Monday, November 2, 2020

Huwag Kang Magnanakaw (Part 09: Etikang Kristiyano Para sa Karaniwang Tao)

Sa pagtatapos ng unang taon ng operasyon, nagkaroon ng pagtutuos (audit) ang isang hotel. Ilan sa mga bagay na nawawala ay ang mga sumusunod: humigit-kumulang 38,000 na kutsara, humigit kumulang 350 na sisidlan ng kape, at ito ang pinakamatindi— 100 sipi ng mga biblia! Isang kaibigan mula sa Gideons International ang nagbigay-kumpirmasyon na nangyayari nga ito kahit pa may nakaimprenta na “property of Gideons International; do not remove from room” sa balat ng mga biblia. Tiyak kong hindi naman ito ikinagagalit ng organisasyon. Dahil ministry talaga nila ang pag-imprenta at pagpapakalat ng biblia, matutuwa pa sila kung mayroong mga tao na interesado sa salita ng Diyos. Ngunit ang punto ay maraming mga tao ang nangunguha ng pag-aari ng iba.

Bakit ka nagsasara ng pinto at bintana kung aalis ka at iiwanang walang bantay ang bahay? Ano ang posibleng mangyari kung iiwanan mo ang iyong motorsiklo kasama ang susi nito sa kalye? Bakit ang mga sari-sari store, may grills at screen at may maliit lamang na lagusan na pag-aabutan ng binibili at pambayad? Batid nating lahat na ang pagnanakaw ay laganap— isang patunay ng kasamaan ng puso ng tao (Gen. 8:21; Psa. 14:1-3).

Ang pagkalaganap nito ay makikita rin sa yaman ng bokabularyo na naglalarawan sa iba't ibang uri ng pagnanakaw: shoplifting, robbery, burglary, hijacking, holdup, salisi, budol-budol, pilferage, kupit, pandurukot, embezzlement (dispalko), malversation, plunder— kulang na kulang pa ang mga salitang ito sa dami ng paraan ng pagnanakaw.

Noon pa man ay kinasusuklaman na ng Diyos ang pandaraya sa timbangan (Pro. 11:1). At sa iba na tama ang timbangan, dinadaya ang mamimili sa ibang paraan. Malingat ka lang ng kaunti ay isisingit ng tindera ang malaking piraso ng taba, buto, balat na ubod ng kunat o mga panindang bilasa. May false advertising at hindi pagbibigay ng nararapat sa halagang ibinayad (value). Sa kanyang aklat na Business for the Glory of God, ito ang sinabi ng Wayne Grudem: "by giving us the ability to buy and sell, God has given us a wonderful mechanism through which we can do good for each other... We can honestly see buying and selling as one means of loving our neighbor as ourself."

Sa trabaho, kahit hindi ka nag-uuwi ni isang paper clip o ni isang piraso ng bond paper kung hindi ka nagtatrabaho ng maayos, ninanakawan mo ang nagpapasuweldo sa iyo. Ang prinsipyong “The worker deserves his wages” (Luke 10:7; 1 Tim. 5:18b) ay kakambal ng prinsipyong “Do not muzzle an ox while it is treading the grain” (1 Tim. 5:18a). Ang baka ay kailangang magtrabaho upang maging karapat-dapat sa damo at ang manggagawa ay kailangang magbanat ng buto upang maging karapat-dapat sa sahod.

Subukan mong halughugin ang mga kasangkapan at gamit sa iyong tahanan. May nakita ka bang pag-aari ng iba? Paano napunta sa iyo? Ikaw ba ay humiram mula sa iba at hindi mo na ibinalik? O baka naman sa tagal na sa iyo ng "hiniram" mo ay inangkin mo na? Sadyang may mga tao na humihiram at ito ay hiram forever!

Nakakabahala ang dami ng mga parinig sa social media ng mga taong inutangan at hindi binayaran. Maaaring ang iba dito ay talagang salat at walang pambayad nais man nilang magbayad. Ngunit sadyang may mga tao rin na walang kabalak-balak magbayad ng utang. Ang habilin ng Apostol Pablo, “Let no debt remain outstanding, except the continuing debt to love one another” (Rom. 13:8a NIV).

Kung lahat ng paraan ng pagnanakaw ay ating iisa-isahin, baka hindi tayo matatapos. Kaya tatapusin na lang natin ito sa pagbibigay ng ilang prinsipyo:

Unang prinsipyo, biblikal ang karapatang magmay-ari

Sa utos pa lang na “You shall not steal” (Exo. 20:15) ay meron ng pagpapalagay (presupposed) na ang tao ay may karapatang magmay-ari. Sa Pentateuch o sa naunang limang aklat ng biblia, ang salitang ito ay ginamit upang tukuyin ang pagnanakaw ni Rachel sa mga diyus-diyusan ng kanyang ama (Gen. 31:19). Pag-aari ni Laban ang mga iyon. Ito rin ang salitang ginamit ng mga kapatid ni Joseph ng kanilang itanggi na ninakaw nila ang kopang pag-aari ng punong ministro ng Ehipto (Gen. 44:8). Sa Exo. 22:1, ang salita ay ginamit upang tukuyin ang pagkuha sa baka o tupa na pag-aari ng iba. Samakatuwid, ang bokabularyo ng Pentateuch ay kumikilala sa karapatan ng iba na magmay-ari.

Ikalawang prinsipyo, ang lahat ng pag-aari natin ay bigay at ipinagkatiwala ng Diyos

Hindi lang ang karapatang magmay-ari ang galing sa Diyos; sa kanya rin galing ang lahat ng ating mga tinatamasa. <1> Sa sinambit ni Job na "The LORD gave and the Lord has taken away" (Job 1:21), ito ay pagkilala na ang dati niyang kasaganaan pati na rin ang paglaho nito ay nasa pasya ng Makapangyarihang Diyos. Sa dulo ay pinagpala ulit ng Diyos si Job ng higit sa dati (Job 42:12). <2> Noong siya ay tatawid na muli sa Jordan, naalala ni Jacob na noong una siyang tumawid doon ay isang tungkod lang ang kanyang dala-dala. Ngunit sa ikalawang pagkakataon ng kanyang pagtawid ay dalawang pulutong na ang kanyang dala-dala kasama ang kanyang pamilya, mga lingkod, at napakaraming mga alagang hayop. Kinilala niya na ang kanyang kasaganaan ay dahil sa kagandahang-loob at katapatan ng kanyang Diyos (Gen. 32:10). <3> Karaniwang ugali ng makasalanang tao na kapag siya ay umaasenso ay kanyang aakalain na ang kanyang kasaganaan ay bunga ng kanyang sariling kakayahan at sikap. Bago pa man makarating sa Lupang Pangako ang mga Israelita ay may paunang bilin na si Moises. Kapag nadoon na sila at nagkaroonon ng magagandang bahay, maraming mga hayop, ginto at pilak, ang panganib ay baka malimot nila ang Panginoon at magmalaki sa pagsabing “My power and the strength of my hands have produced this wealth for me.” (Deut. 8:11-17; cf. Prov. 30:9a). Kaya ang paalala ni Moises, “remember the LORD your God, for it is he who gives you the ability to produce wealth. . .” (Deu. 8:18).

Samakatuwid, hindi lamang ang ninanakawan ang nalalapastangan kundi pati ang nagbigay nito sa kanya. Kung ang payong na bigay ko kay Kim ay nanakawin ng iba, hindi lang si Kim ang masasaktan kundi pati ako na pumili ng payong na iyon para kay Kim. Gayundin naman, kapag ninakaw mo ang alagang kambing ni Mang Carding, hindi lang si Mang Carding ang nilapastangan mo kundi pati ang Diyos na nagkaloob nito sa kanya.

Ikaapat na prinsipyo, kadalasang kalakip ng pagnanakaw ang iba pang mga kasalanan tilad ng kawalang pananampalataya at kasakiman.

<i> Kawalang pananampalaya. Ipinapakita nito na hindi ka naniniwala sa isang Diyos na pumupuno sa bawat pangangailangan ng kanyang mga tagasunod ayon sa yaman ng kanyang kaluwalhatian kay Hesus (Phil. 4:19). Ang magnanakaw na idinadahilan ang gutom niya at ng kanyang pamilya ay hindi naniniwala na ang Diyos na nagpapakain ng mga ibon sa himpapawid ay siya ring Ama na nagpapakain sa kanyang mga anak (Matt. 5:26). Tuturuan ba niya tayong manalangin ng “Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw” (Matt. 6:11) at hindi tutugunin iyon?

<ii> Kasakiman (Greed). Hindi lahat ng nagnanakaw ay gutom o salat sa buhay. Sa isang bagong-bagong artikulong inilathala sa Philippine Star, giniba ng kolumnistang si Jarius Bondoc ang haka-haka na hindi nagnanakaw ang mga mayayaman. Nabanggit doon ang mga political dynasties ng ating bansa na nagpapakasasa sa pork barrel. Nabanggit rin doon ang ilang mga diktador sa modernong daigdig na nagkamal ng nakakalulang mga halaga ng ill-gotten wealth. Syempre hindi nagpaiwan ang Pilipinas dahil mayroon sa kasaysayan natin ng conjugal dictatorship nina William Saunders at Jane Ryan (a.k.a. Ferdinand at Imelda). Salungat sa nagkalat na propaganda sa internet na galing daw umano sa legal na paraan ang kanilang yaman, pitong milyong piso lang ang idineklara nilang yaman sa kanilang SALN sa mga panahon na iyon— halagang malayo sa kanilang maluhong pamumuhay.

May malapit na kaugnayan ang pagnanakaw at kasakiman, kaya siguro sa listahan ni Pablo ng mga taong hindi magmamana ng kaharian ng Diyos ay magkasunod ang magnanakaw at ang sakim (1 Cor. 6:10). “Watch out! Be on your guard against all kinds of greed”, ika ng Panginoong Hesus (Luke 12:15a). Sa pagkakasabi niya dito ay malinaw na kailangan ng pag-iingat at pagmamatyag sa ating sariling makasalanang puso. Ang kasakiman ay hindi lamang makikita sa mga pulitiko o sa rich and famous. Ito ay maaaring sumibol sa puso nating lahat. Pagpapatuloy ni Hesus, “life does not consist in an abundance of possessions” (Luke 12:15b). Ito ang susi laban sa kasakiman— ang kaalaman na ang buhay ng tao ay wala sa dami ng ari-arian. Bagkus, ang kasiyahan sa buhay ay bumubukal mula sa pagkabatid na ikaw ay nasa panig ng Diyos. “Keep your lives free from the love of money and be content with what you have, because God has said, “Never will I leave you; never will I forsake you.” (Heb. 13:5)

-----