Wednesday, July 29, 2020

Mga Haligi ng Etikang Kristiyano (Part 02: Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao)

From the free stock photos of Pixabay

Nabanggit ko sa nakaraang paskil na may sistema ng etika sa lahat ng uri ng tao at sa samut saring mga paniniwala. Ano ngayon ang pinagkaiba ng Etikang Kristiyano sa mga sistema ng etikang hindi Kristiyano? Ang Etikang Kristiyano ay theocentric o naka-sentro sa Diyos. Ito ay nakikilala sa mga sumusunod na haligi:

1. Sa etikang Kristiyano, ang karakter ng Diyos ang siyang pamantayan.
Sa Systematic Theology ni Wayne Grudem ay kanyang isinulat: “God’s righteousness means that God always acts in accordance with what is right and is himself the final standard of what is right.” Ang Diyos ay matuwid at perpekto ang kanyang pagiging matuwid. Ang lahat ng kanyang ginagawa ay matuwid at makatarungan. Kaya naman siya ang pamantayan, ang sukatan ng kung ano ang tama at alin ang mali.

Madalas na mababasa sa bibliya na ang mga taong sa Diyos ay inuudyukang tularan ang kanilang Diyos.

  • “Maging perpekto kayo, tulad ng inyong Ama sa langit na perpekto” (Matt. 5:48)
  • “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal” (1 Peter 1:16)
  • “kayo'y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal” (Eph. 5:1)

Sa buhay na ito ay walang makakaabot ng perpeksyon (kahit Perfecto pa ang pangalan mo). Sa buhay na ito, walang makakarating sa ganap na kabanalan. Nagkakasala pa rin tayo sa ibat ibang kaparaanan. Ngunit hindi pa rin maikakaila batay sa mga nabanggit na mga talata ang katotohanang perpeksyon o ganap na kabanalan pa rin ang pamantayan sa pamumuhay Kristiyano. Sa iyong moral judgments and choices, nararapat lamang na ang perpekto at banal na moralidad ng Diyos ang siyang pamantayan kung paano mamuhay.

Ang Diyos ang siyang batayan ng tama sapagkat siya ay ilaw at sa kanya'y walang anumang kadiliman (1 John 1:5). Siya ay mabuti at lahat ng kanyang ginagawa ay mabuti (Psa. 119:68). Siya ay makatarungan at lahat ng kanyang ginagawa ay makatarungan (Deut. 32:4; Rev. 15:3-4).

Kung ang Diyos ay ang pamantayan ng moralidad, mayroon tayong pamantayan na hindi nagbabago dahil ang Diyos ay hindi nagbabago (Malachi 3:6), hindi tulad ng ilan na binabago ang pamantayan sa pagbabago ng panahon. Hindi tayo maaring sumandal sa kung ano ang modernong pananaw sapagkat ito ay pabago-bago. Ang katanggap-tanggap sa lipunan ngayon ay maaring kamuhian sa susunod na salinlahi; ang kinasusuklaman nila ngayon ay ipagtatanggol ng susunod na henerasyon. Mas mainam magtiwala sa pamantayang hindi natitinag. Kung ano ang Diyos noon ay siya pa rin ngayon, bukas at magpakailanman (James 1:17)

2. Sa etikang Kristiyano, sinisikap bigyang luwalhati at kasiyahan ang Diyos.
Kahit sa mga karaniwang gawain sa buhay tulad ng pagkain, pag-inom, at kung ano pa mang gawain, ang mga ito ay dapat gawin sa ikaluluwalhati ng Diyos (1 Cor. 10:31). Isa pang talata na may kahalintulad na diwa ay ang 1 Peter 4:11; bagamat ang konteksto nito ay sa loob ng iglesya, ang prinsipyo nito ay totoo sa lahat ng pinagbubuhusan natin ng enerhiya. Sapagkat sa Diyos nagmumula ang bawat patak ng ating kalakasan, nararapat lamang na siya ay mabigyang-luwalhati sa lahat ng ating mga ginagawa.

Kaakibat ng pagbibigay-luwalhati sa kanya ay ang mithiing makapagbibigay-lugod sa Diyos sa tuwi-tuwina (2 Cor. 5:9; Col. 1:10). Nais natin siyang mabigyang-kasiyahan dahil siya ang ating Panginoon at tayo ay kanyang mga lingkod (Galatians 1:10).  Ano ang manyayari kapag ang ating mga moral choices ay hindi nagbibigay-luwalhati at hindi nagbibigay-lugod sa Diyos? Ang ating pagsamba ay hindi magiging katanggap-tanggap sa Diyos. Sapagkat hindi lahat ng tao ay nararapat manahan sa banal na burol ng Diyos, kundi yun lamang mga lumalakad ng walang bahid, gumagawa ng matuwid, at nagpapahalaga sa katotohanan sa puso at pananalita (Psa. 15:1-2)

3. Sa etikang Kristiyano, ang Banal na Kasulatan ang bukal ng kaalaman tungkol sa moralidad.
Gayong ang Diyos ang siyang pamantayan at sukatan ng etika, paano natin malalaman ang kanyang karakter at moralidad?  Malalaman natin ang mga ito mula sa kanyang mga pahayag sa Banal na Kasulatan. Ang lahat ng kasulatan o tinatawag nating bibliya ay kinasihan ng Diyos (2 Timothy 3:16a). Ang salitang isinalin bilang “kinasihan” sa ating wika ay ang salitang theopneustos sa orihinal na wikang Griyego. Ang literal na kahulugan nito ay “God-breathed” o hiningang palabas mula sa Diyos. Ang punto ay hindi ito mga ideya ng tao lamang. Bagkus, ito ay galing mismo sa Diyos. At dahil ito ay mula sa Diyos, ito ay mapapakinabangan sa pagtuturo, pagtutuwid, at pagsasanay sa katuwiran (2 Timothy 3:16b). Kung nais nating maliwanagan tungkol sa mga isyung moral, nariyan ang salita ng Diyos na siyang tanglaw sa dilim at ilaw sa ating landas (Psa. 119:105). Ito ay sapat; hindi magkukulang sapagkat ang sinumang babad sa salita ng Diyos ay nagiging ganap (complete) at nagiging handa ng lubusan sa paggawa ng lahat ng kabutihan (2 Timothy 3:17)

Hindi masamang makinig sa mga tinig sa labas ng bibliya. May matututunan tayo sa mga philosopher, scientist, abogado, psychologist, historyador, ekonomista, mga komentarista sa radyo/telebisyon/diyaryo, tindero ng balut, barbero o kahit sino pa man. Ito ay dahil sa ating pagkilala sa tinatawag na common grace. Ang common grace ay mga sari-saring biyaya na hindi nagdudulot ng kaligtasan ngunit mga mabubuting bagay na ipinagkakaloob ng Diyos. Kabilang sa common grace ay mga karunungang ibinibigay sa lahat ng uri ng tao, na hindi saving knowledge, ngunit kapaki-pakinabang pa rin. Kailangan lang ng pag-iingat upang hindi natin ipantay o ihigit sa bibliya ang mga karunungang buhat sa common grace. Ang bibliya pa rin ang ating supreme authority, o sa termino ng ating mga Protestanteng lolo, Sola Scriptura. Ang Banal na Kasulatan ang ating norma normans non normata, ang pamantayang nagtutuwid sa lahat ng mga pamantayan at hindi maaaring ituwid ng ibang mga pamantayan.

Ang tanong ay bihasa ka ba sa bibliya? Kung may sasabihin ba si psychologist, si scientist, si philosopher, si broadcaster, si kumpare, o si suking barbero na salungat sa bibliya ay matutunugan mo agad?  Ang mga babad lang sa salita ng Diyos ang matalas ang isip na paghiwalayin ang tunay na ginto at huwad na ginto: 'yan ay kung alin ang tunay na common grace at alin ang mula sa ama ng mga kasinungalingan (John 8:44). Ang bibliya ang dapat nating ingatan at pahalagahan sa ating mga puso upang tayo ay hindi magkasala (Psa. 119:11). Sa salita ng Diyos, ang tao ay natututong maging makatarungan, umibig sa kaawaan at lumakad sa harap ng Diyos ng may pagpapakumbaba (Micah 6:8). Ito ang etikang magbibigay lugod sa Panginoon.

---

No comments:

Post a Comment