Wednesday, March 9, 2011

Ang Dignidad ng Tao sa Kamay ng Manlilikha

Awit 8:3-8

3 Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.

4 Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?

5 Nilikha mo siyang mababa sa iyo nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.

6 Ginawa mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:

7 mga tupa at kawan pati na ang mababangis,

8 lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
at lahat ng nilikhang nasa karagatan.
Photo Credit: Wikimedia Commons
Ang isa sa mga dapat pahalagahan ng tao ay ang kanyang dignidad. Ang bibliya mismo ay nagtuturo na dapat nating ingatan ang ating karangalan. Tulad na lamang sa Kawikaan 22:1-- kung tayo raw ay kinakailangang pumili sa pagitan ng yaman at dangal, marapat na isuko ang yaman at panatilihin ang malinis na pangalan.

May mga taong nagtataguyod ng dangal ng tao subalit tumatanggi naman sa kapahayagan ng bibliya. Sinasabi nilang sila ay makatao subalit itinatanggi naman nila na merong Diyos na siyang lumikha. Ano ang bunga nito? Sa halip na maiangat ang dignidad ng tao, kabaligtaran ang nangyari. Nasaan ang dangal ng tao sa paliwanag na sinuwerte lang tayo sa proseso ng ebolusyon? Nasaan ang aking dignidad sa paliwanag na ako'y isang malayong kamag-anak ng mga bakulaw?

Mauunawaan lang natin ang dignidad ng tao kung makikinig tayo sa kapahayagan ng bibliya. Sino nga ba ang mapapagpapaliwanag ng dangal ng tao kundi ang mismong lumalang sa tao?

Dito sa Awit 8:3-8 ay matutunghayan natin ang dalawang hakbang upang maunawaan natin ang dignidad natin bilang mga tao.

Unang hakbang:
Maaaring ito ay isang sorpresa sa ilan. Ang unang hakbang upang maunawaan natin ang ating dignidad ay makita muna natin kung gaano tayo kaliit-- Tayo ay maliit kung ihahambing sa malaking Diyos.

Isang gabi'y pinagmamasdan ng salmistang si David ang kalangitan-- ang buwan at mga tala; ni wala siyang hawak na telescope ngunit siya ay lubhang namangha, ang kalangitan ay nagpapatotoo kung gaano kadakila ang Diyos sapagkat ang lahat ng mga nasa kalawakan ay gawa lamang ng maikhaing mga daliri ng Diyos

"3 Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay."


Habang pinagmamasdan ni david ang ganda ng kalangitan, nabatid niya kung gaano siya kaliit kung ihahambing sa karangyaan at kaluwalhatian ng diyos. Tuloy ay kanyang naitanong:

4 "Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?"


Pangalawang Hakbang:
Ang pangalawang hakbang upang maunawaan natin ang dignidad ng tao ay ang mabatid na sa kabila ng liit natin, binigyan niya tayo ng espesyal na tungkulin sa sannilikha.

Sambit ng Salmista sa talata 5:
"Nilikha mo siyang mababa sa iyo nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati."


Ito ay tumutukoy sa likas ng tao na galing sa Diyos. Bago likhain ang tao ay may usapang naganap sa loob ng Banal na Trinidad:

"Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis..." (Gen. 1:26). Bukod diyan ayibinigay niya sa tao ang pinakamataas na posisyon dito sa ibabaw ng lupa-- ang tungkulin ng pamamahala (Awit 8:6-8) kalakip ang kanyang pagpapala sa kanila (Gen.1:28a).

Ito ang tunay na dignidad ng tao: bagamat tayo ay maliit sa gitna ng malawak na solar system; maliit sa gitna ng malawak na galaxy; maliit sa gitna ng malawak na universe, tayo ay nilikha ng Diyos upang ating isalamin sa ating buhay ang Diyos.

 Ang Nasirang Dignidad ng Tao
at ang Solusyon ng Manlilikha
Malayo na nga ang agwat sa pagitan ng nilikha sa manlilikha, mas lumapad pa ang agwat nang ang tao ay magkasala. ang buhay natin na dapat sumalamin sa Diyos ay nagkaroon ng lamat. Nasira ang larawan at wangis ng Diyos sa atin dahil sa kasalanan. Naging pangit tayong lahat at ito'y hindi natin kayang ayusin.

Subalit sa kagandahang-loob ng Diyos, siya na rin ang gumawa ng paraan upang maayos ang lamat sa ating pagkatao. Isinugo niya ang kanyang anak, nagkatawang tao, nag-anyong alipin at namuhay nang walang sala. Sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay ay nilinis niya ang lahat ng bahid ng kasalanan sa sinumang sasampalataya sa kanya.

Siya na malayo ang agwat sa atin; Siya na lubhang mataas at hindi natin maabot ang siya mismong nagpakababa upang tayo ay abutin. Hinango niya tayo mula sa putik ng kasalanan. Sa kanyang piling lamang maibabalik nang buong-buo ang dignidad ng tao.


2 Corinto 3:18
"At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya".

-----------------------
ang salin na ginamit ay ang Bagong Magandang Balita Bibliya

No comments:

Post a Comment