Sunday, January 23, 2011

Ang Talinghaga ng Kaibigang Nangangailangan


See part 1 Here



Hating-gabi, at palibhasa'y buwan ng Enero, malamig ang simoy ng hangin. Kaya naman mahimbing na natutulog sina Mang Panchito, Aling Chichay, at kanilang anim na mga supling. Nagsisiksikan man sila sa munting kubong iyon, masarap pa ring matulog sa ibabaw ng banig na nakalatag sa kawayang sahig.

Biglang may bumasag sa katahimikan ng gabi. "Kumpare! kumpare!" tawag ng isang tao mula sa labas ng kubo. Kahit hirap na hirap si Mang Panchito sa pagdilat ng kanyang mga mata, nakilala pa rin niya ang pamilyar na tinig na tumatagos sa dingding. Ang tinig na iyon ay sa kaibigan niyang si Mang Dolphy.

"Pahingi naman ng dalawang gatang ng bigas o kahit kaning-lamig. Sapagkat habang ako'y natutulog nang mahimbing kagaya mo, ginising ako ni Kumpareng Cachupoy. Naglalakbay siya patungo sa ika-pitong burol at minarapat niyang sa tahanan ko magpalipas ng gabi. Hiyan-hiya ako dahil wala man lang akong maihain sa kanya. Tulungan mo naman ako, Pare!" ika ni Mang Dolphy.

May bahid ng galit ang tugon ni Mang Panchito, "Huwag mo akong gambalain! Wala akong maibibigay sa iyo. Heto nga't malalim na ang gabi at nagpapahinga na ako sampu ng aking pamilya."

Ngunit hindi natinag si Mang Dolphy. Sa tindi ng kanyang pangangailangan ay nagpakapal ng mukha at hindi tumigil sa pangungulit. Sa wakas ay sumuko si Mang Panchito. Hindi siya nakatiis kaya't siya'y bumangon. Iniabot niya kay Mang Dolphy hindi lamang ang kaning-lamig kundi pati ang isang lata ng sardinas at dalawang piraso ng saging.

At iyon ay kanyang ginawa hindi sa ngalan ng Pagkakaibigan kundi sa ngalan ng Tulog.

Kaya't sinasabi ko sa inyo: humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at makakasumpong; kumatok at kayo'y pagbubuksan.

Kayong mga ama na naririto: kung hihingi ba ang inyong anak ng ulam, bibigyan ba ninyo ng ahas? Kung siya'y hihingi ng lugaw, susubuan ba ninyo ng buhangin? Kung gayon na kayong mga masasama ay nagkakaloob ng mga bagay na mabubuti sa inyong mga anak, eh 'di higit pang tutugunan ng Mabuting Ama sa langit ang inyong mga pangangailangan. Hindi lamang mga bagay na pansamantala ang ibibigay Niya, kundi pati ang Banal na Espiritu na siyang bukal ng ginhawa't kapanatagan.

No comments:

Post a Comment