Monday, February 9, 2015

Ang Mapapalad (The Beatitudes): Panimula


http://biblehub.com/adb/matthew/5.htm
Dahil sa pagpapagaling ni Hesus sa sari-saring mga karamdaman noong siya ay lumibot sa Galilea, maraming mga tao mula sa iba't ibang lugar ang lumapit sa kanya upang makatanggap ng tulong (Matt. 4:23-25). Nang makita ni Hesus ang natipon na mga tao, siya ay umakyat sa bundok. Ang kanyang pag-upo ay bilang paghahanda sa susunod niyang gagawin. Sa kanilang kultura, ang pag-upo ang karaniwang postura ng mga tagapagturo. Sumunod ang kanyang mga alagad, at nagsimula na ngang magturo si Hesus.

Bagamat ang mga aral na ibabahagi ng guro ay para sa maliit na pangkat ng kanyang mga alagad, walang duda na sinadya niyang lakasan ang kanyang tinig upang ito ay mapakinggan din ng napakaraming mga tao na nagtipon doon. Ang mga aral na ito ay kilala sa tawag na Sermon sa Bundok (Sermon on the Mount). Ito ay napapaloob sa tatlong kabanata ng ebanghelyo ayon kay Mateo (kabanata 5, 6, at 7).

Kung loloobin ng Panginoon, nais kong simulan ngayon ang isang serye ng mga paskil na sasaklaw sa unang bahagi ng Sermon sa Bundok na tinatawag na The Beatitudes. Ito ay galing sa salitang Latin na beautus na ang kahulugan ay "mapalad".

Subalit mas makakatulong sa ating pangunawa kung ang susuriin natin ay ang wikang ginamit ni Mateo noong isulat niya ang kanyang ebanghelyo. Sa wikang Griyego, ang salitang ginamit ay makarios. Ang salitang ito ay tumutukoy sa taong tumanggap ng pabor mula sa Diyos. Napakaganda pala ng pangalang Macario :D

May kahulugan din ito na "masaya", kung kaya't may mga salin ng bibliya tulad ng Good News ay isinalin ito bilang "Happy". 'Yun nga lang, may kailangang linawin. Sa kapanahunan natin, sinasabi nating "happy" tayo ayon sa nararamdaman natin. Halimbawa na lang ay itong ginagamit na sukatan ng Social Weather Stations (SWS)1. Ang tinatanong nila sa kanilang mga survey ay: "Kung iisipin ninyo ang inyong buhay sa kabuuan sa ngayon, masasabi ba ninyo na kayo ay... " Ang pagpipiliang mga sagot ay:
  • talagang masaya
  • medyo masaya
  • talagang hindi masaya

Natural, ang resulta ay nakabatay sa pabago-bago at pansariling pakiramdam (subjective feelings) ng mga tinatanong. Subalit ang salitang makarios ay hindi nakasalalay sa kung ano ang pakiramdam natin. Paliwanag ni  Willoughby Allen, ang kasiyahang tinutukoy ng makarios ay:

"a state not of inner feeling on the part of those to whom it is applied, but of blessedness from an ideal point of view in the judgment of others"2

Sa pagkakataong ito, ang gumagawa ng "judgment of others" ay si Hesus. Ito ang mga taong pinagpala at "masaya" ayon sa Panginoon. At kung si Hesus ang nagbigay ng pananaw, maaari ba naman siyang magkamali? Siyempre hindi. Kung sinabi niyang pinagpala ka, pinagpala ka nga. Iyan ang dapat ikagalak.

Sa mga susunod na paskil ng seryeng ito, iisa-isahin natin ang mga katangian ng mga taong pinagpala ayon sa ating Panginoon.
 ----------------

Talababa:

1. Fourth Quarter 2013 Social Weather Survey, http://www.sws.org.ph/pr20140227.htm

2. Willoughby C. Allen, A Critical and Exegetical Commentary on the Gospel According to S. Matthew. Edinburgh: T. & T. Clark, 1912 (sinipi ni D. A. Carson sa Matthew, Expositor's Bible Commentary, 1st edition)

2 comments:

  1. Bagamat may kasalukuyang pananaw ang "mapalad" ay "masuwerte" , mas malalim pa rin at mas tama na salin kung ihahambing sa "masaya" sapagkat ang mga biyaya ay kaloob ng Diyos Lalo na't sa panahon ngayon, kahit mali pwede ka pa ring "masaya". :(

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi She! Salamat sa pagpapaunlak mo sa aking kahilingan na ika'y pumasyal dine.

      Tinignan ko ang mga mas modernong saling Filipino: ABAB (2001), MBB (2005), at ASD (2010) at lahat ng mga ito ay nagkakaisa sa pagsasalin nito bilang "mapalad". Siguro'y napag-usapan din ng mga tagapagsalin ang konotasyon nito bilang "masuwerte" subalit napagpasiyahan nila na gamitin pa rin ito.

      Sa ganang akin, kung mabibigyan ulit ng pagkakataon na mangaral mula sa The Beatitudes bilang isang responsableng expositor , isa 'yan sa mga itutuwid ko sa isip ng mga tagapakinig na walang konsepto ng "suwerte" sa mga talatang ito.
      Maganda rin yung punto mo tungkol sa konsepto ng kasiyahan. Ang kasiyahan na tinutukoy ng makarios ay hindi kailanman magmumula sa mali.

      Muli, salamat sa iyong pagpasyal dine upang mag-ambag ng karunungan :)

      Delete