Monday, September 14, 2015

"Mapalad ang mga Mahabagin" (The Beatitudes, part 6)

"Mapalad ang mga mahabagin,
sapagkat kahahabagan sila ng Diyos" (Mateo 5:7)

Ubos na ang kanilang mga bala. Sila ay mga sugatan. Walang kalaban-laban. Subalit tinuluyan pa rin silang pinagbababaril ng mga pinagsama-samang puwersa ng MILF, BIFF, at iba pa. Hindi na iginalang ang kanilang uniporme na patunay na sila ay mga awtoridad na ipinadala ng pamahalaan. Ngunit bago pa man nangyari ang lahat ng ito, ang kawalang-habag ay matagal ng nakapasok sa ating daigdig. Sa mga anak pa lang nina Adan at Eva ay naipamalas na ang kawalang-habag ng paslangin ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel.

Ikaw ba ay mahabagin? Siguro nga ay wala ka pang napapatay o nakakagawa ng anumang karahasan, subalit hindi lamang naman doon nakikita ang kawalang-habag. Naantig pa ba ang ating mga damdamin kung may nakikita tayong naghihirap o nagdurusa? Ang pagkamahabagin ay isang katangian ng Diyos na dapat tularan ng kanyang mga anak. Kapag ang katangian ng Diyos na ito ay nababanggit sa bibliya, ito ay madalas inilalakip sa dalawa pang ibang katangian: ang grasya at pasensya ng Diyos (tignan sa Exodus 34:6 at Psalm 103:8). Maaari rin na ituring ang tatlong ito bilang tatlong aspeto ng kabutihan ng Diyos1

Ang kanyang habag ay tumutukoy sa kanyang kabutihan sa mga nahihirapan.
Ang kanyang grasya ay tumutukoy sa kanyang kabutihan sa mga karapat-dapat parusahan.
At ang kanyang pasensya ay tumutukoy sa kanyang pagpipigil sa pagpaparusa sa mga nagkasala na madalas ay umaabot sa mahabang panahon.

Ang pagiging mahabagin kasama ang dalawang katangian madalas na kalakip nito (grasya at pagpapasensya) ay kabilang sa mga tinatawag na communicable attributes of God o mga katangian ng Diyos na maaaring tularan ng kanyang mga anak2. Sa sinumang nagsasabi na siya ay anak ng Diyos, marapat lamang na tularan niya ang mga communicable attributes ng kanyang Ama sa langit (Colosas 3:10). Kung ikaw ay mahabagin, magpapakita ka ng kabutihan sa mga taong naghihirap. Gagawa ka ng mga hakbang upang maibsan ang kanyang pagdurusa kahit na ang pagdurusang ito ay bunga ng sarili niyang kagagawan.

Idinugtong rin ni Hesus na ang mga mahabagin ay kahahabagan din. Sa isang taong mahabagin, ito ay patunay na ang Diyos ay kumilos na sa puso niya upang siya ay maging kawangis ng mahabaging si Kristo at magkakarooon siya ng kapanatagan na ang habag ng Diyos ay higit sa mga parusang nararapat sa kanya3.
 

--------------
FOOTNOTES
1. "God’s mercy, patience, and grace may be seen as three separate attributes, or as specific aspects of God’s goodness. (Wayne Grudem, Systematic Theology)
2. "Communicable attributes: Aspects of God’s character that he shares or “communicates”with us." (Jeff Purswell, the glossary section of Wayne Grudem's Systematic Theology)
3. "The presence of love (or mercy) shows that God has performed a work of grace in the believer's heart, making him like Christ. As a result, he can have confidence when he is judged.(Donald Burdick's commentary on James 2:13 in Expositor's Bible Commentary, 1st edition)