Monday, January 23, 2012

May Lugar ba ang Feng Shui sa Buhay-Kristiyano?

May dragon dance.
May bigayan ng tikoy
May mga bati Kung Hei Fat Choi!
Chinese New Year na nga.

Karaniwan ring itinatampok sa panahong ito ay ang paniniwala sa Feng Shui. Ito ay nakabatay sa prinsipyo na may positibong enerhiya (chi) na naghahatid ng suwerte sa ating buhay. Ito ay nagdadala sa atin ng tagumpay, kapayapaan, kasaganaan, kalusugan at kasiyahan. Ang positibong enerhiya na ito ay dapat palapitin at padaluyin ng malaya sa iyong tahanan kung nais mong maging maganda ang iyong buhay. Kailangang alam mo rin iugnay ang puwersang ito sa iba pang mga prinsipyo tulad ng Yin Yang, at Wu Xing (limang elemento).

Kailangang alam mo kung ano ang mga palamuti na iyong isasabit, wastong mga kristal, wastong kulay ng kurtina, tamang hugis at direksyon ng hagdanan, kung saan dapat nakatapat ang pintuan, kung saan ang tamang puwesto ng kalan, kung ilan ang tamang bilang ng mga upuan at marami pang iba.

At kung sakaling ikaw ay nahihilo sa mga kumplikadong prinsipyo ng feng shui, maaari kang sumangguni sa mga feng shui expert. Ilan sa mga kliyente ng feng shui experts ay mga malalaking korporasyon, mga matitinik na negosyante, mga batikang pulitiko at mga sikat na artista.

Sa isang panayam, sinabi ng isang nagtitinda ng mga palamuting pang-feng shui: “Puro science na kasi ang nasa isip ng mga tao ngayon. Pero subukan lang ninyo. Wala namang mawawala.”

Sa paskil na ito, maghahain ako ng tatlong dahilan kung bakit ako tutol sa feng shui; at ang tatlong ito'y hindi dahil sa puros science ang nasa isip ko (mahina nga ako sa subject na 'yan eh). Ang mga pinakamahahalagang bagay sa 'kin ay mga katotohanang supernatural tulad ng Trinidad, Virgin Birth, muling-pagkabuhay, muling pagbabalik ni Kristo, at ang langit bilang walang hanggang destinasyon ng mga mananampalataya.

Unang batayan ng aking pagtutol
Hindi totoo na walang mawawala kung susubukan natin ang feng shui. Ang pagsandal ng ating buhay sa mga gawaing may kinalaman sa okultismo ay hindi kinalulugdan ng Diyos. Sa pagpasok ng mga Israelita sa Lupang Pangako, ang bilin sa kanila ay huwag tularan ang kanilang mga karatig-bansa sa mga gawaing katulad nito.

Tandaan na kapag ang Diyos ay nagbigay ng utos, ito ay para sa ikabubuti ng tao.(Deut. 28:1-2). At kapag may ipinagbawal siya, ito ay para ilayo tayo sa kapahamakan. Alam na alam ng mga sinaunang magulang natin na sina Adan at Eba ang ibig kong sabihin (Gen.3:16-19).

Ikalawang batayan ng aking pagtutol
Sa Feng Shui, binibitiwan natin ang ating pagtitiwala sa isang personal na Diyos at ang kapalit nito'y pagsandal sa isang impersonal na puwersa.

Dahil personal ang Diyos ng Bibliya, maaari tayong magkaroon ng relasyon sa kanya. Personal ang pagsinta niya sa atin; personal rin ang pag-ibig natin sa kanya. Maaari natin siyang kausapin at ibulong sa kanya ang laman ng ating mga damdamin. Ito ay mga bagay na hindi mo maaaring gawin sa isang puwersa-- tulad na lamang ng kuryente. Hindi ka maaaring magkaroon ng relasyon sa kuryente. Hindi ka maaaring ibigin ng kuryente. Ganyan na ganyan sa Feng Shui; ang ating buhay sa kasalukuyan at kinabukasan ay ipinagkakatiwala natin sa impersonal na chi na ni walang batayan sa bibliya.

Ikatlong batayan ng aking pagtutol
Ang konsepto ng malas at suwerte ay pagtanggi sa biblikal na pagpapakilala ng Diyos bilang makapangyarihan sa lahat, na siyang may kontrol ng mga bagay-bagay at mga pangyayari sa ating daigdig. Kay Kristo nakasalalay ang kaayusan at pag-iral ng lahat ng mga bagay (Col. 1:17; Heb. 1:3).

Kung ikaw ay tumutubo sa negosyo, ang tawag ng sanlibutan ay suwerte. Kapag ikaw ay nalulugi, ang tawag ng sanlibutan ay malas. Subalit sa mga anak ng Diyos, walang minamalas. Wala rin namang sinusuwerte. Sila ay mga pinagpala. Sapagkat mayroong Diyos na kumikilos sa lahat ng mga bagay at pangyayari upang magdulot ng mabubuting bagay sa buhay ng mga umiibig sa Diyos at mga tinawag ayon sa kanyang layunin. (Roma 8:28)

Sa mga anak ng Diyos...
… maging ang pagkalugi ay hindi malas
… maging ang gutom ay hindi malas
….maging ang pag-uusig ay hindi malas
… maging ang mga bayo at lindol ay hindi malas
… maging ang kanser at iba pang mga karamdaman ay hindi malas.

Bagkus, ang lahat ng mga ito ay instrumento ng Diyos upang hubugin sa wangis ni Kristo ang mga mananampalataya (Roma 8:29)
------------------

No comments:

Post a Comment