Wednesday, January 16, 2013

Ang Bulaklak at ang Multa


Habang minamasdan mo ang mga bulaklak sa isang hardin, lalo kang napapahakbang papalapit. Ang halimuyak ng mga ito'y kumikiliti sa iyong pang-amoy. Halos abot na ito ng iyong mga daliri nang may mapansin kang nakapaskil na karatula: 

BAWAL PUMITAS NG BULAKLAK
MULTA: 200 PESOS BAWAT ISA


Likas sa atin ang masiyahan sa mga magaganda; 'yan man ay bulaklak, sapatos, sasakyan, gusali, musika, pelikula, atbp. Hindi ba't yan ang dahilan kung bakit napipirmahan ang mga marriage contract? Nagsisimula ito sa pagkabighani ng isang binata sa karikitan ng isang dalaga at kanyang sinasabi sa kanyang sarili: "Gusto ko siya at nais ko siyang makapiling habang-buhay." Kaya't ang pagkaakit sa mga magaganda ay hindi naman talaga likas na masama. Ang masama ay kung nais mong mapasaiyo ang mga bagay na ipinagbawal. Kung magpupumilit ka sa iyong nais, kailangang bayaran mo ang multa.

Nang malinlang ng ahas ang nanay nating lahat na si Eva, minasdan niya ang bunga at tatlong bagay ang naglaro sa kanyang isipan (Genesis 3:6):

  • Ang bunga ay kalugod-lugod sa paningin
  • Ang bunga ay tila katakam-takam kainin
  • Ang bunga ay kanasa-nasa dahil sa kasinungalingan ng ahas na siya ay magiging marunong
Subalit nang matapos magkasala ang ating mga unang magulang, ano ang naidulot nito sa sanlibutan?
  • hinagpis
  • dusa
  • kamatayan (Gen. 3:16-19)
Hindi itutuloy ng karamihan sa atin ang pagpitas sa bulaklak dahil ayaw nating bayaran ang multang nagkakahalaga ng dalawan-daang piso, subalit nakakalungkot na nagpapatuloy tayo sa ilang mga kasalanan. 'Di hamak na higit sa dalawan-daang piso ang dulot nitong hinagpis, dusa at kamatayan. Huwag sanayin ang mga mata na tumitig sa alindog ng kasalanan. Sa halip, ating ituon ang ating paningin sa kagandahan ng Diyos at ng kanyang ebanghelyo. Ang hinagpis ay papalitan niya ng kagalakan (Awit 30:11); ang dusa ay papalitan niya ng ginhawa (Mat. 11:28); ang kamatayan ay papalitan niya ng buhay (Juan 10:10) 

"Anong mayroon ako sa langit kundi ikaw?
at liban sa iyo'y wala akong anumang ninanasa sa lupa." 
                             Awit 73:25, Ang Bagong ang Biblia

-------------
Recommended Books:

No comments:

Post a Comment