Friday, October 16, 2020

Paglinang ng Isang Pusong Monogamous; Part 02: Huwag Kang Mangangalunya (Part 08: Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao)

Image by Olessya; freely available at Pixabay


Napatunayan natin mula sa nakaraang paskil na ang kalooban talaga ng Manlilikha sa pag-aasawa ay monogamy o ang pagkakaroon ng isa lamang na kabiyak. Samakatuwid, imoral ang maghangad ng karagdagang karelasyon kung ikaw ay may kapareha na. Imoral rin para sa isang tao ang paghahangad na makarelasyon ang isang taong may katipan na. Winakasan ko ang paskil na iyon sa paggiit na hindi sapat ang pagiging legally monogamous; ang kalooban ng Diyos ay monogamous ka rin sa puso at isip. Wika ni Hesus: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso” (Mat. 5:27-28 AB 2001). Hindi lang ang ating mga panlabas na ikinikilos ang mahalaga kay Yahweh. Maaaring marangal kang tignan at wasto ang bawat kilos; magaling! Sapat na yan sa mata ng kapwa-tao. Ngunit hindi lamang ang nasa labas ang nakikita ng Diyos kundi pati ang nasa puso at isip (1 Sam. 16:7). Hindi sapat na walang kahalayan/kabastusan sa iyong pananalita— dapat ay maging katanggap-tanggap rin sa Diyos ang mga pinagbubulayan ng iyong puso. Hindi sapat na malinis ang iyong mga kamay sa pagsamba sa burol ng Panginoon— dapat ay dalisay rin ang iyong puso (Psa. 24:3-4).

Sa loob nagsisimula ang lahat— the inner man. Kaya naman sa Kawikaan 4:23, ang bilin ng pantas sa kanyang anak ay ingatan ang “puso” (MBB 2012) o “isipan” (ASD 2015) "sapagkat mula rito'y dumadaloy ang mga bukal ng buhay" (AB 2001). Ang puso/isip ang siyang bukal ng ating pamumuhay. Kaya sa paskil na ito ay maghahain ako ng mga dapat alalahanin— mga puntong teoritikal na huhubog sa puso at isip at makakatulong sa paglinang ng isang monogamous heart.

Alalahanin na monogamy talaga ang disenyo ng Manlilikha- Ito ay nahahayag sa Genesis 1-2. Kung tatanggihan ng tao ang kaayusang mula sa Diyos (divine order), tiyak na kabaligtaran ang mangyayari— at ang kasalungat ng kaayusan ay kaguluhan (order vs. confusion). Alalahanin na siya ay Diyos ng kaayusan, hindi kaguluhan (1 Cor. 14:33). Sa perpektong disenyo ng Diyos, ang lalaki at ang babae ay nagiging isang laman. Kung may third party, ito ay isang manghihimasok (intruder) sa orihinal na disenyo ng Diyos— at kapag may manghihimasok, nariyan ang kaguluhan.

Alalahanin na kapag may pangangalunya, nasisira ang pagtitiwala ng kabiyak- Sa Saligang Batas ng Pilipinas, ang betrayal of public trust ay isang lehitimong dahilan ng impeachment. Ganun din sa mag-asawa— ang pangangalunya ay betrayal of marital trust (at ito ay lehitimong dahilan ng paghihiwalay, Matt. 5:32). Ito ay isang malalang paglabag sa sumpa at pangakong magiging tapat habang-buhay. Kahit hindi ka pisikal na nambubugbog o nananakit ng asawa, ang pagtataksil sa sumpaan ay nagdudulot ng mga mental at emosyonal na sugat na matagal bago maghilom. At hindi lang ang asawa ang nasasaktan, pati na rin mga anak. Mahihirapan silang irespeto ang magulang na nangalunya.

Alalahanin na ang kultura ng pangangalunya ay may masamang epekto sa lipunan- Ang kaayusan ng pamilya ayon sa disenyo ng Diyos ay hindi lamang sa kabutihan ng pamilya kundi para sa buong lipunan. Sa isang bahagi ng blog series na ito kung saan tinalakay ko ang kahalagahan ng pagbibigay-galang sa mga magulang, aking idiniin ang papel ng pamilya bilang basic social unit ng lipunan. Kung mahina ang pamilya, mahina rin ang pamayanan, lipunan, at bansa. Kung walang kaayusan sa mga pamilya, wala ring kaayusan sa lipunan na binubuo ng mga pamilya. Kung sinira mo ang tiwala ng iyong asawa at mga anak, paano magtitiwala sa iyo ang ibang tao? Kung ang taong dapat sana ay minamahal mo higit sa lahat ay iyong pinagtaksilan, kami pa kaya? Kung ang pinangakuan mo ng katapatan at pinag-alayan ng matatamis na tula tulad ng "Susungkitin ko ang mga bituin sa langit at iaalay sa iyo" ay iyong tinalikuran, kami pa kaya na hindi naman ganun kahalaga sa'yo? Kung hindi ka mapagkakatiwalaan sa iyong tahanan, paano ka namin pagkakatiwalaan sa negosyo, pulitika, at iglesya? Kung sa mga pamilya ay laganap ang panlilinlang (deceit) at pagkakanulo (betrayal), ito ay microcosm lamang ng nangyayari sa lipunan.

Alalahanin na binubura ng pangangalunya ang larawan ni Cristo at ng iglesya- Sa layunin ng Diyos, may espesyal na papel ang Christian marriage sa daigdig. Ito ay ang paglalarawan ng relasyon ni Cristo at ng iglesya. Kapag nagtataksil ang lalaki, winawasak nito ang larawan ng isang mapagmahal na Cristo na naghandog ng kanyang buhay para sa iglesya (Eph. 5:25). Hindi larawan ng sakripisyo ang lalaking nakikiapid kundi masagwang larawan ng pagiging makasarili. Kapag ang babae naman ang nagtataksil, binabasag nito ang larawan ng layunin ni Cristo sa pagtutubos niya ng iglesya; sapagkat ang iglesya ay tinubos upang maging malinis at walang kapintasan (Eph. 5:25-27).

Alalahanin na ang adultery ay larawan ng idolatry- Bukod sa binabalukot ng pangangalunya ang dapat nating i-modelo — 'yan ay ang relasyon ni Cristo at ng iglesya— may iba itong inilalarawan. Sa Banal na Kasulatan, ang pagtalikod ng Israel sa pakikipagtipan ng Diyos ay itinuring bilang ispirituwal na pangangalunya. Ang kanilang pagtataksil sa Diyos at pagsamba sa ibang mga diyos tulad nina Baal, Molech, at Astoreth ay spiritual adulteryit is an illustration of idolatry! (Hosea 1-3). Hindi kataka-taka na laganap ang pagtataksil sa Diyos sa isang adulterous generation (Matt. 16:4)

Alalahanin ang iyong obligasyon na parangalan ang Manunubos sa pamamagitan ng iyong katawan- Ang mananampalataya ay tinubos ng Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Hesus na natigis sa Kalbaryo. Kung ikaw ay tunay na Kristiyano, ang iyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu at ikaw ay pag-aari ng Diyos mula ulo hanggang talampakan. Kaya naman dapat lamang na parangalan mo ang Diyos sa pamamagitan ng iyong katawan. Ang utos ni Apostol Pablo ay lumayo ka sa seksuwal na imoralidad (1 Cor. 6:18-20).

Alalahanin na mabigat ang babala ng Diyos laban sa seksuwal na imoralidad- Nabanggit ko na rin lang ang utos ni Pablo na layuan ang seksuwal na imoralidad (1 Cor. 6:18), babanggitin ko na rin na ang salitang Griyego sa orihinal na teksto ay porneia— ito ay isang blanket term na sumasaklaw sa lahat ng uri ng kasalanang seksuwal. Ito ay kabilang sa listahan ng mga gawa ng laman at ang sinumang nagpapatuloy sa mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos (Gal. 5:19-21). Nasa listahan rin ito ng mga dahilan kung bakit paparating ang poot ng Diyos (Col. 3:5). Matapos ituro na pangangalunya ang pagtitig sa babae ng may mahalay na pagnanasa, isinunod agad ni Hesus ang aral tungkol pangangailangang dukutin ang mata kung ito ang sanhi ng pagkakasala. Oo alam nating ito ay hyperbole, ngunit naihatid nito ang punto na kailangan ng mga radikal na hakbang upang makalayo sa mga seksuwal na kasalanan. Sapagkat kalagim-lagim ang dadanasin ng katawang makasalan sa impiyerno (Matt. 5:27-30)

Babanggitin ko na rin ang nais ng puso ko na magsulat Sexual Ethics series, sa ilalim ng mas malaking serye na Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao. Napakalawak ng paksa: pre-marital sex, pornography, masturbation, homosexuality, transgenderism, atbp. Hindi ito madali, kaya idalangin ninyo na magkaloob ang aking Diyos ng kakayahang mag-aral, mag-isip, at magsulat pa. Siya rin ang pinagmumulan ng karagdagang enerhiya, karagdagang mga araw, at karagdagang mga hininga. Sa kanya ang luwalhati, ngayon at magpakailanman! Amen.


Talasanggunian

  • Grudem, Wayne (2018), Christian Ethics: An Introduction to Biblical Moral Reasoning (Crossway)
  • Mohler, R. Albert (2009), Words From the Fire (Moody Publishers)
  • Mounce, William; Greek Dictionary < https://www.billmounce.com/greek-dictionary >

No comments:

Post a Comment