Monday, September 21, 2020

You Shall Not Murder (Part 06: Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao)



Taong 2000, napuno na ang pamahalaan sa paulit-ulit na pangingidnap at pangho-hostage ng grupong Abu Sayyaf. Si Pangulong Joseph Estrada mismo ang nag-anunsyo ng all-out war laban sa grupong wala namang ideolohiya kundi ang maghasik ng lagim at kumita sa ransom. Dahil hinog na ang isyu at sawa na rin ang mga tao sa kabalbalan ng Abu Sayyaf, suportado ng taumbayan ang pasya ng Pangulo— maliban sa iilan. Ang ilan sa mga konting tutol sa all-out war ay ang grupong Jesus Miracle Crusade. Pinasok kasi ng ilan sa mga prayer warriors nila— kasama ang mismong pinuno ng sekta na si Wilde Almeda— ang kuta ng Abu Sayyaf nang walang pahintulot mula sa pamahalaan. Sa kanyang mga panayam sa telebisyon, ang batayan ng pagtutol ni Lina (kabiyak ni Wilde) sa pasya ng rehimeng Estrada ay ang ika-anim na utos: "Thou shalt not kill." (Exo. 20:13 KJV).

Ang consensus ng mga iskolar ay malayo ang kahulugan ng orihinal na “ratzach” ng wikang Hebreo sa pagkakasalin ng King James Version. Ang mga mapagkakatiwalaang modernong salin tulad ng ESV, NASB, at NIV ay nagkakaisa sa pagsasalin nito bilang "You shall not murder." Hindi ipinagbabawal ng ikaanim na utos ang lahat ng uri ng pagpatay. Ano ba ang murder? Ako'y sasangguni mula sa unang edisyon ng diksyunaryo ni Noah Webster (1828): "The act of unlawfully killing a human being with premeditated malice, by a person of sound mind1." Kung ang pagbabatayan ay ang depinisyong ito, mga unlawful killing lang ang maituturing na murder na may implikasyon na may mga pagpatay na lawful. Isa pang isinasaad sa depinisyong ito ay dapat human being ang biktima. Paumanhin na lang po sa mga animal rights advocates. Hindi magkasinhalaga ang buhay ng tao sa buhay ng inyong mga alaga. Hindi murder ang mga hindi binalak at aksidenteng mga pagkakapatay sapagkat dapat ay may premeditated malice. Panghuli, hindi matatawag murderer ang tao kung siya ay may kapansanan sa pag-iisip sa sandaling magyari ang pagpatay.

Hindi maibibilang na murder ang mga lehitimong operasyon ng mga pulis, sundalo, at iba pang mga awtoridad laban sa mga salot sa lipunan (kung tunay nga silang mga salot sa lipunan). Hindi murder kung magpapaputok ang mga pulis laban sa hinihinalang kriminal na nanlaban (kung tunay nga itong nanlaban). Ang pagtatangol sa sarili (self-defense) o sa iba pang mga inosenteng buhay (tulad ng mga hostage) ay hindi murder basta't angkop ang ginamit na puwersa— sapagkat sa Exodus 22:2-3, ang buhay ng ninanakawan at magnanakaw ay parehong binibigyan ng proteksyon. Sa ating pambansang awit na Lupang Hinirang ay inaawit pa nga natin na kung may manlulupig ay hindi tayo pasisiil o kung may mang-aapi ay ating ligaya ang mamatay para sa Perlas ng Silangan— sapagkat hindi murder ang makatuwirang pakikidigma (just war). Ang pagpataw ng parusang kamatayan (capital punishment) sa mga angkop na kaso ay isang kapangyarihang ipinagkatiwala ng Diyos sa Estado (Gen. 9:6; Rom. 13:4), basta may makatarungang paglilitis. Oo, isang makatarungang paglilitis— hindi tulad ng mga taktika ng mga diktador at iba pang autocratic leaders tulad ng mga trumped-up charges (mga huwad na paratang) o paggamit ng military courts sa halip na civil courts upang usigin ang mga kalaban sa pulitika. Isipin mo: ikaw ay kakasuhan ng Pangulo na siyang commander-in-chief ng Armed Forces at ang maglilitis sa kaso mo ay mga heneral ng commander-in-chief. Patas ba 'yun? Mukha itong isang murder na dinamitan ng awtoridad!

Bakit Masama ang Murder?

Ang pangunahing dahilan kung bakit masama ang murder ay dahil ang tao ay nilikha sa wangis ng Diyos (Gen. 1:26-27). Bagamat ang larawan ng Diyos sa bawat tao ay dinungisan ng kasalanan, hindi ito tuluyang naglaho. Sa kabila ng ating mga pagkakaiba, nariyan ang imago Dei (image of God) sa bawat kadugo ni Adan (Gen. 5:1). At noong pinahintulutan na ang pagkatay sa mga hayop upang kainin, hindi pa rin puwedeng kitilin ang buhay ng tao (Gen. 9:3-5). Ito'y patunay lamang na magkaibang uri ang tao at hayop. Hindi sapat ang zoological classification na nagsasabing ang tao ang siyang pinakamataas na uri sa animal kingdom. Ang tao ay iba sa hayop sapagkat siya ay ginawang mas "mababa ng kaunti sa mga anghel" (Psalm 8:5 ASD). Ito ang dahilan kung bakit sagrado ang buhay ng tao.

Ang isa pang dahilan na naiisip ko kung bakit masama ang murder ay dahil ang pagiging mamatay-tao ay katangiang unang taglay si Satanas, ang tatay ng mga mamatay-tao. Ang Diablo ang orihinal na Tatay D. na nagpakalat ng kasinungalingang hindi ka puwedeng maging lider kung takot kang pumatay. Ang kanyang mga anak ay tuwang-tuwa sa gawain ng kanilang tatay: “You belong to your father, the devil, and you want to carry out your father’s desires. He was a murderer from the beginning . . .” (John 8:44 NIV). Ngunit iba ang kanilang ama sa ating Ama sa langit. Ang sinumang tagasunod ni Hesus ay dapat may pagpapahalaga sa buhay sapagkat ang Panginoon ang siyang may akda ng buhay (Acts 3:15).

Ilang mga Halimbawa ng Murder

  1. Ang paglalagay ng batas sa sariling kamay. Ang kasabihang Pilipino na “Lintik lang ang walang ganti” ay salungat sa bibliya. “Do not repay anyone evil for evil. . . Do not take revenge, my dear friends, but leave room for God’s wrath, for it is written: 'It is mine to avenge; I will repay,' says the Lord” (Rom. 12:17, 19 NIV).

  2. Pagpatay na gawa ng isang taong may awtoridad ngunit hindi naaayon sa batas ang pagkakagawa tulad ng paglabag sa rules of engagement o kaya ay mga extra-judicial killings (EJK). Oo, maging ang mga taong nakaupo sa posisyon ay lumalabag sa ika-anim na utos— at madalas. Sa ika-20 siglo pa lang, tinatayang 175 milyong katao ang pinatay sa bisa ng awtoridad nina Vladimir Lenin at Joseph Stalin ng Soviet Union, Adolf Hitler ng Germany, at Mao Zedong ng Tsina2 . Isang siglo at apat na lider pa lang 'to ay 175,000,000 buhay na ang kinitil. Hindi pa kasali sa bilang ang mga pinatay sa ibang mga siglo at sa kamay ng iba pang mga lider na hayok sa dugo.

  3. Ang garapalang pagpapabaya na nauwi sa pagkawala ng buhay ng kapwa. Dito marahil kinapos ang depinisyon ni Noah Webster. Sa yaman ng Hebreong utos na "lo ratzach" ay pasok ang kaso kahit walang "premeditated malice"— kung ang kapabayaan na nagdulot ng kamatayan ay garapal. Sa Mosaic Law, ang sinumang nagpatayo ng bahay at hindi naglagay ng harang sa palibot ng patag na bubong ay mananagot sa kamatayan ng sinumang mahuhulog mula dito (Deut. 22:8). Kung ang alagang toro ay tanyag na bilang manunuwag at nabigyan na ng babala ang may ari ngunit hindi pa rin niya ito ikinulong, buhay niya ang kabayaran kung sakaling ang kanyang alaga ay manuwag uli't makapatay (Exo. 21:27). Isipin mo ito sa susunod na ikaw ay hahawak ng manibela.

    Ngunit upang maging balanse ay kailangang banggitin na malaki pa rin ang pagkakaiba ng binalak na pagpatay (premeditated) at kamatayan na dulot ng garapal na pagpapabaya. Makikita ito sa paghahambing ng Numbers 35:31 at Exodus 21:29-30. Sa unang nabanggit na talata, hindi pinahihintulutan ang pagtanggap ng bayad kapalit ang buhay ng kriminal na mamamatay-tao. Samantalang sa kaso ng manunuwag na toro, ang may ari ng hayop ay maaaring magbayad bilang pantubos ng kanyang buhay. Nasa rurok talaga ng pagka-karumaldumal ang krimen ng premeditated murder.

  4. Aborsyon o ang sinasadyang paglalaglag ng bata mula sa sinapupunan. Kahit pa ito ay legal sa maraming mga bansa at kahit pa pinaglalaanan ito ng pondo ng mga gobyerno mula sa binayarang buwis ng taong bayan, ito ay kasuklam-suklam sa mata ng Diyos. Ang buhay na nabuo sa sinapupunan ay hindi simpleng raw materials ng tao — siya ay tao— taong nilikha sa wangis ng Diyos— taong may personalidad! (Psalm 139:13-16; Luke 1:44)

  5. Pagpapakamatay (Suicide). Hindi ko itinatanggi na mayroong mga kaso kung saan ang nagpakamatay ay lubhang apektado sa pag-iisip sa puntong hindi siya maaaring papanagutin sa kanyang ginawa. Tandaan ang depinisyon ni Webster— matatawag lamang na murder kung ito ay "by a person of sound mind". Ngunit ilan nga ba sa mga nagpapakamatay ang nawalan talaga ang kakayahang mag-isip? Hanggat mayroon tayong kakayahang gumawa ng wastong desisyon, pananagutan natin ang ating bawat pasya. Angkop dito ang sinabi ni George Swinnock (1627 –1673): "He that would not die when he must, and he that would die when he must not, are both of them cowards alike. To desire to live when one is called to die is a sign of cowardice, for such a one is afraid to enter the list with the king of terrors. To desire to die when one is called to live speaks a faint-hearted creature, for such a man dares not look an affliction or disaster in the face; therefore would take shelter in death.3

  6. Euthanasia. May koneksyon pa rin sa suicide ay ang assisted suicide. Sa bisa ng ideolohiyang “Right to die with dignity”, may mga bansa kung saan legal ang pagtulong sa mga matatanda o sa mga may malubhang sakit na tapusin ang buhay. Madalas din itong ikubli sa ngalan ng habag upang tapusin na raw ang paghihirap ng pasyente. Nararapat banggitin na may pagkakaiba ang active euthanasia at passive euthanasia. Kumplikado ang usapan sa passive euthanasia kung saan hinahayaang dumaan sa normal na proseso ng kamatayan ang isang tao tulad ng pagtanggi o pagtanggal ng life support— halimbawa ay ang tubo na isinasaksak sa lalamunan pantulong sa paghinga. May mga pagkakataon na lubhang maliit ang survival rate at nasa pasya na ng pamilya kung dapat pa bang ipaglaban ang isang bagay na mauuwi sa kasawian. Ang active euthanasia ay sinasadyang pagpatay sa pasyente tulad ng pagtuturok ng lason. Ito ay malinaw na imoral. Kung ang magulang, asawa, anak, o kapatid ay mahina, ito ay isang pagkakataon upang ating ipakita ang ating pagiging mga maka-Diyos sa pamamagitan ng pagkalinga sa kanila hanggang sa kanilang huling hininga.

    Itong pang-apat (abortion), panglima (suicide), at pang-anim (euthanasia) ay mga isyu na nararapat paglaanan ng mas malaking espasyo. Nais ko sanang magsulat ng isang maikling serye na papaloob sa mas mahabang serye ng Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao. At ang maikling seryeng ito ay tatawaging The Sanctity of Life. Ito ay aking gagawin pagkatapos matalakay ang Sampung Utos— kung loloobin ng aking Panginoon.

  7. Ang pagkunsinti sa kultura ng pagpatay. Kung sa lipunan na ating ginagalawan ay laganap ang kultura ng murder, masama ang manahimik lang. Ang pananahimik ay pagkunsinti sa kasamaan. Kung nagkalat ang patayan sa sari-saring anyo— tulad ng aborsyon at extra-judicial killings— at wala tayong imik, ito ay ating kinukunsinti. At mas malala pa kung ang kultura ng aborsyon at extra-judicial killings ay ikinatutuwa ng madla— may palakpakan na, may hiyawan pa— huwag na ninyong asahan ang pabor ng Diyos:"Your hands are full of blood!" (Isa. 1:15). Ika nga ni R. Albert Mohler: "We also need to understand and admit our corporate responsibility. Israel is at times described as bearing corporately a bloodguilt. And if that be so of Israel, it must be so also of those of us who would ignore the carnage around us. . .4" Kabayan, masdan mo nga ang mga kuko mo ngayon; baka may bahid ng dugo.

Mga Sanhi at Pagkakataong Papunta sa Murder

Mula sa panulat ni A. W. Pink (1886 – 1952), “This Commandment not only forbids the perpetration of murder, but likewise all causes and occasions leading to it. The principal of these are envy and anger.5  Kaya talakayin natin ang envy (inggit) at anger (galit).

  • Envy (Inggit)

Sa wari ko'y mas mainam kung sa halip na magbigay ako ng depinisyon ay hihiram na lang ako ng payo mula sa Master Rapper:

Iwasan mo ang inggit

Ang sa iba'y ibig mong makamit

Dapat nga ika'y matuwa

Sa napala ng iyong kapatid6

Hindi kayo kuntento kay Francis Magalona? O sige na nga! Para sa mga naghahanap ng mas teolohikal na reperensya, heto na: "a desire for another’s gifts, possessions, position or achievements . . .7" Mula 'yan sa Dictionary of Bible Themes, at ito ay hindi iba sa rap ni Kiko. Kung mayroon tayong nais tulad ng karangalan, pag-aari, at tagumpay at ito'y napupunta sa iba— mag-ingat sapagkat sa ating puso ay malapit lang ang pagpatay sa kapwa. Ganito ang pagkakasabi ni Santiago: “May mga ninanais kayo pero hindi nʼyo makamtan, kaya handa kayong pumatay dahil dito. May mga gusto kayong makuha at kapag hindi ito nangyari, nag-aaway-away kayo” (James 4:2 ASD).

Dahil si Joseph ang paboritong anak ni Jacob, kinamuhian siya ng kanyang mga kapatid at ni hindi mapakisamahang mabuti (Gen. 37:4). Papatayin talaga sana siya— 'yun ang unang balak, ngunit naisip nila na mas kapaki-pakinabang kung ibebenta na lang bilang alipin— at 'yun nga ang kanilang ginawa (Gen. 37:26-28).

May isang ubasan na gustong-gustong si Haring Ahab. Ang lupa ay akmang-akma sa pinapangarap niyang vegetable garden sapagkat ito ay malapit sa palasyo. Kinausap niya si Naboth— ang may-ari. Maganda naman ang alok ng hari; tutumbasan ang anumang halaga nito sa pilak o iba-barter kapalit ang isang mas magandang ubasan. Ngunit tumanggi sa alok si Naboth sapagkat para sa kanya, walang katumbas na halaga ang lupang minana mula pa sa mga ninuno. Lubhang nalungkot ang hari; ni ayaw niyang kumain. Ang asawa ni Ahab na si Jezebel ang nakaisip ng paraan. Gamit ang mga huwad na saksi, pinaratangan nila si Naboth— mga paratang na pawang mga kasinungalingan. Ang parusa: si Naboth ay pinagbabato ng mga tao na siya niyang ikinamatay. Noong patay na si Naboth, agad-agad na kinamkam ni Haring Ahab ang lupa. (1 Kings 21:1-16)

Bagamat si Jezebel ang nakaisip ng paraan, pareho silang mga mamamatay-tao sapagkat ang liham na ipinadala sa mga tauhan na nagbibilin ng kasamaan ay isinulat sa ngalan ng hari. Wala siyang pagtutol sa binalak ng kanyang asawa. At noong patay na si Naboth ay nawala ang kanyang kalungkutan at agad na kinamkam ang lupa. Sa bilin ni Yahweh kay Propeta Elijah, ang hari ang dapat harapin— ang may pangunahing pananagutan sa kamatayan ni Naboth (1 Kings 21:17-19). Saan nagsimula ito? Sa pagkainggit sa kung anong meron si Naboth na wala kay Ahab.

  • Anger (Galit)

Bagamat binanggit ni Pink ang galit (anger) bilang isa sa mga sanhi ng murder, maingat niyang nilinaw na hindi lahat ng galit ay nauuwi sa pagkakasala. Aniya, "It should be pointed out that anger is not. . . simply and in itself, unlawful.8Isa sa mga uri ng galit na hindi masama ay kapag niyuyurakan ng mga tao ang dangal ng Diyos at tinatapakan ang kanyang kabanalan.

  • Ikinagalit ni Moises ang paggawa ng mga Israelita ng rebultong baka at pagsamba dito (Exo. 32:19)

  • Kay Samuel ay nagsabay ang pagkapuspos sa Espiritu ng Diyos at galit (I Sam. 11:6)

  • Ikinagalit ni Nehemiah ang pananamantala ng mga nagpapautang (Neh. 5:6)

  • Noong mas pinapahalagahan ng mga Fariseo ang kanilang mga tradisyon tungkol sa Sabbath keysa sa ikabubuti ng taong may kapansanan, nagalit si Hesus (Mark 3:5)

Naglaan pa nga si Pink ng puwang para sa galit na dulot ng pagtapak sa ating personal na pagkatao. Sabi niya, "So there is an innocent and allowable anger when we are unjustly provoked by offenses against ourselves, but here we need to be much on our guard that we sin not.9" Dito ay sinusundan niya ang aral ni Apostol Pablo sa Eph. 4:26a, "Be angry and do not sin" (ESV) kung saan ito ay nasa imperative mood— isang utos. Ngunit hindi natatapos doon ang aral ni Pablo tungkol sa galit. Hindi tayo tulad ng Diyos na kung magalit ay dalisay pa rin sa kabanalan. Tayo ay mga makasalanan at madaling mabahiran ng kasalanan ang ating mga emosyon. Ang galit na nagsisimula bilang matuwid ay mabilis mabaluktot dahil sa ating kahinaan. Kaya naman ang "Be angry and do not sin" ni Pablo ay sinundan niya agad ng "do not let the sun go down on your anger, and give no opportunity to the devil" (Eph. 4:26b-27 ESV). Paliwanag ng ESV Study Bible, "Not all anger is sin, but the believer should not be consumed by anger, nor should one’s anger even be carried over into the next day, as this will only give an opportunity to the devil.10"

Kapag ang galit ay hinayaang maghari sa puso, sari-sari ang ibubunga nitong mga hindi kanais-nais. Nabanggit nang ito'y nagbibigay pagkakataon sa mga balak ng diablo (Eph. 4:27). Naging marahas sina Simeon at Levi dahil sa pagkamagagalitin (Gen. 49:5-7). Kapag ang isang tao ay madaling uminit ang ulo, siya ang nagpapaningas ng mga away (Prov. 15:18) kaya ang payo ng pantas ay huwag makipagkaibigan sa mga mabilis magalit dahil baka mahawa ka't tularan sila (Prov. 22:24-25).

Kokopya ulit ako kay Pink: “. . . unjust and inordinate anger, if it is allowed to lie festering in the heart, will turn into the venom of an implacable hatred. Such anger is not only a cause, but it is actually a degree of murder. . .11" Oo, malinaw nga ang aral ng Panginoong Hesus. Kahit wala ka pang sinasaksak; kahit wala ka pang tinataga ng itak; kahit wala ka pang binabaril; kahit wala ka pang nilalason; kahit wala ka pang itinutulak sa bangin— kung sa puso ay may nakatanim na galit at nais mong mapahamak ang kapwa o masira ang kanyang reputasyon— sa puso ay murderer ka na rin! (Matt. 5:22).

Para sa mga Api

Ano ang puwedeng gawin kung talagang inaapi ka na? Puwede kang lumapit sa mga may kapangyarihan— sa mga tinalaga upang magpataw ng parusa sa mga gumagawa ng masama (Rom. 13:4). Sa isa mga ilustrasyon na ginamit ng Panginoong Hesus, positibo ang presentasyon niya sa isang biyuda na paulit-ulit lumalapit sa isang hukom upang humingi ng katarungan (Luke 18:1-5). Kaya huwag mag-aatubiling lumapit sa awtoridad kung ikaw ay agrabyado— sa baranggay chairman, sa police station, o sa hukuman; o sa mga magulang kung may agrabyado sa bahay; kay titser o sa class president kung may agrabyado sa silid-aralan; sa mga elders kung may agrabyado sa iglesya (matapos ang mga naunang hakbang sa Matthew 18:15-17); sa supervisor kung may agrabyado sa trabaho.

Ngunit ano ang gagawin kung hindi makatarungan ang mga awtoridad? Hindi kaila na sa daigdig natin na nahulog sa kasalanan, ang mga sistema ay hindi laging maaasahan. May bahid kasalanan kasi tayong lahat pati na ang mga awtoridad: si Tatay, si Titser, si baranggay chairman, si church elder, si bossing supervisor— pati na ang Supreme Court. Mabuti na lang, wala dito sa lupa ang tunay na Supreme Court. Ang tunay na Kataas-taasang Hukuman at kataas-taasang awtoridad ay nasa langit. Tanong ni Hesus, "hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang kanyang mga pinili na sumisigaw sa kanya araw at gabi. Kanya bang matitiis sila?" (Luke 18:7 AB 2001). Ito ay isang rhetorical question na hindi kailangang sagutin sapagkat alam natin ang sagot— ang Diyos ay makatarungan! Ang aral na ito ay ibinigay ni Hesus upang udyukan ang mga mananampalataya na huwag manlupaypay sa pananalangin (Luke 18:1). Sa pamamagitan ng ating mga dalangin, tayo ay nakakalapit sa tunay na Supreme Court na nasa langit— at doon ay tiyak na makakamtan ang katarungan.

Hindi natin kailangang magbuhos ng poot sapagkat ang Diyos ay may sariling poot— at iyon ay sapat na. At kung kapatid man ang may atraso, hindi natin kailangang manghagupit sapagkat  ang ating Ama sa langit ay namamalo sa kanyang mga supling (Heb. 12:5-6). Ang utos sa atin ay maglaan ng silid para sa poot ng Diyos (Rom. 12:19) at ibigin ang kaaway (Rom. 12:20; Matt. 5:44). Magagawa natin ito sapagkat alam nating maaasahan ang Diyos sa kanyang sinabing "Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti12" (Rom. 12:19 AB 2001).


MGA TALABABA

1. public domain; http://webstersdictionary1828.com/Dictionary/murder

2. Zbigniew Brzezinski, Out of Control; cited in Albert Mohler's Word's From the Fire

3. I found this George Swinnock quote at https://sermons.faithlife.com/sermon-preaching-ideas/topics/courage (last visit, Sept. 17, 2020)

4. R. Albert Mohler, Jr., Words From the Fire (Moody Publishers, 2009)

5. A. W. Pink, The Ten Commandments (ebook file by Chapel Library)

6. Mga Kababayan, from the album Yo! by Francis Magalona; cassette, Side Two (OctoArts, 1990); https://www.youtube.com/watch?v=CwspX-8Jk3k (last viewed, September 18, 2020)

7. Dictionary of Bible Themes (Martin Manser, managing editor; Alister McGrath, general editor); https://www.biblegateway.com/resources/dictionary-of-bible-themes/8733-envy (last visit, September 20, 2020)

8. A. W. Pink, ibid

9. A.W. Pink, ibid

10ESV Study Bible (Crossway, 2008; Tecarta App)

11. A. W. Pink, ibid

12Isinulat ni John Piper ito bilang pagtatanggol sa penal substitutionary view of the atonement, ngunit may kaugnayan sa aking punto:

"Those who try to rescue the love of God by minimizing the wrath of God, undermine not only the love of God, but also his demand that we love our enemies. It is breathtaking to hear one of them say, ‘If the cross is a personal act of violence perpetrated by God towards humankind but borne by his Son, then it makes a mockery of Jesus’ own teaching to love your enemies, and to refuse to repay evil with evil.’ Those are deadly words, which, if they held sway, would take enemy love out of the world.

Why? Because Paul said that counting on the final wrath of God against his enemies is one of the crucial warrants for why we may not return evil for evil. It is precisely because we may trust the wisdom of God to apply his wrath justly that we must leave all vengeance to him and return good for evil. ‘Never avenge yourselves, but leave it to the wrath of God, for it is written, “Vengeance is mine, I will repay, says the Lord.” To the contrary, “if your enemy is hungry, feed him”’ (Rom. 12:19-20 ESV). If God does not show wrath, sooner or later we shall take justice into our own hands. But God says, ‘Don’t. I will see to it.’" 

(page 15, foreword to the book Pierced for Our Transgressions by Steve Jeffery, Mike Ovey, and Andrew Sach; Inter-Varsity Press, 2007). It is also found at https://www.desiringgod.org/articles/foreword-to-pierced-for-our-transgressions , last visited September 21, 2020


No comments:

Post a Comment