Wednesday, August 19, 2020

Sa panahong ito, obligasyong moral pa rin ba ang pagtupad sa Sabbath? (Part 04: Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao)



Dahil halos lahat ng nasa Sampung Utos ay mga moral absolutes, isang magandang ideya na ang Decalogue ay pag-aralan ng sinumang interesado sa Etikang Kristiyano. Hindi bihira sa mga aklat tungkol sa Etikang Kristiyano na maglaan ng mga kabanata tungkol Sampung Utos sapagkat karamihan sa mga ito ay mga isyung moral. Sa nakaraang paskil ay aking tinalakay ang kahalagahan ng pagtataguyod ng dangal ng Diyos sa mga isyung etikal gamit ng una, ikalawa, at ikaapat na utos. Likas lamang na tumuloy ako sa susunod na utos, ang ikaapat. 

Sa aking pagsabi na “halos lahat” ng nasa Sampung Utos ay moral absolutes, malamang ay naaamoy na ng mga ilang kapatid sa pananampalataya na hindi nila magugustuhan ang mga susunod kong sasabihin. Iyan ay dahil para sa kanila, lahat (hindi "halos lahat") ng Sampung Utos ay moral absolutes. Ang mga tinutukoy ko ay mga minamahal na kapatid na sabbatarians mula sa tradisyong Reformed na tumatalima sa Westminster Confession of Faith. Para sa kanila, ang ikapitong araw (Sabado) ay pinalitan ng unang araw (Linggo) bilang siyang bagong Sabbath sa Bagong Tipan. Bilang isang moral absolute, ang batas tungkol sa Sabbath ay dapat sundin ng lahat ng tao, sa lahat ng pook, sa lahat ng panahon-- 'yan ang kanilang pananaw. Nariyan pa ang ibang mga sekta at denominasyon na seventh day sabbatarians na naniniwalang ang ikapitong araw (Sabado) pa rin ang Sabbath. Pinakatanyag marahil sa mga grupong ito ang Seventh Day Adventists (SDA); nariyan pa rin ang mga splinter groups ng dating Worldwide Church of God (WCG), o maliliit na mga grupo na humiwalay sa WCG matapos magpalit ng pananaw tungkol sa Sabbath ang bagong liderato pagpanaw ng founder na si Herbert Armstrong.

Buod ng mga Argumento ng Sabbatarians at Maikling Tugon
Sa aklat niyang Christian Ethics: An Introduction to Biblical Moral Reasoning, nagbigay si Wayne Grudem ng buod ng malalakas na argumento ng mga sabbatarians, at ang kanyang tugon sa mga ito.

1. Ang pundasyon ng Sabbath-keeping ay sa paglikha (established at creation), hindi sa Mosaic covenant. Samakatuwid, ito ay isang moral requirement para sa lahat ng tao sa lahat ng panahon.

Tugon ni Grudem:
Walang utos na natanggap sina Adan at Eba sa aklat ng Genesis na nagsasabing kailangan nilang ibukod ang ikapitong araw bilang espesyal na araw ng pamamahinga at pagsamba.

2. Ang ikaapat na utos ay bahagi ng Sampung Utos, at ang lahat ng mga ito ay mga moral requirements para sa lahat ng tao sa lahat ng yugto ng kasaysayan.

Tugon ni Grudem:
Ang ikaapat na utos ay tila naiiba sa siyam na utos sapagkat ito lamang ang may kinalaman sa mga Jewish holidays at Jewish system of sacrifices. Ibig sabihin, sa kategorya ng mga batas ay maituturing ito sa ceremonial laws. Hindi moral law; hindi rin civil law; ito ay ceremonial, ibig sabihin ay hindi moral requirement sa lahat ng tao sa lahat ng dako at panahon.

3. Walang malinaw na nakasaad sa Bagong Tipan na ang utos tungkol sa Sabbath ay pinapawalang-bisa. Kung gayon ay ito ay ipinapatupad pa rin sa kasalukuyan.

Tugon ni Grudem:
Hindi kailangang magkaroon ng tuwirang pagsasaad ng kanselasyon ng ikaapat na utos sapagkat ito ay bahagi ng Mosaic covenant na lumipas na. Sapat ng walang pahayag (no reaffirmation) ang mga manunulat ng Bagong Tipan tungkol dito, hindi tulad ng ibang siyam na may reaffirmation. Idagdag pa rito ang aral ng Hebreo 3 at 4 na sa ilalim ng panibagong tipan, ang mga nananampalataya kay Hesus ay pumapasok at nakikilahok sa "pamamahinga" na hindi napasok ng mga Israelita.

Si Grudem ay dating Sabbatarian, at hanggang ngayon ay may mataas na pagtingin sa mga mahuhusay teologong Sabbatarian mula sa Reformed tradition kabilang si John Frame na dati niyang propesor.

Ang Sabbath sa Orihinal na Layunin ng Diyos at mga Tradisyong Pabigat
Ang Sabbath ay regalo ng Diyos sa mga Israelita. Musika sa pandinig ng mga dating alipin sa Ehipto na wala silang obligasyon na magtrabaho pitong araw sa bawat linggo. Ang bagong Panginoon nila na si YHWH ay nagbibigay ng pahinga tuwing ikapitong araw. Isa sa mga parusang ipinataw sa tao matapos ng pagkahulog sa kasalanan sa Hardin ng Eden ay kailangan nilang magbanat ng buto upang mabuhay (“by the sweat of your face”, Gen. 3:19). Sa mabuting balita na ito ay mabubuhay pala ang tao kahit magpapahinga siya sa araw ng Sabbath.

Ang Sabbath ay dapat magdulot ng kasiyahan ("a day of delight, Isa.58:13–14) sa bayan ng Diyos. Ngunit sa pagdaan ng panahon ay may mga umusbong na tradisyon sa mga Hudyo na sa halip na magdulot ng kasiyahan sa bayan ay naging mga pabigat. Ang ilan lamang sa mga tradisyong ito ay ang mga sumusunod:
  • Bawal ang pagpitas ng anumang bahagi ng damo o halaman (bunga, butil, dahon)
  • Bawal ang pagkain ng itlog kung ito ay lumabas sa pag-ire ng manok sa araw ng Sabbath
  • Bawal magsulat ng dalawang liham
  • Kung ang sisidlan ng tubig ay may takip na bato, hindi ito bubuksan sa pamamagitan ng pagbuhat sa bato. Kailangang itagilid ang sisidlan upang mahulog ang takip na bato.
Sa bagong tipan, mababasa ang mga paratang ng mga kaaway ni Hesus na siya ay lumalabag sa Sabbath. Ngunit hindi naman talaga lumalabag sa ikaapat na utos si Hesus. Ang nangyari ay gumawa ng mga pabigat na alituntunin ang mga gurong Hudyo, at ang mga hindi sumusunod sa mga pabigat na mga alutuntunin nila ay pinaparatangan nilang lumalabag sa Sabbath (Matthew 12:2; Luke 14:3; John 5:10; John 9:14; Mark 2:23). Dahil sa mga pabigat na tradisyon, ang Sabbath na ginawa para sa tao ay nabaligtad upang maging tao para sa Sabbath (Mark 2:27).

Ang Sabbath sa Bagong Tipan
Kapuna-puna na sa mga gusot sa pagitan ni Hesus at mga gurong Hudyo, madalas na paksa ang Sabbath. Meron ito sa lahat ng apat na ebanghelyo: Mateo, Marcos, Lucas, at Juan (Mark 3:1-6; Matt. 12:1-8; Luke 6:1-10; John 5:1-17) . Tila ba sinasadya ng Panginoon na gumawa ng kontrobersya upang mapag-usapan ang Sabbath. Marahil dahil ito sa malaking pagbabagong parating na sanhi ng kanyang pagpasok sa sanlibutan. Nilinaw niyang siya ang “Panginoon ng Sabbath” (Mark 2:28); at bilang Panginoon ng Sabbath, siya ang masusunod.

Kay Hesus, may tunay na “pamamahinga” para sa mga napapagal at nabibigatang lubha (Matthew 11:28-30). Sa aral ng manunulat ng Hebreo, sa pagdating ni Kristo nitong mga huling araw ay narito na rin ang isa pang Sabbath para sa mga taong sakop ng Diyos (Heb. 4:9.). Ayon kay Pablo, ang lumang tuntunin tungkol sa Sabbath ay kabilang sa mga anino (shadow) ng kaligtasang paparating, at ang kaligtasan ay dumating na nga sa pagdating Messiah (Colossians 2:16-17).

Tila may maliit kontrobersya sa mga mananamplataya sa Roma noong araw tungkol sa mga Jewish food laws at Jewish holidays. Kung bakit ko ito nasabi ay dahil sa liham ni Pablo na ipinadala sa mga taga-Roma, ibinigay niya ng habilin na ito:
"One person esteems one day as better than another, while another esteems all days alike. Each one should be fully convinced in his own mind. The one who observes the day, observes it in honor of the Lord. The one who eats, eats in honor of the Lord, since he gives thanks to God, while the one who abstains, abstains in honor of the Lord and gives thanks to God." (Romans 14:5-6 ESV)
Ayon kay Pablo, kung sa pananaw mo ay pare-pareho lamang ang mga araw, irespeto ang pananaw ng kapatid kung sa tingin niya ay may mga natatanging araw. Ngunit ito ay parang lansangan na pandalawahan: ang mga may itinuturing na espesyal na araw, kailangan rin naman nilang irespeto ang pananaw ng mga kapatid na pare-pareho lang ang mga araw. Puwede nilang tupdin ang Sabbath; puwede ring hindi. Bakit? Hindi na ito utos sa Bagong Tipan. Ito ang kuro-kuro ng MacArthur Sudy Bible sa Exodus 20:8:
the command for the Sabbath is not repeated in the New Testament, whereas the other 9 are. In fact, it is nullified (cf. Col 2:16, 17). Belonging especially to Israel under the Mosaic economy, the Sabbath could not apply to the believer of the church age, for he is living in a new economy.

Isang argumento para sa pananaw na ang Sabbath ay hindi moral law kundi ceremonial law ay ang pagkabatid na ang bawat isa sa Sampung Utos ay buod (summary) ng ibang mas detalyado at malawak na mga batas:
  • Ang ikaanim na utos na, "Huwag kang papatay" ay buod ng iba pang mga mas malawak at detalyadong batas tungkol sa pagprotekta sa sagradong buhay ng tao (Exo. 21:12–14, 20–25, 28–32).
  • Ang ikawalong utos na "Huwag kang magnanakaw" ay buod ng mas malawak at detalyadong batas tungkol sa pagbibigay proteksyon sa mga pag-aari ng tao (Exo. 21:33–36; 22:1–15; 23:4–5).
  • Ang ikapitong utos na "Huwag kang mangangalunya" ay buod ng malawak at detalyadong batas tungkol sa dalisay na pamantayan ng Diyos sa sex at pag-aasawa (Exo. 22:16-17, 19; Lev. 18:1-30).
  • Kung tatanggapin ang balangkas (pattern) na ito, madaling makikita na ang utos tungkol sa Sabbath ay buod ng mga utos tungkol sa Sabbath year, Year of Jubilee, at iba pang mga kapistahan at mga espesyal na araw (Ex. 23:10-19; Lev. 25:1-22, 28, 40-41, 54). Ang mga ito ay ceremonial laws na hindi na ipinapagawa sa mga mananampalataya sa Bagong Tipan. Sa kategoryang ito nabibilang ang utos tungkol sa Sabbath. Samakatuwid, hindi ito moral requirement para sa lahat ng tao, sa lahat ng dako, sa lahat ng panahon.

Prinsipyo ng Paggawa at Pamamahinga Mula sa Sabbath na Kapaki-pakinabang Pa Rin
Bagamat hindi na ipinapatupad ang utos tungkol sa Sabbath sa bagong tipan, hindi ibig sabihin na walang mapupulot na mabubuting prinsipyo mula dito. Salita pa rin ng Diyos ang utos tungkol sa Sabbath at ang bawat bahagi ng Salita ng Diyos ay kapaki-pakinabang (2 Tim. 3:16).

Nariyan ang prinsipyo na kahit anong hirap ng buhay, kahit tayo ay hikahos sa araw-araw na pangangailangan, hindi natin ikamamatay o ikakapahamak kung paminsan-minsan ay maglalaan tayo ng panahon upang magpahinga, sumamba, at mamalagi sa presensya ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang katawan natin at siya ang nakakaunawa kung paano ito dapat gamitin. Ang "makina" na ito na tinatawag nating katawan ay hindi idinesenyo ng Manlilikha upang magsubsob sa trabaho ng walang tigil 24 oras sa bawat araw, pitong araw sa bawat linggo, 365 araw bawat taon. Wala pa tayong glorified body kundi perishable body-- isang katawang napapagod, nalalaspag, at nagkakasakit. Kaya naman kahit anong paghahangad mo na umasenso sa buhay, makakabuti sa iyo kung magkakaroon ka ng regular na oras sa pamamahinga.

Hindi kailangang sa araw ng Sabado o sa araw ng Linggo ang pamamahinga. Noong magsimulang kumalat ang ebanghelyo sa labas ng Jerusalem, at may mga nananampalataya na sa ibang mga panig ng daigdig, hindi sila maaaring magpahinga sa mga araw ng Sabado at Linggo sapagkat walang konsepto ng weekends sa Imperyo ng Roma. Kailangan nilang tapusin muna ang kanilang mga gawain bago makisali sa mga pagtitipon ng mga kapwa Kristiyano. Bukod diyan, sa kasalukuyang panahon ay may mga bansa na iba ang araw ng pamamahinga nila. Halimbawa ay mga mga bansa sa Gitnang Silangan na Biyernes ang araw ng pamamahinga ng mga manggagawa, kaya naman ang mga iglesya (lantad o underground) sa mga bansang ito ay sa araw ng Biyernes nagtitipon.

Maaari bang magpuyat ng manggagawang Kristiyano Linggo ng gabi upang habulin ang due date kinabukasan na itinakda ng supervisor? Oo, puwede. Hindi siya nagkakasala at hindi rin siya dapat batuhin hanggang mamatay tulad ng parusa sa panahon ni Moises. Ngunit kung ganito ng ganito at wala siyang pahinga pitong araw sa bawat linggo, hindi iyon makakabuti sa kanyang pisikal at ispirituwal na kalusugan.

Ngunit hindi rin naman mabuti kung laging pahinga ang ginagawa ng tao. Sa utos tungkol sa Sabbath ay anim na araw ang paggawa at isang araw ang pahinga. Lubhang spoiled ang katawan kung ito'y babaligtarin: isang araw ng paggawa at anim na araw ng pahinga! Hindi matamis pakinggan ang mga salita ni Pablo para sa mga tamad (2 Thess. 3:10-12).

Ang Sabbath at ang Lord's Day
Ang ikinababahala ng iba sa aral na hindi na moral requirement ang Sabbath ay baka kaligtaan ng mga mananampalataya ang pagtitipon. Baka kasi sabihin ng iba, "Ah, hindi naman pala moral requirement ang Sabbath para sa mga Kristiyano. Hindi na lang ako dadalo sa church, tutal hindi naman ako magkakasala kahit liliban ako."

Hindi kalooban ng Panginoon na kaligtaan ng mga mananampalataya ang pagtitipon. Nagkakasala ang isang tao kung wala siyang pagnanais makilahok sa mga gawain ng iglesya. Wala mang bisa ang ikaapat na utos sa mga mananampalataya sa kasalukuyan, sapat ang mga habilin sa Bagong Tipan tungkol sa pagtitipon. Isa na diyan ay ang Heb. 10:24-25, "At sikapin nating mahikayat ang isaŹ¼t isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw" (ASD). Hindi dapat sabihan ang mga hindi dumadalo sa pagtitipon na dapat silang batuhin hanggang mamatay gaya ng parusa sa Matandang Tipan dahil wala namang Sabbath Law sa Bagong Tipan. Ngunit kailangang mabatid ng lahat na ang pagpapabaya sa mga pagtitipon ay pagsuway pa rin sa kalooban ng Diyos. Kaduda-duda rin ang kalagayan ng puso ng isang mananampalataya kung mas sabik siya sa laban ni Manny Pacquiao o class reunion o panonood ng sine keysa sa pagsamba kasama ang mga kapatid.

Mula sa mga unang taon ng iglesya ay kinaugalian na ng mga mananampalataya ang magtipon sa unang araw ng linggo sa halip na ikapitong araw (Acts 20:7; 1 Cor. 16:2). At hindi Sabbath ang tawag nila dito kundi Lord's day (Rev. 1:10). Ang liham ng obispo ng Antioch na si Ignatius ay isinulat ng napakaaga (110 A.D. o hindi hihigit ng dalawang dekada pagkamatay ng huling apostol) at dito ay kanyang isinaad na ang mga Kristiyano ay hindi na nabubuhay para sa Sabbath kundi para sa Lord's day. Malamang ito ay dahil sa araw ng Linggo bumangon mula sa kamatayan ang Panginoong Hesus. Ngunit sa Bibliya, walang mababasang  ito ay utos na ipinapagawa sa kanila. Magkaiba ang utos sa kusang ginawa at naging kaugalian ng sinaunang iglesya. Hindi dapat ituring na Sabbath ang Lord's day dahil magkaiba ang mga ito. Tama ang obserbasyon ni R. Albert Mohler:
"the key issue is this: is the Lord's Day a Christian Sabbath? The problem is that there is no text that makes this transfer, and there is, I would argue, no clear New Testament warrant whatsoever".

Hindi lang magkaiba ang Sabbath at ang Lord's day, magkaiba rin ang layunin ng dalawa. Dagdag ni Mohler:
"Part of our confusion here has to do with the central purpose of the Lord's Day. Is it the same as the central purpose of the Sabbath? Is it mostly about rest? I would argue that it is not. The evidence in the New Testament is that the Lord's Day is mostly about worship, about gathering, about being confronted with the preaching of the Word, about coming together with mutual instruction, about the Lord's Table, where the communion of the saints points to a meal which is yet to come." (Words from the Fire: Hearing the Voice of God in the 10 Commandments)

Kapag unawa natin ang mga ito, mapapalayo tayo sa dalawang opposite extremes. Ang unang extreme ay lumabis sa kalayaan: “Hindi pala Sabbath ang Lord's Day. Wala akong dapat ikatakot. Gagawin ko ang gusto ko sa araw ng pagtitipon. Pupunta ako sa kung saanmang nais kong pumunta.” Ang pangalawang extreme ay malapit sa legalismo: “Mabigat ang parusa kung hindi ako dadalo sa pagtitipon sa Lord's Day, na katumbas ng Sabbath sa Matandang Tipan na hinahatulang batuhin hanggang kamatayan ang mga lumalabag” Sa pagdating ni Hesus sa sanlibutan ay narito na ang ating tunay na pahinga. Dulot ng Diyos ay kaligtasan para sa mga makasalanan kaya naman may gana tayong sumamba bilang mga indibiduwal at bilang isang pangkat.


________________

Tuesday, August 4, 2020

Moralidad at ang Dangal ng Diyos (Part 03: Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao)

Isang bansang bagong laya! Nakaalpas sila mula sa pagkaka-alipin sa Ehipto. Tulad ng lahat ng bansa, kailangan nila ng batas upang magkaroon ng kaayusan. Walang bansa ang magtatagal kung anarkiya ang namamayani. Ang unang dokumento ng batas na ibinigay ni YHWH sa Israel ay ang Sampung Utos. Kumbaga ay ito ang kanilang Saligang Batas. Mapupuna sa Sampung Utos na karamihan ng mga nakasaad ay may kinalaman sa etika/moralidad:
  • Pagbibigay-galang sa mga magulang (Exo. 20:12)
  • Pagbabawal sa pagpatay sa  kapwa-tao (Exo. 20:13)
  • Pagbabawal sa pangangalunya (Exo. 20:14)
  • Pagbabawal sa pagnanakaw (Exo. 20:15)
  • Pagbabawal sa pagbibigay ng mga huwad na patotoo na ikasisira ng kapwa-tao (Exo. 20:16)
  • Pagbabawal sa pagnanasang maangkin ang pag-aari ng iba. (Exo. 20:17)
Ito ay mga alituntuning moral na ibinigay ni YHWH sa bayang bagong laya.

Sa nakaraang paskil ay nabanggit ko na ang Etikang Kristiyano ay theocentric o naka-sentro sa Diyos, at ito'y nagsisikap bigyang luwalhati at kasiyahan ang Diyos. Kapuna-puna sa Sampung Utos na ang naunang tatlo ay may tuwirang kinalaman sa pagkilala sa dangal ng Diyos at sa pagbibigay galang sa kanya.

Ang Unang Utos (Exodus 20:3)

"Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin." (MBB)

“You shall have no other gods before me" (ESV)

Ang punto ng utos ay katapatan (allegiance; loyalty) sa Diyos na nagligtas sa kanila mula sa pagkakaalipin sa Ehipto. Si YHWH lang at wala ng iba. Ito ay mahalaga sapagkat ang mga tao na binibigyan ng batas ay galing sa pagsamba sa mga huwad na Diyos (Eze. 20:6-9). Totoong malaya na sila sa Ehipto ngunit ang kanilang mga puso ay maaaring bihag pa rin ng mga Egyptian idols. Sa kauna-unahang awit na naisulat matapos mahati ang Dagat na Pula, ang ikinikintal sa puso at isip ng mga kumakanta ay ang katotohanang ang mga diyus-diyusan na sinasamba ng ibang mga bansa ay walang kuwenta kung ihahambing sa tunay na Diyos:

“Who is like you, O Lord, among the gods?
    Who is like you, majestic in holiness,
    awesome in glorious deeds, doing wonders?"
Exodus 15:11

Ito ay mga rherotical questions-- mga katanungang hindi nangangailangang sagutin sapagkat ang sagot ay halatang-halata. Ang nangyari sa Dagat na Pula ay kagila-gilalas. Ito ay gawa ni YHWH, ang tunay na Diyos at walang kapantay.

Sa Shema ay ang kapahayagan na may nag-iisang Diyos: “Hear, O Israel: The Lord our God, the Lord is one." (Deu. 6:4). At dahil siya ang nag-iisang Diyos, siya lamang ang nararapat paglaaanan ng pag-ibig, puso, kaluluwa, at kalakasan (Deut. 6:5). Isang walang alinlangang implikasyon nito ay ang pagtanggi sa mga relihiyon na kumikilala sa maraming diyos o polytheism (Acts 17:16). Matagumpay ang evangelism at discipleship kapag ang mga tao ay tumalikod sa mga huwad na diyos at piniling paglingkuran ang tunay na Diyos (1 Thes. 1:9).

Sakop rin ng utos na ito ang pagtanggi sa mga ipinakikilalang diyos maliban kay YHWH, halimbawa nito ay si Allah ng Islam. Hindi naman polytheism ang Islam; monotheism rin sa kanila tulad sa Kristiyanismo. Ngunit sinumang diyos maliban sa ipinapakilala ng kinasihang banal na kasulatan ay huwad. Sa Matandang Tipan ay mababasa na nagliliyab ang galit ni YHWH sa tuwing may sumasamba kina Baal, Dagon, Astoreth, atbp. Isali na rin natin ang umasa sa impersonal forces tulad sa feng shui o ang isandal ang ating kinabukasan sa malas o suwerte tulad ng paniniwala sa horoscopes, lucky number, lucky day o baraha ng manghuhula (Isa. 47:13-14) sa halip na manampalataya sa Diyos na siyang may hawak ng ating kinabukasan.

Banggitin na rin natin ang hindi pagbibigay-luwalhati sa Diyos, bagkus ay niluluwalhati ang ibang tao o inaangkin ang luwalhati para sa sarili (Acts 12:21-23). Gayundin, ang pagbibigay prayoridad sa mga bagay na nilalang sa halip na sa Lumalang (Matt. 6:4; Col. 6:4; Phil. 3:19; Gal. 1:10).

Ang Ikalawang Utos (Exodus 20:4)

"Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin." (MBB)

“You shall not make for yourself a carved image, or any likeness of anything that is in heaven above, or that is in the earth beneath, or that is in the water under the earth." (ESV)

Sa unang utos ay ipinagbawal ang pagkakaroon ng ibang diyos maliban kay YHWH. Dito sa ikalawang utos ay ang pagbabawal sa mga man-made representations ng mga sinasamba ng tao. Dahil sa kanilang matagal na pamamalagi sa Ehipto, nasanay sila sa mga ibat ibang diyos-diyusan na iginagawan ng ibat ibang imahe bilang representasyon. Sa Ehipto ay may huwad na diyos na nagngangalang Horus na ang ulo ay nasa anyo ng ibong falcon. Meron ring huwad na diyos sa tawag na Anubis at ang ulo niya ay nasa anyo ng jackal. Kahit malaya na sila sa pagkakaalipin ay dala-dala parin nila ang pagkahumaling sa pagsambang may mga imaheng nahahawakan at nakikita (Rom. 1:23).

Tuloy pa rin ang kamangmangan 'yan hanggang ngayon. Alam naman ninyo ang buhay, maraming pangangalingan at iba't ibang gastusin: bigas, grocery, palengke, electric bill, water bill, tuition fee ng mga anak, at resetang gamot kung may sakit. Balisa si Nanay sa dami ng mga alalahanin, hanggang sa makita niya sa Facebook ang mga sumusunod:

  • Larawan ng cute na biik. I-share mo ito at hindi ka mawawalan ng pera.
  • Larawan ng hinog na mangga. I-share mo; in two weeks ay darating ang hinihintay mong suwerte.
  • Larawan ng isang kahon ng one thousand peso bills. I-share mo at magkakaroon ka ng ganitong karaming pera.

Sa isang sermon ni Russell Moore na inilathala sa Southern Baptist Journal of Theology ay kanyang sinabi:
“There are very few people in Christian churches who have ever danced in worship around a cow statue. But the Scripture warns us that our forefathers weren't especially aberrant. There remains before all of us, everywhere, a pull toward a golden calf spirituality."
Hindi pa rin nagbabago ang makasalanang puso ng tao. Ipinagpapalit pa rin ang maluwalhating Diyos na hindi nakikita sa mga bagay-bagay na nahahawakan at nakikita. Ano ang dahilan kung bakit ayaw ng Diyos ng ganitong gawain? Ang ibinigay ni YHWH na dahilan sa Exo. 20:5 ay ang kanyang pagiging mapanibughuin (jealous God). Ayaw niya na ang kaluwalhatiang para sa kanya ay napupunta sa mga imahe na hindi naman lumalarawan sa kanyang tunay na kaluwalhatian. Mapanibughuin siya at hindi niya ibibigay ang luwalhating sa kanya sa mga imahen ng tao, hayop, ibon, isda o anupamang nilalang.

Bukod sa ayaw niyang mapunta ang kaluwalhatian sa iba, ayaw rin niya na ang konsepto natin tungkol sa kanya ay bunga lang ng ating imahinasyon. Noong gumawa ng imahe ng gintong baka ang mga Isaelita sa Exodus 32, marahil ay naisip nilang ito ang imahe na nababagay sa Diyos na nagligtas sa kanila mula sa pagkakaalipin sa Ehipto. Ang baka ay malakas at maliksi; malamang sa isip nila ay ito ay nababagay na parangal sa tunay na Diyos.

Ngunit hindi kailanman mabibigyang parangal ang Diyos sa mga imaheng tulad nito. Bagkus, pinapababa pa nito ang tingin natin sa Diyos. Ang Manlilikha ay ginawa nilang kapantay ng nilikha. Ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay ipinantay nila sa isang baka. Hinding-hindi maaaring irepresenta ng bakang ginto ang Diyos. Hindi mo makikita sa gintong baka ang kanyang kaluwalhatian, kabanalan, katapatan, grasya, habag, pag-ibig, kabutihan at iba pang mga perpektong katangian. Sa halip na tumaas ang tingin mo sa Diyos, ito'y bumaba.

Ang Ikatlong Utos (Exodus 20:5)

"Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin." (MBB)

You shall not take the name of the Lord your God in vain." (ESV)

Nakakatuwang isipin kung paano nagbabago ang panlasa ng mga magulang sa kung anong pangalan ang magandang ibigay sa mga supling.
  • Bago naging hispanic ang ating mga pulo, ang ilang mga pangalang naitala sa kasaysayan Humabon, Lapu-lapu, Sulayman, Dula, atbp.
  • Sa ilalim ng kolonya ng Espanya, ang mga indio ay bininyagan bilang Carlos, Apolinario, Emilio, Josefa, Melchora, atbp.
  • Sa impluwensya ng kulturang Kano, ang mga Pinoy ay pinangalanang Robert, Michael, Christopher, Elizabeth, Mary Rose, atbp.
Patuloy pa rin ang pagbabago. Madalas, ito'y depende sa uso. Tantsa ko'y karamihan ng mga Pinay na pinangalanang Thalia o Mari Mar ay mga 25 taong gulang na ngayon. Paano ko nasabi? Sapagkat mid-1990s noong sumikat ang Mehikanang aktres dito sa Pilipinas. Siguro ay maraming mga sanggol sa kasalukuyan ang may pangalang tunog Koreano dahil sa kasikatan ng Kpop at Kdrama sa Pilipinas. Sa bilis ng panahon ay hindi nakakasabay sa uso ang ilang mga magulang. Katulad na lamang ng mga magulang ni Pat. Nakausap ko si Pat sa isang book store. "Patricio po" ang nahihiyang sagot niya sa akin noong nagpumilit akong alamin ang kanyang pangalan na nasa birth certificate. Wala namang masama sa pangalang Patricio. Ang naiisip ko lang na dahilan kung bakit niya ito ikinahihiya ay dahil hispanic ang tunog nito samantalang siya ay isang millennial.

Para sa mga sinaunang magulang na Israelita, ang isinasaalang-alang sa pagpili ng pangalan ay kung ano ang kahulugan nito. Sapagkat sa kanila ang pangalan ay hindi lamang “label” na para bang produkto na binigyan lang ng brand para may maitawag sa tao. Para sa kanila, ang pangalan ay may kinalaman sa iyong pagkatao, karakter, at reputasyon. Sa kanilang pananaw, ang pangalan ay may direktang koneksyon sa karangalan o kahihiyan:

A good name is to be chosen rather than great riches,
and favor is better than silver or gold. (Pro. 22:1)

Then the commanders of the Philistines came out to battle, and as often as they came out David had more success than all the servants of Saul, so that his name was highly esteemed. (1 Sam. 18:30)

Yet he saved them for his name's sake,
that he might make known his mighty power. (Psa. 106:8)

Ang isa sa mga palatandaan ng pagbagsak ng moralidad ng lipunan ay kung hindi na iginagalang ang ngalan ng Diyos. Dati ay nangingilabot ang mga tao kapag ginagamit ang ngalan ng Diyos sa walang kuwentang mga bagay. Ngayon, nakikitawa pa ang mga tao kapag nilalapastangan ang ngalan ng Diyos. Ang Diyos ay ginagamit sa pagmumura  at sa mga birong wala sa lugar. Binabanggit rin ang Diyos ng hindi iginagalang sa mga “expression lang”. Meron din mga taong nagbibigay ng opinyon tungkol sa Diyos na nakakasira ng kanyang reputasyon tulad ng “Who is this stupid God?” (tulad ng Tatay Digong ninyo) o paghamak kay Kristo na ipinako sa krus (si Tatay Digong ninyo ulit). Nariyan din ang mga bulang guro at mga propeta na ginagamit ang ngalan ng Diyos sa pagkakalat ng mga bulaang aral at bulaang propesiya: “Thus says the Lord . . .”. Ang pagbanggit sa Diyos sa paglilinlang at pagsisinungaling. “Sa ngalan ng Diyos ay sumusumpa akong gagawin ko ang ganito o ganyan”, tapos hindi tutupad sa ipinangako. Kasali dito ang mga saksi sa hukuman o resource persons sa Senado/Kongreso na nanunumpang magsasabi ng totoo at may “So help me God” pa sa dulo ngunit pagkatapos ay pawang kasinungalingan ang sasabihin.

Mga oral offenses pa lang ang mga ito o mga paglabag sa ikatlong utos gamit ang bunganga. Ngunit hindi lamang sa pamamagitan ng bibig nalalabag ang ikatlong utos. Merong mga non-oral offenses ng hindi pagbibigay galang sa ngalan ng Diyos. Ang ibig kong sabihin ay bilang mga Kristiyano, dala-dala natin lagi ang kanyang pangalan:

“. . . in Antioch the disciples were first called Christians.” (Acts 11:26)

if my people who are called by my name . . ." (2 Chr. 7:14)

Ibig sabihin, sa tuwing gumagawa ng imoral ang isang mananampalataya, hindi lamang ang dangal niya ang kanyang sinisira kundi pati na rin ang pangalan ng Diyos na dinadala niya. Binabahiran niya ng putik ang malinis na pangalan ng kanyang Panginoon:

"lest I be poor and steal and profane the name of my God." (Pro. 30:9)

"A man and his father have sexual relations with the same girl,
profaning my holy name." (Amos 2:7 CSB)

Kung sa ating mga gawaing imoral ay binabahiran natin ng dumi ang pangalan ng Diyos, totoo rin ang kabaligtaran nito. Ano ang kabaligtaran? Kapag ikaw ay gumagawa ng naaayon sa biblikal na moralidad, naipapahayag mo ang dangal ng pangalan ng Diyos na iyong dala-dala bilang Kristiyano: ". . . if you suffer as a Christian, do not be ashamed, but praise God that you bear that name.” (1 Peter 4:16 NIV)

KONKLUSYON
Ang una, ikalawa, at ikatlong utos ay pawang may kinalaman sa pagpaparangal at paggalang sa Diyos. Bakit ang mga ito ang nauna? At ano ang kinalaman ng mga ito sa Etikang Kristiyano? Ito ay dahil sa patotoo ng Bibliya. Kung kailan nawawala o bumababa ang pagpaparangal at paggalang ng tao sa Diyos, bumabagsak rin ang kanyang moralidad. Noong nawala ang takot sa Diyos sa mga Judio at Griyego (Rom. 3:18), noong wala ng nakakaunawa at humahanap sa Diyos (Rom. 3:11), ay ganito ang nangyari:
  • Walang gumagawa ng mabuti (Rom. 3:12)
  • Ang kanilang mga lalamunan, dila, labi, bibig ay naging mga kasangkapan ng sari-saring kasamaan (Rom. 3:13-14)
  • Ang kanilang mga paa ay naging matulin sa karahasan at pagpapadanak ng dugo (Rom. 3:15)
  • Walang nakakabatid sa daan ng kapayapaan (Rom. 3:17)
Gayundin ang sinasabi ng salmista sa Awit 94. Sa pag-aakalang si YHWH ay hindi nakakakita (Psa. 94:7), ang mga masasamang tao ay napuno ng kayabangan (Psa 94:4); pinaslang nila ang mga walang kalaban-laban tulad ng mga babaeng balo, mga dayo, at mga ulila (Psa. 94:6).

Sa isang artikulong isinulat ni John Frame ay ipinahayag niya ang kanyang pagsang-ayon sa mga pulitikal na pananaw ni Abraham Kuyper, dating punong ministro ng Netherlands. Aniya:
“In the Kuyperian view, all the ills of society are essentially religious. They stem from people worshiping false gods. Either sinners worship the gods of some pagan ideology, or they give primacy to their own autonomous thought. It is such false religion that leads to war, violence, disdain for the poor, abortion, adultery, divorce, and homosexuality.”
Sa madaling sabi, ang moral na kalagayan ng isang lipunan ay may kaugnayan sa mga teolohikal na pananaw nito. Kung mga huwad na Diyos ang pinahahalagahan ng lipunan, o kung itinatanggi ang Diyos kapalit ng mga ideolohiya, o kahit pa kumikilala sa tunay na Diyos ngunit mababa naman ang tingin sa kanya o kulang ng katapatan sa kanya, magdudulot ito ng sari-saring mga problemang moral.

______