Friday, October 16, 2020

Paglinang ng Isang Pusong Monogamous; Part 02: Huwag Kang Mangangalunya (Part 08: Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao)

Image by Olessya; freely available at Pixabay


Napatunayan natin mula sa nakaraang paskil na ang kalooban talaga ng Manlilikha sa pag-aasawa ay monogamy o ang pagkakaroon ng isa lamang na kabiyak. Samakatuwid, imoral ang maghangad ng karagdagang karelasyon kung ikaw ay may kapareha na. Imoral rin para sa isang tao ang paghahangad na makarelasyon ang isang taong may katipan na. Winakasan ko ang paskil na iyon sa paggiit na hindi sapat ang pagiging legally monogamous; ang kalooban ng Diyos ay monogamous ka rin sa puso at isip. Wika ni Hesus: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso” (Mat. 5:27-28 AB 2001). Hindi lang ang ating mga panlabas na ikinikilos ang mahalaga kay Yahweh. Maaaring marangal kang tignan at wasto ang bawat kilos; magaling! Sapat na yan sa mata ng kapwa-tao. Ngunit hindi lamang ang nasa labas ang nakikita ng Diyos kundi pati ang nasa puso at isip (1 Sam. 16:7). Hindi sapat na walang kahalayan/kabastusan sa iyong pananalita— dapat ay maging katanggap-tanggap rin sa Diyos ang mga pinagbubulayan ng iyong puso. Hindi sapat na malinis ang iyong mga kamay sa pagsamba sa burol ng Panginoon— dapat ay dalisay rin ang iyong puso (Psa. 24:3-4).

Sa loob nagsisimula ang lahat— the inner man. Kaya naman sa Kawikaan 4:23, ang bilin ng pantas sa kanyang anak ay ingatan ang “puso” (MBB 2012) o “isipan” (ASD 2015) "sapagkat mula rito'y dumadaloy ang mga bukal ng buhay" (AB 2001). Ang puso/isip ang siyang bukal ng ating pamumuhay. Kaya sa paskil na ito ay maghahain ako ng mga dapat alalahanin— mga puntong teoritikal na huhubog sa puso at isip at makakatulong sa paglinang ng isang monogamous heart.

Alalahanin na monogamy talaga ang disenyo ng Manlilikha- Ito ay nahahayag sa Genesis 1-2. Kung tatanggihan ng tao ang kaayusang mula sa Diyos (divine order), tiyak na kabaligtaran ang mangyayari— at ang kasalungat ng kaayusan ay kaguluhan (order vs. confusion). Alalahanin na siya ay Diyos ng kaayusan, hindi kaguluhan (1 Cor. 14:33). Sa perpektong disenyo ng Diyos, ang lalaki at ang babae ay nagiging isang laman. Kung may third party, ito ay isang manghihimasok (intruder) sa orihinal na disenyo ng Diyos— at kapag may manghihimasok, nariyan ang kaguluhan.

Alalahanin na kapag may pangangalunya, nasisira ang pagtitiwala ng kabiyak- Sa Saligang Batas ng Pilipinas, ang betrayal of public trust ay isang lehitimong dahilan ng impeachment. Ganun din sa mag-asawa— ang pangangalunya ay betrayal of marital trust (at ito ay lehitimong dahilan ng paghihiwalay, Matt. 5:32). Ito ay isang malalang paglabag sa sumpa at pangakong magiging tapat habang-buhay. Kahit hindi ka pisikal na nambubugbog o nananakit ng asawa, ang pagtataksil sa sumpaan ay nagdudulot ng mga mental at emosyonal na sugat na matagal bago maghilom. At hindi lang ang asawa ang nasasaktan, pati na rin mga anak. Mahihirapan silang irespeto ang magulang na nangalunya.

Alalahanin na ang kultura ng pangangalunya ay may masamang epekto sa lipunan- Ang kaayusan ng pamilya ayon sa disenyo ng Diyos ay hindi lamang sa kabutihan ng pamilya kundi para sa buong lipunan. Sa isang bahagi ng blog series na ito kung saan tinalakay ko ang kahalagahan ng pagbibigay-galang sa mga magulang, aking idiniin ang papel ng pamilya bilang basic social unit ng lipunan. Kung mahina ang pamilya, mahina rin ang pamayanan, lipunan, at bansa. Kung walang kaayusan sa mga pamilya, wala ring kaayusan sa lipunan na binubuo ng mga pamilya. Kung sinira mo ang tiwala ng iyong asawa at mga anak, paano magtitiwala sa iyo ang ibang tao? Kung ang taong dapat sana ay minamahal mo higit sa lahat ay iyong pinagtaksilan, kami pa kaya? Kung ang pinangakuan mo ng katapatan at pinag-alayan ng matatamis na tula tulad ng "Susungkitin ko ang mga bituin sa langit at iaalay sa iyo" ay iyong tinalikuran, kami pa kaya na hindi naman ganun kahalaga sa'yo? Kung hindi ka mapagkakatiwalaan sa iyong tahanan, paano ka namin pagkakatiwalaan sa negosyo, pulitika, at iglesya? Kung sa mga pamilya ay laganap ang panlilinlang (deceit) at pagkakanulo (betrayal), ito ay microcosm lamang ng nangyayari sa lipunan.

Alalahanin na binubura ng pangangalunya ang larawan ni Cristo at ng iglesya- Sa layunin ng Diyos, may espesyal na papel ang Christian marriage sa daigdig. Ito ay ang paglalarawan ng relasyon ni Cristo at ng iglesya. Kapag nagtataksil ang lalaki, winawasak nito ang larawan ng isang mapagmahal na Cristo na naghandog ng kanyang buhay para sa iglesya (Eph. 5:25). Hindi larawan ng sakripisyo ang lalaking nakikiapid kundi masagwang larawan ng pagiging makasarili. Kapag ang babae naman ang nagtataksil, binabasag nito ang larawan ng layunin ni Cristo sa pagtutubos niya ng iglesya; sapagkat ang iglesya ay tinubos upang maging malinis at walang kapintasan (Eph. 5:25-27).

Alalahanin na ang adultery ay larawan ng idolatry- Bukod sa binabalukot ng pangangalunya ang dapat nating i-modelo — 'yan ay ang relasyon ni Cristo at ng iglesya— may iba itong inilalarawan. Sa Banal na Kasulatan, ang pagtalikod ng Israel sa pakikipagtipan ng Diyos ay itinuring bilang ispirituwal na pangangalunya. Ang kanilang pagtataksil sa Diyos at pagsamba sa ibang mga diyos tulad nina Baal, Molech, at Astoreth ay spiritual adulteryit is an illustration of idolatry! (Hosea 1-3). Hindi kataka-taka na laganap ang pagtataksil sa Diyos sa isang adulterous generation (Matt. 16:4)

Alalahanin ang iyong obligasyon na parangalan ang Manunubos sa pamamagitan ng iyong katawan- Ang mananampalataya ay tinubos ng Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Hesus na natigis sa Kalbaryo. Kung ikaw ay tunay na Kristiyano, ang iyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu at ikaw ay pag-aari ng Diyos mula ulo hanggang talampakan. Kaya naman dapat lamang na parangalan mo ang Diyos sa pamamagitan ng iyong katawan. Ang utos ni Apostol Pablo ay lumayo ka sa seksuwal na imoralidad (1 Cor. 6:18-20).

Alalahanin na mabigat ang babala ng Diyos laban sa seksuwal na imoralidad- Nabanggit ko na rin lang ang utos ni Pablo na layuan ang seksuwal na imoralidad (1 Cor. 6:18), babanggitin ko na rin na ang salitang Griyego sa orihinal na teksto ay porneia— ito ay isang blanket term na sumasaklaw sa lahat ng uri ng kasalanang seksuwal. Ito ay kabilang sa listahan ng mga gawa ng laman at ang sinumang nagpapatuloy sa mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos (Gal. 5:19-21). Nasa listahan rin ito ng mga dahilan kung bakit paparating ang poot ng Diyos (Col. 3:5). Matapos ituro na pangangalunya ang pagtitig sa babae ng may mahalay na pagnanasa, isinunod agad ni Hesus ang aral tungkol pangangailangang dukutin ang mata kung ito ang sanhi ng pagkakasala. Oo alam nating ito ay hyperbole, ngunit naihatid nito ang punto na kailangan ng mga radikal na hakbang upang makalayo sa mga seksuwal na kasalanan. Sapagkat kalagim-lagim ang dadanasin ng katawang makasalan sa impiyerno (Matt. 5:27-30)

Babanggitin ko na rin ang nais ng puso ko na magsulat Sexual Ethics series, sa ilalim ng mas malaking serye na Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao. Napakalawak ng paksa: pre-marital sex, pornography, masturbation, homosexuality, transgenderism, atbp. Hindi ito madali, kaya idalangin ninyo na magkaloob ang aking Diyos ng kakayahang mag-aral, mag-isip, at magsulat pa. Siya rin ang pinagmumulan ng karagdagang enerhiya, karagdagang mga araw, at karagdagang mga hininga. Sa kanya ang luwalhati, ngayon at magpakailanman! Amen.


Talasanggunian

  • Grudem, Wayne (2018), Christian Ethics: An Introduction to Biblical Moral Reasoning (Crossway)
  • Mohler, R. Albert (2009), Words From the Fire (Moody Publishers)
  • Mounce, William; Greek Dictionary < https://www.billmounce.com/greek-dictionary >

Tuesday, October 6, 2020

The Case for Monogamy; Part 01: Huwag Kang Mangangalunya (Part 07: Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao)

Image by Olessya
Freely available at Pixabay

Malamang ay ikakagulat ng ilan ang depinisyon ng adultery sa Zondervan Encyclopedia of the Bible (ZEB, 2009)— isang standard reference: "This term is used in the Scriptures to designate sexual intercourse, with mutual consent, between a man, married or unmarried, and the wife of another man." Ano ang kagulat-gulat doon? Sapagkat sa depinisyon na ito, ang pakikipagtalik sa may asawang babae lamang ang itinuturing na adultery. Hindi dito saklaw ang pakikipagtalik ng isang may asawang lalaki sa labas ng tipan ng kanyang kasal basta't wala pang asawa ang kanyang kapareha! Bakit ganun? Dahil hindi ipinaliwanag sa artikulo ng ZEB, ang isusulat ko dito ay sarili kong palagay. Sa wari ko'y isinaalang-alang ng may akda na sa daigdig ng sinaunang Israel at maging sa buong ancient Near East, tanggap sa lipunan ang polygamy at concubinage.

Kung teknikalidad ang pag-uusapan, maaaring tama nga naman ang depinisyon sa ZEB. Ngunit para sa layunin ng paskil na ito, ang depinisyon ay magkukulang sapagkat ang hangad natin ay hindi ang aplikasyon nito sa ancient Near East kundi sa ating panahon. Bukod diyan, ang Mosaic legislation ay kailangang tanawin mula sa mas malawak na bintana ng doktrina ng paglikha (doctrine of creation) upang ating mapiga ang mga moral absolutes na siyang habol natin sa seryeng ito.

Pagtanaw sa batas ni Moises mula sa bintana ng doctrine of creation

Isang araw, lumapit kay Hesus ang ilang mga Fariseo at siya ay tinanong kung naaayon ba sa batas na hiwalayan ng isang lalaki ang kanyang kabiyak sa anumang kadahilanan. Tugon ng Panginoon, “Hindi ba ninyo nabasa na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? At siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao” (Mat. 19:5-6 MBB 2012). May follow-up question ang mga Fariseo; eh kung ganun pala na ang pinagbigkis ng Diyos ay hindi nararapat paghiwalayin ng mga tao, bakit raw ipinag-utos ni Moises sa mga lalaki ang pagbibigay ng dokumento ng diborsyo sa babae? Sagot ni Hesus, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula” (Mat. 19:8 MBB).

Mapupuna ninyo na ang mga tugon ni Hesus sa magkasunod na tanong ng mga Fariseo ay mula sa orihinal na disenyo “sa pasimula”. Ang pinagbabatayang batas ng mga Fariseo ay matatagpuan sa Deu. 24:1 at ipinaliwanag ni Hesus na ang patakaran na ito tungkol sa diborsyo ay kailangang tanawin mula bintana ng doktrina ng paglikha (doctrine of creation) sa Genesis 1 at 2— ang orihinal na disenyo ng Diyos sa pag-aasawa "sa pasimula" bago mahulog ang tao sa kasalanan sa Genesis 3. Sa aklat na Dominion and Dynasty (p. 27), ganito ang paliwanag ni Stephen Dempster: “In his dealing with the question of divorce, Jesus puts the small text of Mosaic legislation in Deuteronomy 24 in the context of the big Text of the biblical story, which begins at the beginning, with the first union of the male and female (Gen. 1 – 2).” Pansinin ninyo na ang patakaran tungkol sa diborsyo sa Batas ni Moises ay tinawag ni Dempster bilang small text samantalang ang salaysay ng paglikha (creation account) ay tinawag niyang big Text. Sa ibang paraan ng pagsabi, hindi namasdan ng mga Fariseo ang gubat ng doktrina ng paglikha (Genesis 1 at 2) dahil lumabis sila sa pagtutuon ng pansin sa puno ng diborsyo sa Deu. 24. Sa banyagang idyoma, "missing the forest for the trees".

Ayaw kong mangyari sa akin 'yun. I do not want to miss the forest for the trees. Kaya naman sa pag-aaral tungkol sa pangangalunya, sa katapatan sa asawa, sa polygamy at concubinage— nararapat pagsikapan na tanawin ito mula sa bintana ng big Texts sa bibliya, partikular ang doctrine of creation.

Interpretasyon ng casuistic law at biblical narratives

Kaugnay ng naunang seksyon, kailangang batid natin ang pagkakaroon ng mga casuistic law o case law sa Batas ni Moises at kung paano ito dapat hawakan ng sinumang nagtuturo ng bibliya. Ano nga ba ang mga case law? Ito ay mga alituntunin kung sakaling mangyari ang scenario na ganito o scenario na ganyan. Hindi ibig sabihin na ang mga scenario na ito ay pinapagawa ng Diyos, aprobado, o kapuri-puri (Copan, 2011)Halimbawa ay sa alituntunin na nagsisimula sa "When men quarrel . . ." (Exo. 21:18), hindi ibig sabihin na kalooban ng Diyos na mag-away ang mga tao, kundi alituntunin lang kung sakaling mangyari ito at may physical injuries. Isa pang halimbawa ay ang atituntunin na nagsisimula sa "When a man sells his daughter. . ."; hindi ito nangangahulugan na katangap-tanggap na gawain ang pagbebenta ng anak. Kung babasahin ang kabuuang alituntunin (Exo. 21:7-11), ito ay isinulat upang mabigyang proteksyon ang anak na babae.

Ganun din naman ang mga batas tungkol sa bigamy o polygamy. Ang alituntunin na nagsisimula sa “If a man has two wives. . .” (Deu. 21:15) ay hindi nangangahulugan na ito ay pinapagawa ng Diyos, aprobado, o kapuri-puri. Ito ay case law— patakaran kung sakaling mangyari ang ganitong scenario. Kung babalikan ang paliwanag ni Hesus tungkol sa case law ng diborsyo, naglatag ng mga alituntunin na ganito si Moises dahil sa katigasan ng ulo ng tao (Mat. 19:8). Hindi magandang mangyari ngunit ang mga ito'y nangyayari— mga realidad sa daigdig na nahulog sa kasalanan. Sa study note sa ilalim ng Lev. 18:18, paliwanag ng ESV Study Bible"the laws of Israel do not always require the ethical ideal; often they simply set out the minimum level of civility that the Israelite theocracy can tolerate."

Isa pang hindi alam ng marami ay kung paano uunawain ang mga kuwento sa bibliya— mga bahagi ng Banal na Kasulatan na nasa narrative genre. Naaalala ko pa ang isa naming kasama sa ROTC noon na isang Muslim. Inaalaska siya noon ng ilang mga kasamang Katoliko sa kung ilan ang balak niyang kunin na mga asawa. Siyempre dumepensa ang kasama naming Muslim. Ang banat niya ay mas malala sa Kristiyanismo dahil ang mga bayani namin, partikular si Haring Solomon ay nagkaroon ng 700 asawa at 300 concubines.

Eh dahil kakarampot pa lang ang alam ko sa pananampalataya sa mga panahong iyon ay hindi ko nadepensahan ang bibliya at ang Kristiyanismo. Kung sana ay kanina lang nangyari yun, binigyan ko sana siya ng munting lektyur sa biblical hermeneutics. Sa interpretasyon ng narrative genre sa Matandang Tipan, itinatala lang at ikinukuwento lang ang mga naganap— hindi ibig sabihin na kanais-nais ang mga itinalang pangyayari. Hindi rin ibig sabihin na ang mga bible characters— kahit pa ang mga bayani— ay dapat tularan. Sila ay mga makasalanan rin tulad natin. Ang asal at buhay ni Solomon ay kailangang husgahan ayon sa mga direktang itinuturo sa ibang bahagi ng kasulatan tulad ng habilin sa Deu. 17:17 na hindi dapat mangolekta ng maraming asawa ang isang hari upang hindi maligaw ang kanyang puso.

Kung ang naganap mahigit dalawang dekada na ang lumipas ay kanina lang sana nangyari, ibinahagi ko sana sa kasama naming Muslim ang kahalagahan ng inspired narrator sa interpretasyon ng narrative genre. Ang pananaw ng inspired narrator and siyang "divine point of view" (Stuart, 2014). Narito ang komentaryo ng inspired narrator tungkol sa buhay ni Solomon: "Siya'y nagkaroon ng pitong daang asawa, mga prinsesa, at tatlong daang asawang-lingkod, at iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso. Sapagkat nang si Solomon ay matanda na, iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso sa ibang mga diyos, at ang kanyang puso ay hindi naging lubos na tapat sa Panginoon niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama" (1 Kings 11:3-4 AB 2001). Ito ang divine point of view.

Ang orihinal na disenyo ng Diyos ay monogamy

Kung ang pagbabatayan ay ang big Text ng Genesis 1 at 2, walang duda na monogamy ang kalooban ng Diyos. Unang-una, noong lumikha ang Diyos ng suitable helper para kay Adan, iisang pirasong tadyang ang hinugot mula sa kanya. Pangalawa, sa disenyo ng Diyos, ang dating dalawang laman ay nagiging isa (Gen. 2:27). Ang ikatlong laman na nais sumali ay isang intruder; wala dapat manghimasok sa orihinal na disenyo ng Diyos.

Kung ang layunin ay punuin ang daigdig ng mga tao (Gen. 1:28), hindi ba't mas mabilis na mangyayari 'yun kung binigyan ng maraming bubuntisin si Adan? Ngunit hindi sumagi sa isip ng Diyos ang solusyon na 'yan— at ang dunong ng Diyos ay banal at walang kakulangan.

Monogamy sa mga yugto ng Pagkahulog, Pagtubos, at Wakas

Bukod sa doktrina ng paglikha, may iba pang mga big Texts na puwede nating tignan. Big Texts ang mga ito sapagkat nabibigyan tayo ng big picture ng buong biblical story line o sa tawag ng mga titser natin sa English literature ay plot. Ang biblical story line ay nahahati sa apat na pangunahing yugto: ang Paglikha (Creation), ang Pagkahulog (Fall), ang Pagtubos (Redemption), at ang Wakas (Consummation(Fee & Stuart, 2002).

Una na nating tinalakay ang Genesis 1 at 2— ang big Text ng Paglikha. Isunod naman natin ang yugto ng Pagkahulog (Fall). Ito ay isang mahabang yugto na nagsisimula sa Genesis 3 kung saan isinalaysay ang pasya nina Adan at Eva na mas paniwalaan ang mga kasinungalingan ng ahas keysa panghawakan ang bilin ng Manlilikha. Ang sannilikha na napakabuti sa paningin ng Manlilikha (Gen. 1:31) ay pinasok ng kasalanan na nagdala ng mga sari-saring 'di kanais-nais tulad ng mga sumpa, pagkabulok, pagdurusa, at kamatayan (Gen. 3:14-19; Rom. 5:12, 8:20-21). Dahil sa pagkahulog sa kasalanan, ang puso at isip ng tao ay nababalot ng kadiliman (Rom. 1:21; Eph. 4:18), at mahal nila ang kadiliman (John 3:19). Hindi nakapagtataka na ang orihinal na plano ng Diyos tungkol sa pag-aasawa ay itinuturing ng marami bilang kahangalan— patunay ay ang paghamak ng moderno at postmodernong tao sa biblikal na disenyo ng kasal sa pagitan ng lalaki at babae at ang kanilang pagpupumilit na tanggapin ng lipunan ang kasal ng lalaki sa lalaki at babae sa babae.

Pagkatapos ng salaysay tungkol sa pagkahulog, sa Genesis 4:23 ay ipinakilala sa atin ang isang tao na nagngangalang Lamech. Sa dalawang paraan lutang na lutang ang kanyang madilim na pag-iisip na bunga ng pagpasok ng kasalanan sa sanlibutan. Una ay ang kanyang pagiging marahas— siya ay sinugatan at ang siningil niyang kapalit ay buhay. Pangalawa ay ang kanyang bigamy. Sa unang palatandaan ng kanyang kasamaan (depravity)— hindi niya kinilala ang pagiging sagrado ng buhay. Sa pangalawa— hindi niya kinilala ang pagiging sagrado ng kasal.

Nagkaroon ng mga tunggalian (rivalries) sa pagitan nina Sarai at Hagar (Gen. 16:1-6), Leah at Rachel (Gen. 29-30), Hannah at Peninnah (1 Sam. 1:1-18). Patunay lamang ang mga ito na kapag tinalikdan ang orihinal na disenyo ng Diyos, hindi maganda ang dulot.

Sa yugto ng Pagtubos (Redemption), ang iglesya ay isang birhen na ipinakipagtipan sa isang lalaki (2 Cor. 11:2). Ang relasyon na ito sa pagitan ni Cristo at ng iglesya ay dapat maisalamin ng mga mag-asawang tinubos ng dugo ni Hesus (Eph. 5:22-33). Isa pang patunay: ang kuwalipikasyon na ang mga tagapangasiwa (elders) ng iglesya at maging ng mga diakono (deacons) ay dapat monogamous sila (1 Tim. 3:2; 3:12; Titus 1:6).

Sa yugto ng Wakas (Consummation), may isang Kordero at isang kasintahan na ikakasal (Rev. 19:7).

Mula Creation hanggang Consummation, ang tanging agila na nakatira sa gubat ay ang monogamy.

Kung loloobin ng aking Panginoon, meron itong karugtong na paskil. Doon ay ating makikita na hindi sapat na monogamous ka lang ayon sa batas (legally monogamous). Ito ay dahil ang nais ng Diyos ay monogamous ka rin sa puso at isip.

_________

TALASANGGUNIAN

  • Copan, Paul (2011), Is God a Moral Monster? (Baker Books)
  • Currid, John (2008), study notes on Leviticus in the ESV Study Bible (Crossway), Wayne Grudem (gen. ed.)
  • Dempster, Stephen G. (2003), Dominion and Dynasty: (IVP USA/Apollos England)
  • Fee, Gordon & Stuart, Douglas (2014), How to Read the Bible for All Its Worth, 4th edition (Zondervan)
  • Fee, Gordon & Stuart, Douglas (2002), How to Read the Bible Book by Book (OMF Literature, by special arrangement with Zondervan)
  • Grudem, Wayne (gen. ed.) (2008), "Biblical Ethics: An Overview", in the ESV Study Bible (Crossway)
  • Lambert, Gray (2009), “Adultery” in Zondervan Encyclopedia of the Bible, Volume 1: A-C; Merrill C. Tenney, general editor / Moisés Silva, revision editor (The Zondervan Corporation)
  • Sarfati, Jonathan (2006), “Does the Bible Clearly Teach Monogamy” ; < https://creation.com/does-the-bible-clearly-teach-monogamy > last access, October 05, 2020