Photo Credit: WikiMedia Commons |
Kung ikaw ay pagpipiliin sa pagitan ng ginto at kinakalawang na lata, alin ang iyong pipiliin? Lahat ng taong may matinong pag-iisip, ginto ang dadamputin.
Kung ikaw ay pagpipiliin sa pagitan ng mamahaling bato (tulad ng brilyante) at basag na puwit ng baso, alin ang iyong pipiliin? Lahat ng taong may matinong pag-iisip, brilyante ang dadamputin.
Kinilatis ng sanlibutan si Kristo at sa kanilang tingin, siya ay walang kuwenta. Kaya naman itinakuwil ng sanlibutan si Kristo (1 Pedro 2:4). Nang ang taong-bayan ay nabigyan ng karapatan upang piliin kung sino ang pakakawalan, si Kristo o si Barabas, ang pinili nila ay ang pangalawa. Ganun kaliit ang tingin nila sa Panginoon. Para sa kanila, may pakinabang pa nga sa lipunan ang kriminal na si Barabas.
Subalit maaaring may tumutol, "Bro. Manny, noon siguro 'yan. Pero ngayon, mataas na ang tingin ng mga tao kay Hesus. Ipinagdiriwang pa nga nila ang kanyang pagsilang tuwing Pasko at ginugunita ang kanyang kamatayan tuwing lenten season." Noon pa man ay ginagawa na ng tao na parangalan ang Diyos sa kanilang mga labi ngunit ang kanilang puso ay malayo sa kanya (Isa.29:13).
Ang hinala ng sanlibutan ay wala tayo sa tamang pag-iisip. Bakit? Sapagkat si Kristo na kanilang ibinabasura ay siya namang yaman natin (1 Pedro 2:7a). Handa tayong ipagbili ang lahat ng ating ari-arian: ang ating bahay, ang ating lupain, ang ating mga damit-- ang lahat-lahat sa atin, makamtan lang natin ang tunay na yaman (Mateo 13:44).
Si Moises ay inampon ng Prinsesa ng Ehipto; maginhawa at marangya ang kanyang buhay. Subalit ayon sa Heb. 11:26, binitiwan niya ang lahat ng ito at mas minatamis ang pagdurusa alang-alang kay Kristo.
Makikita rin ninyo sa ating talata na magkaiba ang destinasyon ng mga taong nagmamaliit sa kanya at ang mga taong nagpapahalaga sa kanya. Sa mga taong basura ang tingin kay Kristo, matutuklasan nila balang araw na ang bato na kanilang tinanggihan ay siya palang pinakamahalagang bato ng pundasyon. Sa kanya nakasalalay ang pagtayo o pagbagsak ng gusali. Dahil tinanggihan nila si Kristo, siya rin ang batong magiging sanhi ng kanilang pagkatisod.
Iba ang destinasyon ng mga taong nagpapahalaga sa kanya. Ayon sa talata 6, tayo na sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya. Malamang ay may halong pag-aalinlangan sa kinabukasan si Pedro nang kanyang itanong sa Panginoon, "Iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano naman ang makakamit namin?" Ang tugon sa kanya ng Panginoon ay pagtitiyak na ang sinumang nag-iwan ng mga bagay-bagay (maging mga mahal sa buhay) alang-alang sa kanyang ngalan ay tatanggap ng makasandaang-ulit at magmamana ng buhay na walang hanggan (Mateo 19:27-28).
Bago ko wakasan ito, nais kong ipaalala ang isang bagay upang huwag magmalaki ang sinuman. Noon, tayo rin naman ay tulad nila. Ayon sa 2 Cor. 4, tayo rin ay mga bulag dati-- nasa kadiliman kaya hindi natin makita ang kaluwalhatian ni Hesus. Kaya lamang natin nakita ang tunay niyang halaga ay dahil pinagliwanag ng Diyos ang ating paningin; pinagaling niya ang ating pagkabulag. Dahil sa biyaya ng Diyos, hindi na kinakalawang na lata ang tingin natin sa kanya; hindi na siya basag na puwit ng baso sa ating paningin. Siya ay ang Maningning at Marangyang Hari ng Langit at Lupa-- Walang kapantay sa kaluwalhatian. Siya ang tunay nating yaman.
Facebook comment:
ReplyDeleteRoldan
basta ganyan ang mga topic,d ko palalampasin na dalawin.napapanahon kc very related in life,gaya ng kinlawang na lata at basag n pwet n baso,galing ba mga yan sa junk shop? But in reality "Christians" shall live in Christ Jesus.