Photo Credit: Absolute Astronomy |
Hindi maayos ang pagkakapako sa sapatos ng isang kabayo. Iyan ang nagdulot ng pagkasawi ng pinakamahusay na mandirigma. At dahil nasawi ang kanilang pinakamahusay na mandirigma, natalo sa digmaan ang isang bansa.
Ayon sa isang dayuhang kasabihan: "Para sa isang taong nakasuot ng salamin na kulay luntian, ang lahat ng bagay ay kulay luntian". Para sa isang taong nakasuot ng salamin na kulay ateismo (atheism), ang lahat ng kanyang makikita ay kulay ateismo. Babasahin niya ang mga aklat kasaysayan (history books) at ganito ang kanyang makikita: NAGKATAON lang na hindi maayos ang pagkakapako sa sapatos ng kabayo. NAGKATAON lang na ang kabayong iyon ay pag-aari ng pinakamahusay na mandirigma. NAGKATAON lang na nadisgrasya siya dahil sa isang maliit na pako. NAGKATAON lang na natalo ang isang bansa sa digmaan. NAGKATAON lang.
Ang suot kong salamin ay kulay bibliya; dahil dito lahat ng aking natatanaw ay sinisikap kong ilagay sa balangkas ng Teolohiyang Kristiyano. Sa tuwing nagbabasa ako ng diyaryo o mga aklat kasaysayan, nakikita ko ang kamay ng Diyos. Ayon sa Efeso 1:11, ang Diyos ang nagsasagawa ng lahat ng bagay ayon sa kanyang pasya at kalooban. Ang Diyos ang kumikilos upang maganap ang maliliit na bagay tulad ng pagkatangay ng alikabok sa hangin hanggang sa pagdapo nito sa likod ng kalabaw. Ang Diyos rin ang kumikilos upang maganap ang malalaking bagay tulad ng pagbagsak ng isang hari mula sa kanyang trono.
Mula sa isang biblikal na pananaw, ang Diyos ang sanhi kung bakit hindi maayos ang pagkakapako sa sapatos ng kabayo. Siya rin ang sanhi kung bakit naaksidente ang pinakamahusay sa mandirigma. Siya ang sanhi kung bakit nasawi sa digmaan ang isang bansa.
------------------------
No comments:
Post a Comment