Micah Rosario Tarlit |
Maraming puwedeng sabihin tungkol sa kanya, subalit wala akong balak pahabain ang mensaheng ito. Tutal, ang mga detalye sa kanyang buhay ay madali namang mahalukay sa panahong ito na may Google at Wikipedia.
Taong 1927, ang life expectancy o inaasahang haba ng buhay ng mga bagong silang na kalalakihang Amerikano ay 'di kukulangin sa 56 na taon. Oktubre ng 1927 nang ipinanganak si Jim Elliot, subalit ang haba ng buhay niya ay umabot lamang sa kalahati ng 56. Enero ng taong 1956 nang tumarak sa kanyang katawan ang isang sibat na agad kumitil sa kanyang buhay. At hindi lamang siya ang dumanas ng ganito; maging ang kanyang mga kasama ay ganun din ang sinapit: Ed McCully, 29; Roger Youderian, 31; Pete Fleming, 28; at si Nate Saint, 32. Ang tanging atraso nila, tinangka nilang ibahagi ang ebanghelyo ni Hesus sa Waodani tribe, isang marahas na tribo sa Ecuador.
Makatuwirang tanong: bakit kailangang mangyari iyon? Malakas pa sila at marami pang puwedeng gawing kapaki-pakinabang sa ating daigdig. Sa mata ng sanlibutan, nasayang ang kalahati ng buhay ni Jim Elliot. Ngunit nasayang nga ba?
Sa kamatayan ng limang misyonerong ito, ang pangamba ng marami ay manghihina ang loob ng mga kristiyano at mababawasan ang bilang ng mga hahayo bilang mga misyonero. 'Yan pala ay isang maling akala. Sa halip, naging inspirasyon sa marami ang buhay nina Jim Elliot at ng kanyang mga kasama. Marami ang naglakas-loob na ibahagi ang ebanghelyo sa mga lugar kung saan 'di pa ito naririnig. Marami rin ang nakakilala sa Panginoong Hesus, ang ilan sa kanila mula sa Waodani tribe.
Ang petsa ngayon ay Oktubre 28. Sa araw na ito noong taong 1949, may isinulat si Jim Elliot sa kanyang journal:
"He is no fool who gives what he cannot keep to gain that which he cannot lose."
Si Jim Elliot ay isa lamang sa mahabang listahan ng mga martir. Sinimulan ni Stephen (Acts 7:59-60) at sinundan ni Apostle James (Acts 12:2). Silang lahat ay nagbuwis ng buhay dahil sa patotoong si Hesus ay namatay at muling nabuhay at nararapat kilalanin bilang Panginoon.
Oktubre 28, 2012. Eksaktong 63 taon na ang lumipas, subalit ang diwa ng isinulat ni Jim Elliot sa kanyang journal ay nananatiling sariwa sa ating kapanahunan. Kaya naman ito ang hatid kong mensahe sa iyo: Ang buhay na ganap ay 'di nasusukat sa haba nito. Hindi rin ito nasusukat sa kaginhawaang tinatamasa ng katawan. Ang buhay na ganap at kasiya-siya ay ang buhay na ginugol sa pagsunod sa kalooban ng Diyos anuman ang maging kapalit.
Isang pinagpalang kaarawan!
Sulat-kamay ni Jim Elliot sa kanyang Journal |
No comments:
Post a Comment