Photo credit: Wikimedia Commons |
Bilang mga indibiduwal o pangkat o pamayanan, tayo ay mayroong sistema ng etika (ethics). Ano ang etika? Ito ay mga tuntunin ng moralidad. Ang ating sistema ng etika ang nagsasabi kung alin ang tama at alin ang mali.
- Kapag may sumakay at bumaba sa dyip, tama ba o mali na siya ay hindi magbayad?
- Tama ba para sa isang tindera ng isda na mandaya sa timbangan?
- Tama ba na ang estudyante ay hindi pumasok sa klase at ipusta na lang ang baong bigay ng kanyang mga magulang sa cara y cruz?
Ang mga sagot natin sa mga tanong na ito ay napapakita lamang na meron tayong ideya ng mga gawain at ugaling katanggap-tanggap at meron rin namang mga gawain at ugaling ating itinuturing bilang mali at ating kinokondena.
Iba't iba ang pundasyon ng etika ng mga tao. Ang ideya ng isang Muslim tungkol sa ano ang tama o ano ang mali ay likas na nakabatay sa kung ano ang mga natutunan niya sa relihiyon niyang Islam. Ganun rin naman, ang Buddhist ay babatay sa natutunan niya sa sistema ng etika ayon sa Buddhism. Ang isang atheist ay meron rin etika batay sa mga pilosopiya na kanyang panghahawakan. Ano man ang paniniwala ng tao, hindi maaaring wala siyang ideya ng tama at mali. Sa katunayan, ang katuruan ng Bibliya ay may inilagay na kamalayan ang Diyos sa budhi ng bawat tao tungkol sa Batas ng Diyos (Rom. 2:14-15). Halimbawa na lang nito ay mga hindi mananampalataya na nakakasalubong at nakakasalamuha natin araw-araw: pag may nahulog kang gamit, ibabalik sayo; pag sobra ang sukli, ibinabalik sa'yo. Kapag ika'y naliligaw, magtanong ka kung saan ba ang direksyon ng dakong nais puntahan ka at ikaw ay tutulungan ng mga taong nasa kalye.
Kung loloobin ng aking Panginoon, ang paskil na ito ay magsisilbing panimula sa isang serye ng mga paskil tungkol sa Etikang Kristiyano (Christian Ethics). Hindi lang basta-basta etika kundi Kristiyanong Etika: isang pag-aaral sa kung ano ang tama at mali, mabuti o masama ayon sa sistema ng pananampalatayang Kristiyano.
Nais kung linawin na ang etikang tinatalakay natin ay hindi mga bagay na kultural lamang, tulad ng:
- "Hindi ka man lang kumatok bago pumasok, napaka-unethical mo!"
- "Hindi man lang nagtakip ng bibig habang nagto-toothpick; wala talagang ethics ang taong 'yun!"
- "Napakasama ng asal ng aking mga apo na lumaki sa Madrid; hindi marunong magmano sa lolo at lola!"
Ang nais kong talakayin sa seryeng ito ay hindi mga asal na kinagawian lamang sa kultura. Bagkus, ito ay mga moral absolutes-- tama saan mang pook at sa lahat ng panahon. Ang mga panuntunan na ito, bagamat sinusupil ng tao sa kanyang kasamaan (Rom. 1:18), ay hindi tuluyang mabubura sapagkat tulad ng nabanggit na, ito ay nakaukit sa puso ng bawat tao at hindi lingid sa kanilang budhi (Rom. 2:14-15).
_______
Lubos na makakatulong po ito sa pamumuhay ng isang kristiyano kaya aabangan at susubaybayan ko po ang katuruang na ipapaskil ninyo.
ReplyDelete