremonial laws. Hindi moral law; hindi rin civil law; ito ay ceremonial, ibig sabihin ay hindi moral requirement sa lahat ng tao sa lahat ng dako at panahon.

3. Walang malinaw na nakasaad sa Bagong Tipan na ang utos tungkol sa Sabbath ay pinapawalang-bisa. Kung gayon ay ito ay ipinapatupad pa rin sa kasalukuyan.

Tugon ni Grudem:
Hindi kailangang magkaroon ng tuwirang pagsasaad ng kanselasyon ng ikaapat na utos sapagkat ito ay bahagi ng Mosaic covenant na lumipas na. Sapat ng walang pahayag (no reaffirmation) ang mga manunulat ng Bagong Tipan tungkol dito, hindi tulad ng ibang siyam na may reaffirmation. Idagdag pa rito ang aral ng Hebreo 3 at 4 na sa ilalim ng panibagong tipan, ang mga nananampalataya kay Hesus ay pumapasok at nakikilahok sa "pamamahinga" na hindi napasok ng mga Israelita.

Si Grudem ay dating Sabbatarian, at hanggang ngayon ay may mataas na pagtingin sa mga mahuhusay teologong Sabbatarian mula sa Reformed tradition kabilang si John Frame na dati niyang propesor.

Ang Sabbath sa Orihinal na Layunin ng Diyos at mga Tradisyong Pabigat
Ang Sabbath ay regalo ng Diyos sa mga Israelita. Musika sa pandinig ng mga dating alipin sa Ehipto na wala silang obligasyon na magtrabaho pitong araw sa bawat linggo. Ang bagong Panginoon nila na si YHWH ay nagbibigay ng pahinga tuwing ikapitong araw. Isa sa mga parusang ipinataw sa tao matapos ng pagkahulog sa kasalanan sa Hardin ng Eden ay kailangan nilang magbanat ng buto upang mabuhay (“by the sweat of your face”, Gen. 3:19). Sa mabuting balita na ito ay mabubuhay pala ang tao kahit magpapahinga siya sa araw ng Sabbath.

Ang Sabbath ay dapat magdulot ng kasiyahan ("a day of delight, Isa.58:13–14) sa bayan ng Diyos. Ngunit sa pagdaan ng panahon ay may mga umusbong na tradisyon sa mga Hudyo na sa halip na magdulot ng kasiyahan sa bayan ay naging mga pabigat. Ang ilan lamang sa mga tradisyong ito ay ang mga sumusunod:
  • Bawal ang pagpitas ng anumang bahagi ng damo o halaman (bunga, butil, dahon)
  • Bawal ang pagkain ng itlog kung ito ay lumabas sa pag-ire ng manok sa araw ng Sabbath
  • Bawal magsulat ng dalawang liham
  • Kung ang sisidlan ng tubig ay may takip na bato, hindi ito bubuksan sa pamamagitan ng pagbuhat sa bato. Kailangang itagilid ang sisidlan upang mahulog ang takip na bato.
Sa bagong tipan, mababasa ang mga paratang ng mga kaaway ni Hesus na siya ay lumalabag sa Sabbath. Ngunit hindi naman talaga lumalabag sa ikaapat na utos si Hesus. Ang nangyari ay gumawa ng mga pabigat na alituntunin ang mga gurong Hudyo, at ang mga hindi sumusunod sa mga pabigat na mga alutuntunin nila ay pinaparatangan nilang lumalabag sa Sabbath (Matthew 12:2; Luke 14:3; John 5:10; John 9:14; Mark 2:23). Dahil sa mga pabigat na tradisyon, ang Sabbath na ginawa para sa tao ay nabaligtad upang maging tao para sa Sabbath (Mark 2:27).

Ang Sabbath sa Bagong Tipan
Kapuna-puna na sa mga gusot sa pagitan ni Hesus at mga gurong Hudyo, madalas na paksa ang Sabbath. Meron ito sa lahat ng apat na ebanghelyo: Mateo, Marcos, Lucas, at Juan (Mark 3:1-6; Matt. 12:1-8; Luke 6:1-10; John 5:1-17) . Tila ba sinasadya ng Panginoon na gumawa ng kontrobersya upang mapag-usapan ang Sabbath. Marahil dahil ito sa malaking pagbabagong parating na sanhi ng kanyang pagpasok sa sanlibutan. Nilinaw niyang siya ang “Panginoon ng Sabbath” (Mark 2:28); at bilang Panginoon ng Sabbath, siya ang masusunod.

Kay Hesus, may tunay na “pamamahinga” para sa mga napapagal at nabibigatang lubha (Matthew 11:28-30). Sa aral ng manunulat ng Hebreo, sa pagdating ni Kristo nitong mga huling araw ay narito na rin ang isa pang Sabbath para sa mga taong sakop ng Diyos (Heb. 4:9.). Ayon kay Pablo, ang lumang tuntunin tungkol sa Sabbath ay kabilang sa mga anino (shadow) ng kaligtasang paparating, at ang kaligtasan ay dumating na nga sa pagdating Messiah (Colossians 2:16-17).

Tila may maliit kontrobersya sa mga mananamplataya sa Roma noong araw tungkol sa mga Jewish food laws at Jewish holidays. Kung bakit ko ito nasabi ay dahil sa liham ni Pablo na ipinadala sa mga taga-Roma, ibinigay niya ng habilin na ito:
"One person esteems one day as better than another, while another esteems all days alike. Each one should be fully convinced in his own mind. The one who observes the day, observes it in honor of the Lord. The one who eats, eats in honor of the Lord, since he gives thanks to God, while the one who abstains, abstains in honor of the Lord and gives thanks to God." (Romans 14:5-6 ESV)
Ayon kay Pablo, kung sa pananaw mo ay pare-pareho lamang ang mga araw, irespeto ang pananaw ng kapatid kung sa tingin niya ay may mga natatanging araw. Ngunit ito ay parang lansangan na pandalawahan: ang mga may itinuturing na espesyal na araw, kailangan rin naman nilang irespeto ang pananaw ng mga kapatid na pare-pareho lang ang mga araw. Puwede nilang tupdin ang Sabbath; puwede ring hindi. Bakit? Hindi na ito utos sa Bagong Tipan. Ito ang kuro-kuro ng MacArthur Sudy Bible sa Exodus 20:8:
the command for the Sabbath is not repeated in the New Testament, whereas the other 9 are. In fact, it is nullified (cf. Col 2:16, 17). Belonging especially to Israel under the Mosaic economy, the Sabbath could not apply to the believer of the church age, for he is living in a new economy.

Isang argumento para sa pananaw na ang Sabbath ay hindi moral law kundi ceremonial law ay ang pagkabatid na ang bawat isa sa Sampung Utos ay buod (summary) ng ibang mas detalyado at malawak na mga batas:
  • Ang ikaanim na utos na, "Huwag kang papatay" ay buod ng iba pang mga mas malawak at detalyadong batas tungkol sa pagprotekta sa sagradong buhay ng tao (Exo. 21:12–14, 20–25, 28–32).
  • Ang ikawalong utos na "Huwag kang magnanakaw" ay buod ng mas malawak at detalyadong batas tungkol sa pagbibigay proteksyon sa mga pag-aari ng tao (Exo. 21:33–36; 22:1–15; 23:4–5).
  • Ang ikapitong utos na "Huwag kang mangangalunya" ay buod ng malawak at detalyadong batas tungkol sa dalisay na pamantayan ng Diyos sa sex at pag-aasawa (Exo. 22:16-17, 19; Lev. 18:1-30).
  • Kung tatanggapin ang balangkas (pattern) na ito, madaling makikita na ang utos tungkol sa Sabbath ay buod ng mga utos tungkol sa Sabbath year, Year of Jubilee, at iba pang mga kapistahan at mga espesyal na araw (Ex. 23:10-19; Lev. 25:1-22, 28, 40-41, 54). Ang mga ito ay ceremonial laws na hindi na ipinapagawa sa mga mananampalataya sa Bagong Tipan. Sa kategoryang ito nabibilang ang utos tungkol sa Sabbath. Samakatuwid, hindi ito moral requirement para sa lahat ng tao, sa lahat ng dako, sa lahat ng panahon.

Prinsipyo ng Paggawa at Pamamahinga Mula sa Sabbath na Kapaki-pakinabang Pa Rin
Bagamat hindi na ipinapatupad ang utos tungkol sa Sabbath sa bagong tipan, hindi ibig sabihin na walang mapupulot na mabubuting prinsipyo mula dito. Salita pa rin ng Diyos ang utos tungkol sa Sabbath at ang bawat bahagi ng Salita ng Diyos ay kapaki-pakinabang (2 Tim. 3:16).

Nariyan ang prinsipyo na kahit anong hirap ng buhay, kahit tayo ay hikahos sa araw-araw na pangangailangan, hindi natin ikamamatay o ikakapahamak kung paminsan-minsan ay maglalaan tayo ng panahon upang magpahinga, sumamba, at mamalagi sa presensya ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang katawan natin at siya ang nakakaunawa kung paano ito dapat gamitin. Ang "makina" na ito na tinatawag nating katawan ay hindi idinesenyo ng Manlilikha upang magsubsob sa trabaho ng walang tigil 24 oras sa bawat araw, pitong araw sa bawat linggo, 365 araw bawat taon. Wala pa tayong glorified body kundi perishable body-- isang katawang napapagod, nalalaspag, at nagkakasakit. Kaya naman kahit anong paghahangad mo na umasenso sa buhay, makakabuti sa iyo kung magkakaroon ka ng regular na oras sa pamamahinga.

Hindi kailangang sa araw ng Sabado o sa araw ng Linggo ang pamamahinga. Noong magsimulang kumalat ang ebanghelyo sa labas ng Jerusalem, at may mga nananampalataya na sa ibang mga panig ng daigdig, hindi sila maaaring magpahinga sa mga araw ng Sabado at Linggo sapagkat walang konsepto ng weekends sa Imperyo ng Roma. Kailangan nilang tapusin muna ang kanilang mga gawain bago makisali sa mga pagtitipon ng mga kapwa Kristiyano. Bukod diyan, sa kasalukuyang panahon ay may mga bansa na iba ang araw ng pamamahinga nila. Halimbawa ay mga mga bansa sa Gitnang Silangan na Biyernes ang araw ng pamamahinga ng mga manggagawa, kaya naman ang mga iglesya (lantad o underground) sa mga bansang ito ay sa araw ng Biyernes nagtitipon.

Maaari bang magpuyat ng manggagawang Kristiyano Linggo ng gabi upang habulin ang due date kinabukasan na itinakda ng supervisor? Oo, puwede. Hindi siya nagkakasala at hindi rin siya dapat batuhin hanggang mamatay tulad ng parusa sa panahon ni Moises. Ngunit kung ganito ng ganito at wala siyang pahinga pitong araw sa bawat linggo, hindi iyon makakabuti sa kanyang pisikal at ispirituwal na kalusugan.

Ngunit hindi rin naman mabuti kung laging pahinga ang ginagawa ng tao. Sa utos tungkol sa Sabbath ay anim na araw ang paggawa at isang araw ang pahinga. Lubhang spoiled ang katawan kung ito'y babaligtarin: isang araw ng paggawa at anim na araw ng pahinga! Hindi matamis pakinggan ang mga salita ni Pablo para sa mga tamad (2 Thess. 3:10-12).

Ang Sabbath at ang Lord's Day
Ang ikinababahala ng iba sa aral na hindi na moral requirement ang Sabbath ay baka kaligtaan ng mga mananampalataya ang pagtitipon. Baka kasi sabihin ng iba, "Ah, hindi naman pala moral requirement ang Sabbath para sa mga Kristiyano. Hindi na lang ako dadalo sa church, tutal hindi naman ako magkakasala kahit liliban ako."

Hindi kalooban ng Panginoon na kaligtaan ng mga mananampalataya ang pagtitipon. Nagkakasala ang isang tao kung wala siyang pagnanais makilahok sa mga gawain ng iglesya. Wala mang bisa ang ikaapat na utos sa mga mananampalataya sa kasalukuyan, sapat ang mga habilin sa Bagong Tipan tungkol sa pagtitipon. Isa na diyan ay ang Heb. 10:24-25, "At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw" (ASD). Hindi dapat sabihan ang mga hindi dumadalo sa pagtitipon na dapat silang batuhin hanggang mamatay gaya ng parusa sa Matandang Tipan dahil wala namang Sabbath Law sa Bagong Tipan. Ngunit kailangang mabatid ng lahat na ang pagpapabaya sa mga pagtitipon ay pagsuway pa rin sa kalooban ng Diyos. Kaduda-duda rin ang kalagayan ng puso ng isang mananampalataya kung mas sabik siya sa laban ni Manny Pacquiao o class reunion o panonood ng sine keysa sa pagsamba kasama ang mga kapatid.

Mula sa mga unang taon ng iglesya ay kinaugalian na ng mga mananampalataya ang magtipon sa unang araw ng linggo sa halip na ikapitong araw (Acts 20:7; 1 Cor. 16:2). At hindi Sabbath ang tawag nila dito kundi Lord's day (Rev. 1:10). Ang liham ng obispo ng Antioch na si Ignatius ay isinulat ng napakaaga (110 A.D. o hindi hihigit ng dalawang dekada pagkamatay ng huling apostol) at dito ay kanyang isinaad na ang mga Kristiyano ay hindi na nabubuhay para sa Sabbath kundi para sa Lord's day. Malamang ito ay dahil sa araw ng Linggo bumangon mula sa kamatayan ang Panginoong Hesus. Ngunit sa Bibliya, walang mababasang  ito ay utos na ipinapagawa sa kanila. Magkaiba ang utos sa kusang ginawa at naging kaugalian ng sinaunang iglesya. Hindi dapat ituring na Sabbath ang Lord's day dahil magkaiba ang mga ito. Tama ang obserbasyon ni R. Albert Mohler:
"the key issue is this: is the Lord's Day a Christian Sabbath? The problem is that there is no text that makes this transfer, and there is, I would argue, no clear New Testament warrant whatsoever".

Hindi lang magkaiba ang Sabbath at ang Lord's day, magkaiba rin ang layunin ng dalawa. Dagdag ni Mohler:
"Part of our confusion here has to do with the central purpose of the Lord's Day. Is it the same as the central purpose of the Sabbath? Is it mostly about rest? I would argue that it is not. The evidence in the New Testament is that the Lord's Day is mostly about worship, about gathering, about being confronted with the preaching of the Word, about coming together with mutual instruction, about the Lord's Table, where the communion of the saints points to a meal which is yet to come." (Words from the Fire: Hearing the Voice of God in the 10 Commandments)

Kapag unawa natin ang mga ito, mapapalayo tayo sa dalawang opposite extremes. Ang unang extreme ay lumabis sa kalayaan: “Hindi pala Sabbath ang Lord's Day. Wala akong dapat ikatakot. Gagawin ko ang gusto ko sa araw ng pagtitipon. Pupunta ako sa kung saanmang nais kong pumunta.” Ang pangalawang extreme ay malapit sa legalismo: “Mabigat ang parusa kung hindi ako dadalo sa pagtitipon sa Lord's Day, na katumbas ng Sabbath sa Matandang Tipan na hinahatulang batuhin hanggang kamatayan ang mga lumalabag” Sa pagdating ni Hesus sa sanlibutan ay narito na ang ating tunay na pahinga. Dulot ng Diyos ay kaligtasan para sa mga makasalanan kaya naman may gana tayong sumamba bilang mga indibiduwal at bilang isang pangkat.


________________

2 comments:

  1. Isang napakagandang article ito Kapatid na Manny Rosario. Umaasa ako na magbibigay ito ng kalayaan at pagpapala sa mga makakabasa. Salamat sa pagsulat.

    ReplyDelete
  2. Hi Sir Adonis! 😊 Salamat po sa pagdaan dito. Magandang araw🌞

    ReplyDelete