Photo Credit: Pixabay |
Ang mga unang pinadalhan ng Aklat ng Hebreo ay mga mananampalataya na hirap na hirap na. Dahil sa pananampalataya kay Hesus, ang ilan sa kanila ay nabilanggo. Dahil sa pananampalataya kay Hesus, ang ilan sa kanilang mga pag-aari ay sinamsam. Dahil sa pananampalataya kay Hesus, sari-saring anyo ng pag-uusig ang kanilang naranasan. Sila ay sususko na. Malapit na nilang talikuran si Hesus at bumalik na lamang sa dating relihiyon na Judaismo.
Sa Banal na Nasusulat na ating binasa, sila ay hinihikayat ng manunulat na magtiis at magpakatatag. Sila ay binibigyan ng pampalakas-loob upang tapusin ang mahabang marathon upang sila ay mangagsitakbo hanggang sa dulo.
Sa Kabanata 11 ay binanggit ang mga naunang mananakbo na nagsisilbing mga halimbawa ng pagtitiis at pagpapakatatag sa pananampalataya sa kabila ng lahat ng hirap tulad ni Abraham, Moises, at marami pang iba.
Sila ay dapat nating tularan sa pamamagitan ng pagsasantabi ng lahat ng mga pabigat na pumipigil sa atin upang sila ay makatakbo ng matulin. Sila ay hinihikayat na iwaksi ang lahat ng mga kasalanang kumakapit at pumupulupot sa mga mananakbo (12:1).
Sa ikalawang taludtod ay ang panghihikayat na ituon ang paningin kay Hesus. Siya ang pinakadakilang halimbawa ng pagtitiis at pagpapakatatag. Hindi niya inalintana ang hirap at kahihiyan ng kamatayan sa krus dahil alam niyang kasunod nito ay ang kagalakan ng kaluwalhatian ng pag-upo sa kanan ng trono ng Ama.
Gayundin ay totoo sa bawat nagtitiis at nagpapakatatag sa pananampalataya: may kagalakang naghihintay sa dulo ng marathon.
Mga kapatid, ang mga pag-uusig at iba pang mga hirap na dinaranas ninyo ngayon ay hindi na bago. Pinagdaanan na ng mga sinaunang mananampalataya ang mga ‘yan. Ang mga bagay-bagay na nagdudulot ng panghihina at panlulupaypay ng inyong pananampalataya ay naranasan na ng mga nauna sa atin. Kaya naman ang salita ng Diyos sa kanila ay siya rin namang salita ng Diyos para sa atin. Tanggalin ang lahat ng mga pabigat na pumupulupot sa atin upang walang hadlang sa ating pagtakbo. Tularan ang mga unang mananakbo. Ituon ang paningin sa halimbawang ipinakita ni Hesus sa krus.
Takbo pa, kapatid, takbo! Sa dulo ng marathon ay may kagalakang naghihintay para sa iyo. Magpatuloy sa pananampalataya! Magpatuloy sa paglilingkod! Magpatuloy sa pagsamba!