Wednesday, March 2, 2016

Ang Lakad ni Enoch

"Enoch walked with God, and then he disappeared because God took him away." (Genesis 5:24, NET Bible)

"By faith Enoch was taken up so that he did not see death, and he was not to be found because God took him up. For before his removal he had been commended as having pleased God. Now without faith it is impossible to please him, for the one who approaches God must believe that he exists and that he rewards those who seek him."
(Hebrews 11:5-6, NET Bible)
 -----
"Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay MAMAMATAY KA" (Gen. 2:17), babala ng Diyos sa ating mga unang magulang sa hardin. Binale-wala nila ang babala at mas pinaniwalaan ang panlilinlang ng ahas. Kaya naman ipinataw sa tao ang parusang ito: "Dahil sa alabok, doon ka nanggaling, sa lupang alabok ay babalik ka rin." (Gen. 3:19). Pagdating sa ikalimang kabanata ng Genesis, naroon ang talaan ng mga pangalan nina Adan at ng mga inapong sumunod sa kanya:
  • Sa gulang na 930, si Adan ay bumalik sa alabok.
  • Sa gulang na 912, si Seth ay bumalik sa alabok.
  • Sa gulang na 905, si Enosh ay bumalik sa alabok.
  • Sa gulang na 910, si Cainan ay bumalik sa alabok.
  • Sa edad na 895, si Mahalalel ay bumalik sa alabok.

Wala tayong oras at espasyo para isa-isahin ang mga pangalan. Sapat na ang sabihin na mula sa unang pangalang nabanggit hanggang sa huli, silang lahat ay bumalik sa alabok--- MALIBAN SA ISA!!! Si Enoch ay umabot sa gulang na 365 at ang pagkakasabi sa talata 25, sa gulang na iyon siya ay nawala (wala nang nakasulyap pa sa kanya) dahil kinuha siya ng Diyos. 

Sa pagbuklat natin sa Bagong Tipan, mas nabigyang linaw ang nangyari sa kanya: "... si Enoch ay hindi nakaranas ng kamatayan. Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos." (Heb. 11:5).

Ito ang unang pahiwatig ng Bibliya na ang parusang kamatayan na ipinataw sa sangkatauhan ay maaaring matakasan. Ang tao na bihag sa kuko ng kamatayan ay maaaring makaalpas. Ngayon at kumpleto na ang kapahayagan ng Diyos na nakasulat sa Bibliya, unawa natin na ang pagbabalik sa alabok ay hindi ang ating huling hantungan. Ang huling patutunguhan natin ay sa presensya ng Diyos upang makapiling siya araw at gabi at mamangha sa kanyang kadakilaan magpakailanman.

Kung paano nalampasan ni Enoch ang parusang kamatayan ay nandun rin sa Gen 5:24. Sa buong buhay niya, siya ay naglakad kasama ang Diyos o sa talasalitaan (vocabulary) ng sumulat ng aklat ng Hebreo, ang buhay niya ay kalugod-lugod sa Diyos (Heb. 11:5). Sa buong buhay niya, wala siyang ibang inisip kundi kung ano ang magbibigay-lugod sa Diyos. Naging maingat siya sa paglayo sa mga bagay at mga gawaing kinamumuhian ng Diyos. Ang lumakad sa tuwid na daan at mabuhay ng may takot sa Diyos ang nasa puso at isipan niya. Iyan ang ikinatuwa ng Diyos kaya't siya ay kinuha nang hindi dumadaan sa kamatayan.

Maaaring magtanong ang ilan, "Akala ko ba sa pananampalataya naliligtas ang tao at hindi sa gawa? Bakit tila ang kanyang matuwid na buhay ang siyang nagbigay-lugod sa Diyos at naging daan kung bakit siya nakalaya sa parusang kamatayan? Akala ko ba salvation by grace through faith alone?” 

Sinagot 'yan ng may akda ng aklat ng Hebreo. Aniya, ang dahilan kung bakit ganun na lamang kaganda ang lakad ni Enoch na siya namang ikinalugod ng Diyos ay dahil sa pananampalataya. Sa teolohiya ng sumulat, imposible para sa sinuman ang makapagbigay-lugod sa Diyos kung siya ay walang pananampalataya (Heb 11:6). Kaya naman sa konklusyon niya, ang ugat ng pagkalugod ng Diyos kay Enoch ay hindi dahil sa likas siyang matuwid, kundi dahil sa may pananampalataya siya-- pananampalatayang ang dulot ay matuwid na pamumuhay.

Ito ay isang nakakagalak na katotohanan: tayo na may pananampalataya sa Diyos ay kinalulugdan niya. Hindi na bale kung hindi man malugod ang mga tao sa atin sa tuwing naninindigan tayo sa katotohan. Ang tanging may halaga, nalulugod sa atin ang Diyos.

Huling punto: ang Diyos ay nagbibigay gantimpala sa mga masigasig humahanap sa kanya (Heb. 11:6). Kung wala tayong mapapala sa paglilingkod sa Diyos, kung wala tayong mapapala sa pamumuhay nang matuwid, kung wala tayong pakinabang sa pagsunod sa Diyos--- kawawa naman tayo. Mauuwi lang pala sa wala ang lahat. Ganito rin ang saloobin ni Apostol Pablo (1 Corinto 15:19). Mabuti na lang may pakinabang tayo sa pananampalataya ayon sa Heb.11:6. Ang Diyos ay nagbibigay gantimpala sa mga humahanap sa kanya.
---------------- 
Like Enoch, walk with God, and you cannot mistake your road. You have infallible wisdom to direct you, immutable love to comfort you, and eternal power to defend you."
Charles H. Spurgeon
Morning and Evening