Friday, October 21, 2016

Si Propeta Elias at ang Babaeng Balo sa Zarephath (1 Kings 17:8-16)


 
Namulot ng mga piraso ng kahoy ang babae bilang panggatong. Akala niya, minsan na lang siyang magluluto at kakain sa huling pagkakataon pagkatapos ay mamamatay na sa gutom.

Nasa abroad si mister; nasa Pilipinas si misis. Habang nag-uusap sila sa pamamagitan ng Skype isa-isang binabanggit ni misis ang mga dapat gastusan ng kanilang pamilya. Ang sagot ni mister: “Alam mo darling, minsan lang sa isang buwan ang suweldo dito.” Maliban sa iilan na labis ang kinikita, ito ang suliranin ng karamihang pamilyang Pilipino. Mahirap pagkasyahin ang budget sa dami ng gastusin: pagkain, kuryente, upa sa bahay, matrikula at baon ng mga bata, gamot ng mga maysakit, at kung anu-ano pa. Ang kahirapan sa buhay ay yumayanig sa ating pananampalataya at kung hindi mababantayan, baka tayo ay tuluyang manghina.

Ang bahagi ng kasulatan na tatalakayin sa paskil na ito hango sa buhay si Elias, isang propeta ng Diyos. Siya ay naglingkod bilang propeta sa panahong ang bansa ay nasa ilalim ng isang haring ubod ng sama, si Haring Ahab. At hindi pa siya nakuntento sa kanyang kasamaan, kumuha pa siya ng first lady na masama-- isang dayuhan na nagngangalang Jezebel. Sa ilalim ng pamumuno ng mag-asawa ay hinatak nila ang buong bansa sa kasamaan tulad ng pagsamba kina Baal at Asherah. Ito ay mailalarawan bilang conjugal reign of wickedness.

Bilang propeta ng Diyos, si Elias ang humarap sa kanya at idineklara niya ang mahabang tagtuyot: walang ulan ni hamog. Nagalit ang hari; nanganib ang buhay ni Elias. Siya ay inutusang magtago at manatili sa tabi ng isang batis. Dito pa lang ay makikita na natin ang pagtutustos ng Panginoon sa kanyang mga pangangailangan. Umaga at hapon, ang mga uwak ay inutusang maghatid ng pagkain kay Elias. Kung saan sila kumuha ng supply ay nananatiling misteryo hanggang ngayon. Doon na rin sa batis umiinom ng tubig si Elias.

Pero dahil wala ngang ulan ni hamog, natuyuan rin ang batis. Panahon na upang lumipat ng kuta. Si Elias ay ipinadala ng Panginoon sa tahanan ng isang babaeng balo at isang munting bata. Wika ni Hesus, maraming babaeng balo sa Israel sa panahon na iyon, ngunit hindi ipinadala si Elias sa kanila. Sinadya ng Diyos na pumili ng isang Hentil sa lupain ng Sidon. It was by God's sovereign choice! Puwede naman siyang pakainin ang kanyang propeta sa ibang kaparaanan. Ngunit ipininadala si Elias sa tahanan ng babaeng ito dahil may gagawin ang Diyos sa buhay ng mag-ina.

Inabutan niya ang babae na namumulot ng panggatong. Humingi ng maiinom si Elias. Pupunta na ang babaeng balo upang kumuha ng maiinom, subalit may pahabol na kahilingan ang propeta: isang piraso ng tipanay. Sagot ng niya, "Saksi si Yahweh, ang inyong buhay na Diyos na wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at ilang patak na langis. Namumulot nga ako ng panggatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay." (v.12)

Kung kayo ay gutom at ipapadala kayo ng Panginoon sa isang pamilya, aasahan ninyo siguro na sa marangyang pamilya kayo idadako. Lumalabas dito na ang gutom na si Elias ay ipinadala ng Panginoon sa isang mag-inang dukha. Ang inaasahan ng babae, magluluto na lang siya ng minsan at huling hapunan na iyon.

Subalit nagpakita pa rin ng pananampalataya ang babae:

1. Kinilala niya na ang Diyos ni Elias , ang Diyos ng Israel bilang siyang tunay na Diyos. Wika niya: "Saksi si Yahweh, ang inyong buhay na Diyos" (v.2). Siya ay hindi naman Israelita. Iba ang kinalakihan niyang kultura at relihiyon, ngunit kumbinsido siya na ang Diyos ng Israel ay ang siyang tunay.

2. Sumunod siya sa bilin ni Elias at kinilala niya ito bilang propeta ng Diyos. " Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang maliit na tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. " (v.13). Isipin mo ang kalagayan ng babae. Kakarampot na harina na lamang ang hawak mo at biglang may susulpot na dayuhan na makikihati pa sa anong meron ka. Mahirap magbigay sa ganitong kalagayan.

Ngunit dahil kinilala na niya ang Diyos ng Israel bilang tunay na Diyos, kasunod noon ay ang pagtanggap sa propeta ni Yahweh. Ang gawaing ito ay kasiya-siya sa paningin ng Diyos (Mateo 10:41). Ipinagluto niya si Elias, dahil pinanghawakan niya ang pangako ng Panginoon sa v. 14: "Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin matutuyo ang langis sa tapayan hanggang hindi sumasapit ang takdang araw na papatakin na ni Yahweh ang ulan."

Tinupad ba ng Panginoon ang kanyang pangako? Heto ang pagpapatuloy ng salaysay:
vv. 15-16 "Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw. Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias."

Huwag ninyong iisipin na sa araw mismo na iyon ay biglang nagkaloon ng santambak na dami ng harina sa bahay ng babae. Huwag ninyong iisipin na bigla na lang nagkaroon ng balde-baldeng dami ng langis sa kusina. Yung dating sisidlan pa rin ng harina ang gamit nila at kung titignan mo araw-araw ay kakapiranggot lang ang laman. Yung dating sisidlan pa rin ng langis ang gamit nila at kung titignan mo araw-araw ay iilang patak lang ang laman. Maaaring ito ang araw-araw na tanong ng babae, “Meron ba kaya bukas?”. Araw-araw, napapatibay rin ang pananampalataya ng babae at ng bata.

Sa ating kalagayan, huwag nating iisipin na kailangang magbigay ng milyon-milyong pera ang Diyos para masabing pinagpala tayo. Huwag natin iisipin na kailangang puno lagi ang refrigerator bago tayo maniwalang “the Lord provides!”. Ang araw-araw na pagtutustos niya sa ating mga pangangailangan at napagkakasya natin ito ng hindi inaasahan ay sapat ng dahilan upang mamangha tayo sa kagandahang-loob niya. Ito ay kanyang paraan upang turuan ang puso natin na magtiwala.

At kung babalikan natin ang sinabi ng Panginoon, maraming babaeng balo sa Israel pero ang pinili ng Diyos padalhan ng grasya ng kaligtasan ay isang babaeng Hentil (Lucas 4:25-26). Isipin rin ninyo ang ginawa ng Panginoon sa buhay ninyo: hindi ba doon sa baranggay ninyo, maraming mga tahanan? Hindi ba marami kayong mga kapitbahay? Sa dinami-dami ng mga tao doon, iilan lang ang bilang ng mga mananampalataya.

If he has sent to your home the blessing of salvation, which is the greatest blessing of all, will you not trust him to give you the lesser blessings like food, shelter and clothing?

Romans 8:32--  He who did not spare his own Son, but gave him up for us all--how will he not also, along with him, graciously give us all things?”

No comments:

Post a Comment