"Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran sapagkat sila ay bubusugin." (Mateo 5:6)
Hindi na nga nakapag-almusal si Pilar, tumagal pa ang pulong ng higit sa inaasahan. Nanginginig ang kanyang tuhod sa gutom at halos mahihilo na siya. Paglabas niya ng gusali ay may natanaw siyang dalawang tindahan: ang nasa kanan ay tindahan ng mga kakanin at ang nasa kaliwa ay may ukay-ukay. Alin sa dalawang tindahan ang sa tingin ninyo ang lalapitan ni Pilar?
Ang naranasan ni Pilar ay ilang oras lang ng pagkagutom, ano pa kaya sa mga panig ng daigdig kung saan may mga taggutom na tumatagal ng mahabang panahon. Sa isang taong hindi pa kumakain ni umiinom sa loob ng ilang linggo, wala siyang ibang hanap kundi pagkain at tubig. Ikaw man, kung halos mamatay ka na sa gutom at uhaw, hindi mo ba ipagpapalit ang iyong mga mamahaling gamit kapalit ng bigas, mga de-lata at malinis na tubig? Bakit mo panghahawakan ang mga bagay na hindi naman magpapahaba ng iyong buhay?
Sa buhay ispirituwal, madalas ang ninanais ng mga tao ay ang mga bagay na hindi naman magbibigay ng buhay at sigla sa kanilang kaluluwa. Halimbawa ay sa Isaias 55:1-3 kung saan ang mga tao ay sinasabing nag-aaksaya at nagpapakapagod sa mga bagay na hindi naman nakakabusog. Ang paanyaya ng Diyos ay lumapit sa kanya ang mga gutom at uhaw sa kaluluwa at sila ay bibigyan ng walang bayad. Ito ay madalas na nangyayari sa ating pagtalikod sa Diyos sa pag-aakalang maaari tayong mabuhay ng wala siya. Ngunit sa ating pagtalikod ay lumalayo tayo sa tunay na bukal ng buhay (Jeremias 2:13).
Ang iba ay uhaw sa karangyaan at kasikatan; ang iba ay gutom sa kayamanan at kapangyarihan at ang mga ito'y hinahanap-hanap ng kanilang puso ng hiwalay sa Diyos. Ngunit ano nga ba ang mapapala ng tao makamtan man niya ang buong sanlibutan at mapapahamak naman ang kanyang kaluluwa? (Mateo 16:26)
Ayon sa Panginoong Hesus, ang mga mapapalad ay ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran. Ano ang ibig sabihin nito? Sa kanilang personal na buhay, ang nais nila ay kung ano ang matuwid. Sila ay lumalayo sa mga daan at pananaw na baluktot. Nais nila ay maibigay ang tama sa lahat at mamayani ang katarungan sa buong daigdig. Sa paghahari lamang ng Diyos matutupad ng ganap ang pangako sa kanila na sila ay bubusugin. Hanggat hindi pa bumabalik ang Panginoon, ang daigdig natin ay magpapatuloy na ganito-- salat sa katarungan at katuwiran. Kaya naman ang dalangin ng mga taga-sunod ni Kristo ay ang paghahari ng Diyos sa lupa sapagkat sa paghahari lamang ng Diyos makakamtam ang perpektong daang matuwid at makatarungan1.
Tunay nga na ikaw ay nagugutom at nauuhaw sa katuwiran kung:
1. ang iyong pagka-uhaw ay naka-sentro sa Diyos (Awit 42:2; 63:1)
2. ikaw ay gutom na sundin ang kalooban ng Diyos (Juan 4:34)
3. hanap-hanap mo ay ang kanyang salita (Amos 8:11 ff.)
4. ito'y nagsisimula sa pagkabatid na wala kang sariling katuwiran at ang iyong tanging pag-asa ay kung ibibilang na iyo ang matuwid na buhay ni Kristo (Romans 3:10-24)
-------------------
FOOTNOTE:
1. "So it is better to take this righteousness as simultaneously personal righteousness and justice in the broadest sense. These people hunger and thirst, not only that they may be righteous (i.e., that they may wholly do God's will from the heart), but that justice may be done everywhere. All unrighteousness grieves them and makes them homesick for the new heaven and earth--the home of righteousness (2 Peter 3:13). Satisfied with neither personal righteousness alone nor social justice alone, they cry for both: in short, they long for the advent of the messianic kingdom. What they taste now whets their appetites for more. Ultimately they will be satisfied without qualification only when the kingdom is consummated." D. A. Carson, Matthew, Expositor's Bible Commentary (1st edition)