Friday, April 8, 2016

Ang Lunas sa Kamatayan


Tantsa ko'y mahigit dalawang dekada na ang lumipas. Sa column ni Dr. Charles Chante sa Philippine Star, tinalakay ang mga bagong tuklas na paraan ng panggagamot. Patuloy ang pagsulong ng katalinuhan ng tao at maya't maya ay may bagong teknolohiyang natutuklasan upang gamutin ang ibat ibang karamdaman. Sa pagtatapos ng kanyang artikulo, kanyang ipinahayag ang kanyang optimismo na balang araw ay matutuklasan ang lunas sa lahat ng karamdaman at maging ang kamatayan ay magagamot na rin. Posible raw na maging imortal ang tao dahil sa patuloy na pagsulong ng kaalaman sa larangan ng medisina.

Bilang isang tao na dumaan rin sa ibat ibang malulubhang karamdaman, ako ay nagpapasalamat dahil sa lahat ng biyayang ating nakamtan bunga ng pagsulong ng agham at teknolohiya. Kung wala ang mga antibiotiko na ipinainom sa akin o itinurok sa aking katawan, malamang matagal na akong pumanaw.  Sandaang taon na ang nakalipas, ang inaasahang haba ng buhay (life expectancy) ng isang sanggol na bagong silang ay 31 anyos. Sa ating kapanahunan, ito ay 67. Ganyan kalaki ang ating pakinabang sa pagsulong ng kaalaman sa medisina.

Ngunit ang tanong, totoo kaya ang sinasabi ng kolumnistang doktor na iyon na magagamot ng teknolohiya ang kamatayan pagdating ng panahon? Sa katanungan pong iyan, tayo ay tutungo sa Bibliya para sa kasagutan.

Ano nga ba ang dahilan kung bakit namamatay ang tao?
Ayon sa Bibliya, ang ugat ng ating kamatayan, ay kasalanan. Nang magkasala ang ating mga unang magulang sa Hardin ng Eden, ang isa sa mga parusang ipinataw sa kanila sa atin na kanilang mga inapo ay kamatayan.

Gen. 3:19 -- "Dahil sa alabok, doon ka nanggaling, sa lupang alabok ay babalik ka rin."

Rom. 5:12 -- "Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao dahil ang lahat ay nagkasala."

Rom. 6:23-- "Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan"

At ang kabayaran ng kasalanan ay hindi natatapos sa pagkalagot ng hininga. Sa Pahayag 21:8 ay may tinutukoy na ikalawang kamatayan-- ang pagtapon sa lawa ng apoy at asupre na mas kilala ng mga tao sa tawag na impiyerno, kung saan ang parusa ay walang katapusan.

Sa kabilang banda, may tama naman ang manggagamot na yun. Totoo naman na may lunas nga sa problema ng kamatayan. Subalit ang lunas sa kamatayan ay hindi produkto ng pagsulong ng kaalaman ng tao sa agham at teknolohiya. Bagkus, ito ay  nakasaad mismo sa aklat na ibinigay sa atin ng Diyos na siyang may akda ng buhay

Kung pag-uusapan ang lunas sa kamatayan, kailangang pag-usapan rin ang ugat ng kamatayan. Iyan ay ang kasalanan. Ang problemang ito ay hindi kayang gamutin ng mga tableta at mga kapsulang nabibili sa Mercury Drug o iba pang mga botika. Ang suliranin na ito ay hindi malulutas sa St. Luke's o iba pang mga ospital. Mas malalim na paggagamot ang kailangan sapagkat ito ay isang ispirituwal na suliranin.

Ano nga ba ang kasalanan?

  • Ang kasalanan ay ang pagbabalewala sa kalooban ng Diyos; ito ay paglabag sa mga utos, sa mga tuntunin ng Panginoon. Sa tuwing isinasantabi natin ang utos ng Diyos, at ang nasusunod ay ang nais natin o ang nais ng Diyablo, tayo ay nagkakasala. (1 John 3:4)
  • Nagkakasala rin tayo sa tuwing hindi natin ginagawa ang alam nating tama (James 4:17)
  • Nagkakasala rin tayo sa tuwing may sinasambit tayo na hindi dapat sambitin. Sa Mat. 12:36, nakasaad na pananagutan natin ang bawat salitang ating binigkas nang walang pag-iingat.
  • Nagkakasala rin tayo sa tuwing meron tayong iniisip na 'di kalugod-lugod sa Diyos, tulad ng pag-iisip ng mahalay (Matt. 5:28) o pagtatanim ng galit sa kapwa (Matt. 5:22)

Maraming paraan ng pagkakasala at ang sinumang magsabing wala siyang kasalanan ay di nauunawaan kung ano ang kasalanan.

Ang kasalanan ay mailalarawan din bilang kawalan ng pasasalamat sa Diyos. Ang Diyos ang ating Manlilikha. Nagpakita siya ng kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagbibigay ng buhay sa atin. Ang araw na tumutuyo sa ating mga isinampay ay likha niya. Ang ulan ay ipinapadala niya sa takdang panahon upang lumago ang mga pananim at nang tayo ay may kakainin. Lahat ng ating isinusubo, nginunguya at nilulunok ay galing sa kanyang mapagpalang mga kamay. Siya ang dahilan kung bakit humihinga ka pa hanggang ngayon. Siya ang dahilan kung bakit pumipintig pa rin an iyong puso at dumadaloy pa rin ang dugo sa iyong mga ugat. Napakabuti ng Diyos sa atin. Subalit ano ang ating iginanti kapalit sa lahat ng kanyang kabutihan?

Walang matuwid, wala, wala kahit isa
wala ni isang nakakaunawa, wala ni isang humahanap sa sa Diyos
Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan, walang gumagawa ng mabuti,
wala, wala kahit isa. (Romans 3:10-12)

Paano maiiwasan ang kaparusahan ng kamatayan?
Ang ating mga sementeryo, nakahimlay ang maraming kakilala natin na mababait at mabubuti. Yan ay patunay na maski ang mga pinakamababait at mabubuti sa atin ay apektado rin ng kasalanan. Hindi sapat ang ating kabaitan at kabutihan upang makatakas sa kamatayan. Walang nakaabot sa pamantayan ng Diyos.

Kung ganyan kahigpit ang Diyos, na maski ang mga pinakamababait sa atin ay napaparusahan pa rin, wala na tayong pag-asa. Mamamatay tayong lahat. Mabubulid tayong lahat sa impiyerno! Mapaparusahan tayong lahat!

Kabayan, meron akong mabuting balitang ihahatid. Ito ang mabuting balita: ang Diyos mismo ang gumawa ng solusyon. Ang Diyos mismo ang nagbibigay ng lunas sa kamatayan. Ipinadala niya ang kanyang tanging anak, si Hesus. Si Hesus na kapilang na ng Ama sa simulat simula pa (Juan 1:1). Sa kanyang kalikasang Diyos, siya ay kumuha ng isa ng kalikasan, kaya naman siya ay likas na Diyos at likas na tao noong siya ay nabubuhay dito sa ibabaw ng lupa. Ang Manlalalang ay bumaba at namuhay sa piling ng kanyang mga nilalang (John 1:14). Siya ay namuhay ng perpekto, walang kasalanan, walang kapintasan.

Siya ay ipinadala dito ng Ama upang saluhin ang kaparusahan ng mga kasalanan para sa lahat ng sasampalataya sa kanya. Noong siya ay dinakip, at dumaan sa paglilitis na salat sa katarungan.  Siya'y pinarusahan sa krus, sa katuparan ng tagna:

Isaiah 53:5"Sinugatan siya dahil sa ating mga pagsuway; binugbog siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang tiniiis niya ang nagbigay sa atin ng kapayapaan. At dahil sa kanyang mga sugat, gumaling tayo." (punahin ang HEALING language)

Siya ay namatay, ngunit hindi siya nanatiling patay. Sa ikatlong araw ay muli siyang nabuhay. At ito ay isang kuwento na kathang-isip. Unang-una, daan-daang taon bago ipinanganak si Hesus, hula na ng kasulatan na hindi siya hahayaang mabulok ng kanyang Ama (Awit 16:10). Pangalawa, si Hesus mismo, bago pa man siya namatay, inihula na niya na kung iguguho ng mga kaaway ang kanyang katawan, muli niya itong itatayo sa ikatlong araw (John 2:19). Pangatlo, maraming saksing nakakita na siya ay namatay, inilibing at muling nabuhay. Sa ulat ng Apostol Pablo, may 500 saksi na nakakita na nabuhay siyang muli.

Bakit mahalagang paniwalaan na si Kristo ay muling nabuhay? Dahil ito ang garantiya na mabubuhay din muli ang mga sumusunod sa kanya. Sa katuruan ng bibliya, kung paano pumasok sa sanlibutan ang kamatayan sa kasalanan ni Adan, ganun rin naman papasok ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng matuwid na si Kristo.

1 Corinto 15:22, Kay Adan, lahat ay mamamatay. Kay Kristo, ang lahat ay mabubuhay.

Ito na nga ang lunas sa kamatayan para sa lahat ng nananampalataya kay Hesus at sa kasapatan ng kanyang sakripisyo sa krus--- pananampalatayang kalakip ang pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan.

No comments:

Post a Comment